The chat will start when you send the first message.
1Isang araw, pumunta si Samson sa Timna, at may nakita siya roon na isang dalagang Filisteo.
2Nang makauwi na siya, nagkuwento siya sa mga magulang niya. Sinabi niya, “May nakita ako sa Timna na isang babaeng Filisteo. Kunin nʼyo siya dahil gusto ko siyang mapangasawa.”
3Ngunit sumagot ang mga magulang niya, “Wala ka bang mapili man lang sa mga kamag-anak o kababayan natin? Bakit gusto mong makapag-asawa ng mula sa mga Filisteong hindi tuli?”
Ngunit sumagot si Samson sa kanyang ama, “Basta kunin nʼyo siya. Siya ang tamang babae para sa akin.”
4Hindi alam ng mga magulang ni Samson na kalooban pala ng Panginoon ang pasya niya. Sapagkat naghahanap ang Panginoon ng pagkakataon na makipaglaban sa mga Filisteo, dahil sakop ng mga Filisteo ang Israel nang mga panahong iyon.
5Pumunta si Samson sa Timna kasama ang mga magulang niya. Nang papunta na si Samson sa mga ubasan sa Timna, bigla siyang sinalubong ng isang batang leon na umuungal.[#14:5 : Sa Septuagint, siya. Sa Hebreo, sila.]
6Agad na lumukob sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at niluray niya ang leon gamit ang kanyang mga kamay na tulad lang ng pagluray sa batang kambing. Ngunit hindi niya ito sinabi sa mga magulang niya.
7Pinuntahan ni Samson ang babae at nakipagkuwentuhan, at nagustuhan talaga niya ang ito.
8Pagkalipas ng ilang araw, bumalik siya sa Timna upang pakasalan ang babae. Doon siya dumaan sa kinaroroonan ng pinatay niyang leon upang tingnan ang bangkay nito. At nakita niya ang maraming pulot at pukyutan sa bangkay ng leon.
9Isinandok niya ang kanyang kamay sa pulot at kumain habang naglalakad. Nang makita niya ang kanyang magulang, binigyan niya sila ng pulot, at kinain din nila ito. Ngunit hindi niya sinabi sa kanila na kinuha niya ito sa bangkay ng leon.
10Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng magiging manugang niya. At doon ay nagpapiging si Samson ayon sa kaugalian ng mga binata.
11Nang makita ng mga tao si Samson, binigyan nila siya ng tatlumpung binatang lalaki upang samahan siya.
12Sinabi ni Samson sa kanila, “May bugtong ako sa inyo. Kung mahuhulaan nʼyo ito bago matapos ang pitong araw na piging, bibigyan ko kayo ng tatlumpung telang lino at tatlumpung mamahaling damit.
13Ngunit kapag hindi nʼyo ito nahulaan, kayo ang magbibigay sa akin ng mga ito.”
Sumagot sila, “Sige, sabihin mo sa amin ang bugtong mo.”
14Sinabi ni Samson,
“Mula sa nangangain, lumabas ang pagkain,
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”
Lumipas ang tatlong araw pero hindi nila ito mahulaan.
15Nang ikaapat na araw, kinausap nila ang asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang asawa mo na ipagtapat niya sa iyo ang sagot sa bugtong upang malaman namin. Kung hindi, susunugin ka namin pati ang sambahayan ng iyong ama. Inimbita nʼyo ba kami sa piging na ito upang kunin ang mga pag-aari namin?”
16Kaya umiiyak na pumunta ang asawa ni Samson sa kanya. Sinabi niya, “Hindi mo pala ako mahal. Nagpahula ka ng bugtong sa mga kababayan ko pero hindi mo sinabi sa akin ang sagot.”
Sumagot si Samson, “Hindi ko nga sinabi sa mga magulang ko, sa iyo pa kaya?”
17Mula noon, patuloy na umiyak ang babae hanggang sa ikapitong araw. Kaya sinabi na lang ni Samson sa kanya ang sagot dahil tuloy pa rin ang pangungulit niya. At ang sinabi ni Samson sa kanya ay sinabi rin niya sa kanyang kababayan.
18Kaya bago matapos ang ikapitong araw, sinagot nila ang bugtong. Sinabi nila kay Samson,
“May mas tatamis pa ba sa pulot?
May mas lalakas pa ba sa leon?”
Sumagot si Samson,
“Kung hindi ninyo pinilit ang aking mapapangasawa,
hindi nʼyo sana nalaman ang sagot.”
19Pinalakas ng Espiritu ng Panginoon si Samson. Pumunta siya sa Ashkelon at doon pinatay niya ang tatlumpung tao at kinuha ang mga ari-arian at mga damit ng mga ito. Pagkatapos, ibinigay niya ang mga damit sa mga tao na nakasagot ng bugtong niya. Kaya umuwi siya sa magulang niya na galit na galit dahil sa nangyari.
20Ang asawa ni Samson ay ipinakasal sa kanyang pangunahing abay sa kanilang kasal.