1Noong si Ahaz na anak ni Jotam at apo ni Uzias ang hari ng Juda, sinalakay ang Jerusalem. Sinalakay ito ni Haring Rezin ng Aram at ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalias. Ngunit hindi nila naagaw ang Jerusalem.[#7:1 : O Siria.]
2Nang mabalitaan ng hari ng Juda na nagkampihan ang Aram at Israel, siya at ang mga mamamayan niya ay nanginig sa takot. Nanginig sila na parang punong niyayanig ng hangin.[#7:2 : Sa literal, pamilya ni David.; #7:2 : Sa Hebreo, Efraim. Tumutukoy sa hilagang kaharian ng Israel; ganoon din sa talata 5|ISA 7:5, 8|ISA 7:8, at 17|ISA 7:17.]
3Sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Isama mo ang anak mong si Sear-yasub at salubungin ninyo si Ahaz sa dulo ng daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig, malapit sa daan papunta sa pinaglalabahan.[#7:3 : Ang ibig sabihin, ang mga naiwan ay babalik.]
4Ito ang sasabihin mo sa kanya, ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag kang kabahan dahil sa tindi ng galit nina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka na anak ni Remalias. Ang dalawang itoʼy parang mga tuod ng puno na umuusok ngunit walang apoy.
5Nagplano sila ng masama laban sa iyo. Nagkasundo sila at sinabi,
6“Lusubin natin ang Juda at sakupin. Pagkatapos, paghati-hatian natin ang kanyang lupain at gawing hari roon ang anak ni Tabeel.”
7Ngunit sinabi ng Makapangyarihang Panginoon ,
“Hindi ito mangyayari o magaganap.
8Sapagkat ang Damasco
ay kabisera lamang ng Aram,
at si Rezin ay sa Damasco lamang naghahari.
Mawawasak ang Israel
sa loob ng animnapuʼt limang taon,
at hindi na ito matatawag na bansa.
9At ang Samaria
ay kabisera lamang ng Israel,
at si Peka na anak ni Remalias
ay sa Samaria lamang naghahari.
Kung hindi matatag
ang pananalig nʼyo sa Diyos,
tiyak na mapapahamak kayo.” ’ ”
10Muling nangusap ang Panginoon kay Ahaz,
11“Humingi ka sa akin, ang Panginoon na iyong Diyos, ng palatandaan, magmula man ito sa kalaliman, doon sa mundo ng mga patay, o sa kaitaasan, doon sa langit.”
12Ngunit sumagot si Ahaz, “Hindi ako hihingi ng palatandaan. Hindi ko susubukin ang Panginoon .”
13Sinabi ni Isaias, “Makinig kayong mga angkan ni David. Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa pang-iinis nʼyo sa mga tao? At ngayon, ang Diyos ko naman ang iniinis ninyo?
14Dahil dito, ang Panginoon na mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Magbubuntis ang isang birhen, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Immanuel.[#7:14 : O dalaga.; #7:14 : Ang ibig sabihin, kasama natin ang Diyos.]
15Keso at pulot ang kanyang kakainin kapag natuto na siyang tanggihan ang mali at piliin ang mabuti.
16Sapagkat bago pa matuto ang batang tanggihan ang mali at piliin ang mabuti, ang lupain ng dalawang haring kinakatakutan mo ay maiiwang nakatiwangwang.
17Ipaparanas ng Panginoon sa iyo, sa iyong bayan at pati na sa iyong angkan ang mga panahon na hindi pa ninyo nararanasan mula nang humiwalay ang Israel sa Juda. Ipapadala niya ang hari ng Asiria.”
18Sa araw na iyon, sisipol ang Panginoon para sa mga taga-Ehipto at Asiria. Darating ang mga taga-Ehipto na parang mga langaw mula sa malalayong ilog ng Ehipto. Darating din ang mga taga-Asiria na parang mga bubuyog.
19At lahat silaʼy maninirahan sa lahat ng dako: sa matatarik na bangin, sa bitak ng malalaking bato, sa mga tinikan, at sa mga pastulan.
20Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang hari ng Asiria, ang inupahan niyang galing sa kabila ng Ilog ng Eufrates. Siya ay parang pang-ahit na aahit sa inyong buhok, balahibo sa katawan, at balbas.
21Sa panahong iyon, ang maaalagaan lamang ng bawat tao ay tig-iisang dumalagang baka at dalawang kambing,
22na siyang pagkukunan nila ng gatas. Keso at pulot ang magiging pagkain ng lahat ng naiwan sa Juda.
23Sa panahon ding iyon, ang ubasan na may isang libong puno na nagkakahalaga ng isang libong pirasong pilak ay maging masukal at mapupuno matitinik na halaman.
24Mangangaso ang mga tao roon na dala ang kanilang mga pana at sibat dahil naging masukal na ito at puno ng matitinik na halaman.
25Wala nang pupunta sa mga burol na datiʼy binubungkal para taniman, dahil takot sila sa mga dawag at matitinik na halaman. Magiging pastulan na ito kung saan ang mga baka ay pinakakawalan at ang mga tupaʼy nagtatakbuhan.