The chat will start when you send the first message.
1Mga kapatid, huwag basta-bastang maghangad na maging tagapagturo ang marami sa inyo, dahil alam ninyong mas mabigat ang paghatol sa aming mga nagtuturo.
2Lahat tayoʼy madalas magkamali. Kung mayroon mang hindi nagkakamali sa pananalita niya, isa siyang taong ganap at may kakayahang pigilan ang kanyang sarili.
3Binubusalan natin ang mga kabayo sa bibig para sumunod saan man natin gustong papuntahin.
4Isipin nʼyo rin ang mga barko na kahit napakalaki at itinutulak ng malakas na hangin ay napapabaling ng maliit na timon at napapapunta ng kapitan saan man niya gustuhin.
5Ganoon din naman ang dila natin; kahit itoʼy maliit na bahagi ng katawan, nakakagawa ng malaking kayabangan. Isipin ninyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog dahil sa maliit na apoy.
6Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ay nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impiyerno, at sumisira sa buong buhay natin.
7Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao.
8Ngunit walang taong nakakapagpaamo sa dila niya. Itoʼy walang kapaguran sa kasamaan at nagtataglay ng nakakamatay na lason.
9Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, ngunit sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Diyos.
10Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan.
11Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi!
12Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat.
13Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba.
14Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan ninyo ang katotohanan.
15Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Diyos sa langit, kundi sa mga tao dito sa mundo. Hindi ito mula sa Espiritu kundi sa diyablo.
16Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan.
17Ngunit ang taong may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari.
18Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.