The chat will start when you send the first message.
1Kayong mayayaman, makinig kayo! Umiyak kayoʼt tumangis dahil sa mga kahirapang darating sa inyo.
2Nabubulok na ang mga kayamanan ninyo at sinisira na ng insekto ang mga damit ninyo.
3Kinakalawang na ang perang nalikom ninyo, at ang kalawang na ito ang gagamiting ebidensya laban sa inyo at tutupok sa inyong laman na parang apoy.
4Pakinggan ninyo ang reklamo ng mga manggagawa laban sa inyo. Pinagtrabaho ninyo sila sa inyong bukirin ngunit hindi ninyo binigyan ng sahod. Nakarating na sa Panginoong Makapangyarihan ang mga hinaing nila.
5Namuhay kayo nang marangya at maluho sa mundong ito. Para nʼyo na ring pinataba ang mga sarili nʼyo para sa araw ng pagkatay.
6Hinatulan ninyoʼt ipinapatay ang mga taong walang kasalanan kahit hindi sila lumalaban sa inyo.
7Mga kapatid, maging matiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Pagmasdan ninyo ang mga magsasaka, matiyaga nilang hinihintay ang unang pag-ulan. At pagkatapos nilang magtanim, matiyaga rin silang naghihintay sa susunod na ulan at anihan.
8Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob dahil nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9Huwag kayong magsisihan mga kapatid, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. Malapit nang dumating ang Hukom.
10Tularan ninyo ang pagtitiyaga at pagtitiis ng mga propeta na mga tagapagsalita ng Panginoon.
11Hindi baʼt itinuturing nating mapalad ang mga taong nagtitiis? Alam nʼyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at alam din ninyo kung paano siya tinulungan ng Panginoon sa bandang huli. Sadyang mabuti at maawain ang Panginoon.
12Higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa sa mga pangako ninyo. Huwag ninyong sabihin, “Saksi ko ang langit” o “Saksi ko ang lupa” o ano pa man. Sabihin nʼyo lang na “Oo” kung oo, at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
13Mayroon bang dumaranas ng paghihirap sa inyo? Dapat siyang manalangin sa Diyos. Mayroon bang masaya sa inyo? Dapat siyang umawit ng mga papuri.
14Mayroon bang may sakit sa inyo? Dapat niyang ipatawag ang mga pinuno ng iglesya para ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon.[#5:14 : Ang ibig sabihin, “mga mananampalataya ni Kristo.”]
15Ang panalanging may pananampalataya ay nakapagpapagaling ng maysakit. Palalakasin siya ng Panginoon at patatawarin kung nagkasala siya.
16Kaya nga, ipagtapat ninyo sa isaʼt isa ang mga kasalanan ninyo at ipanalangin ang isaʼt isa upang gumaling kayo. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
17Ang propetang Elias ay tao ring tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan ng tatloʼt kalahating taon.
18At nang manalangin siya upang umulan, bumuhos ang ulan, at namunga ang mga pananim.
19Mga kapatid, kung nalilihis sa katotohanan ang isa sa inyo at may nakapagpabalik sa kanya sa tamang landas,
20dapat ninyong malaman na ang nagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang masamang pamumuhay ay nagliligtas ng kaluluwa ng taong iyon sa kamatayan, at magdudulot ng kapatawaran ng maraming kasalanan.