The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng isang malapad na tablang sulatan, at isulat mo ang mga katagang ito gamit ang ordinaryong panulat: ‘Maher-salal-has-baz.’ ”[#8:1 : Ang ibig sabihin, Mabilis sa pagsamsam, matulin sa paghakot.]
2Kumuha ako ng dalawang mapagkakatiwalaang saksi na magpapatunay na isinulat ko nga ito. Sila ay sina Urias na pari, at Zacarias na anak ni Jeberequias.
3Pagkatapos, sumiping ako sa aking asawa. Hindi nagtagal, naglihi siya at nanganak ng lalaki. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Pangalanan mo siyang Maher-salal-has-baz.
4Bago matutong magsalita ang bata ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga sinamsam ng Samaria ay kukunin ng hari ng Asiria.”
5Sinabi pa ng Panginoon sa akin,
6“Dahil sa tinanggihan
ng mga taong ito
ang tubig ng Siloa
na umaagos nang banayad,
at natutuwa sila kay Haring Rezin
at Haring Peka,
7ipapasalakay ko sila sa hari ng Asiria
at ng kanyang hukbo;
siya ay katulad ng malakas
na Ilog ng Eufrates
na bumabaha at umaapaw
sa kanyang mga pampang.
8Parang baha siyang raragasa sa Juda,
at aagos dito,
dadaan siyang parang tubig,
aabot hanggang leeg.
Parang nakabuka ang kanyang pakpak
na tatakip sa buong lupain.
Ngunit kasama natin ang Diyos!”
9Kayong mga bansa,
kahit na magsama-sama kayo,
magkakawatak-watak pa rin kayo.
Makinig kayong mga nasa malayo!
Kahit na maghanda pa kayo
sa pakikipagdigma,
matatalo pa rin kayo.
10Anuman ang binabalak ninyo laban sa amin
ay hindi magtatagumpay,
dahil kasama namin ang Diyos.
11Mariin akong binalaan ng Panginoon na huwag kong gagayahin ang pamamaraan ng mga kababayan ko.
12“Huwag kayong makikipag-isa
sa ibang mga bansa
katulad ng ginagawa ng iba.
Huwag kayong matatakot
sa kinakatakutan nila,
at huwag kayong kakabahan.
13Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo,
ay dapat ninyong kilalaning banal.
Ako ang dapat ninyong katakutan.
14Ako ang magiging kanlungan ninyo.
Ngunit sa mga taga-Israel at taga-Juda,
katulad ako ng isang batong
naging katitisuran sa mga tao,
at nakakapagpadapa sa kanila.
At para sa mga taga-Jerusalem,
para akong isang bitag.
15Marami sa kanila ang matitisod,
madadapa at mapapahamak.
Masisilo sila at mahuhuli.”
16Kayong mga tagasunod ko,
ingatan ninyo ang mga aral ko.
17Magtitiwala ako sa Panginoon
kahit na tinalikuran niya
ang lahi ni Jacob.
Sa kanya ako aasa.
18Ako at ang mga anak ko na ibinigay ng Panginoon ay mga palatandaan para sa Israel mula sa Panginoon ng mga Hukbo na nakatira sa Bundok ng Zion.[#8:18 : Ang ibig sabihin ay may kahulugan ang kanilang mga pangalan para sa Israel.]
19May mga nagsasabing humingi kayo ng patnubay mula sa mga kaluluwa ng mga patay at mga manghuhulang bumubulong-bulong. Hindi nga ba dapat humingi ang mga tao ng patnubay sa kanilang mga diyos? O kayaʼy humingi ng patnubay mula sa mga patay para sa mga buháy?
20Ang kautusan at babalang patotoo ng Diyos ang dapat ninyong hingan ng patnubay. Kapag may mga nagsasabi ng mga bagay na salungat sa salita niya, nasa kadiliman pa rin sila.
21Lalakad sila na pagod at gutom. At dahil sa gutom, magagalit sila at susumpain ang hari nila at ang kanilang Diyos. Tumingala man sila sa langit
22o tumingin sa lupa wala silang makikita kundi kahirapan at kadiliman. At doon sila dadalhin sa matinding kadiliman.