The chat will start when you send the first message.
1Nagtipon ang mga sundalo ng Efraim, at tumawid sila sa Ilog Jordan, at pumunta sa Zafon upang harapin si Jefta. Nagtanong sila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag noong nakipaglaban kayo sa mga Amonita? Dahil sa ginawa mong ito, susunugin namin ang bahay mo habang nasa loob ka?”
2Ngunit sinabi ni Jefta sa kanila, “Nang nakipaglaban kami sa mga Amonita, humingi kami ng tulong sa inyo. Ngunit hindi nʼyo kami tinulungan.
3Nang malaman kong hindi kayo tutulong, itinaya ko ang buhay ko sa labanan. At pinagtagumpay ako ng Panginoon . Ngayon, bakit ba gusto nʼyong makipaglaban sa akin?”
4Sumagot ang mga taga-Efraim, “Kayong mga taga-Gilead ay mga sampid lamang sa angkan ng Efraim at Manases.” Kaya tinipon ni Jefta ang mga kalalakihan ng Gilead at nakipaglaban sila sa mga taga-Efraim. At nalupig nila ang mga ito.
5Sinakop ng mga taga-Gilead ang mga lugar sa Ilog Jordan na tinatawiran papunta sa Efraim. Kapag may tumatawid dito, tinatanong nila kung taga-Efraim ba siya o hindi. Kung sasagot ito ng “Hindi,”
6pinabibigkas nila ang salitang “Shibolet”. Kung hindi niya ito mabigkas nang tama at ang pagkakabigkas nito ay “Sibolet”, huhulihin nila siya at papatayin sa may tawiran ng Ilog Jordan. May 42,000 taga-Efraim ang namatay nang panahong iyon.
7Pinamunuan ni Jefta ang Israel sa loob ng anim na taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa isang bayan sa Gilead.
8Pagkamatay ni Jefta, si Ibzan na taga-Bethlehem ang pumalit sa kanya bilang pinuno ng Israel.
9Si Ibzan ay may tatlumpung anak na lalaki at tatlumpung anak na babae. Pinapag-asawa niya ang mga anak niyang babae sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan. Namuno siya sa Israel sa loob ng pitong taon.
10Nang mamatay siya, inilibing siya sa Bethlehem.
11Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Elon na taga-Zebulun. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng sampung taon.
12Nang mamatay siya, inilibing siya sa Ayalon na sakop ng Zebulun.
13Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Abdon na anak ni Hilel na taga-Piraton.
14May apatnapu siyang anak na lalaki at tatlumpung apong lalaki, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Siya ay namuno sa Israel sa loob ng walong taon.
15Pagkamatay niya, inilibing siya sa Piraton, sa kaburulan ng Efraim, na sakop ng mga Amalekita.