Mga Hukom 15

Ang Paghihiganti ni Samson sa mga Filisteo

1Hindi nagtagal, sa panahon ng tag-ani ng trigo, dumalaw si Samson sa kanyang asawa na may dalang batang kambing. Sinabi ni Samson sa biyenan niyang lalaki, “Papasok po ako sa kuwarto ng asawa ko.” Ngunit hindi ito pumayag.

2Sinabi ng kanyang biyenan, “Ang buong akala koʼy kinasusuklaman mo na siya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Kung gusto mo, nariyan ang kapatid niyang mas maganda pa sa kanya. Siya na lang ang pakasalan mo.”[#15:2 : O abay na lalaki . Gayundin sa talata 6|JDG 15:6.]

3Sinabi ni Samson, “Sa ginawa nʼyong ito, huwag nʼyo akong sisisihin kapag may ginawa ako sa inyong mga Filisteo.”

4Kaya umalis si Samson at nanghuli ng tatlong daang asong-gubat. Pinagbuhol-buhol niya ang buntot ng mga ito nang tig-dadalawa at nilagyan ng sulo.

5Sinindihan niya ang mga sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa mga trigo ng mga Filisteo. Nasunog ang lahat ng trigo, hindi lang ang nakatali kundi pati na rin ang aanihin pa lang. Nasunog din ang mga ubasan at mga taniman ng olibo.

6Nagtanong ang mga Filisteo kung sino ang gumawa noon, at nalaman nilang si Samson. Nalaman din nilang ginawa iyon ni Samson dahil ipinakasal ng biyenan niyang taga-Timna ang asawa niya sa isa niyang kaibigan.

Kaya hinanap ng mga Filisteo ang babae at ang kanyang ama at sinunog nila.

7Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa nʼyong ito, hindi ako titigil hanggaʼt hindi ako nakakapaghiganti sa inyo.”

8Kaya buong lakas na nilusob ni Samson ang mga Filisteo at marami ang napatay niya. Pagkatapos, tumakas siya at nagtago sa kuweba, sa may bangin ng Etam.

9Nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, at nilusob nila ang bayan ng Lehi.

10Kaya nagtanong sa kanila ang mga taga-Juda, “Bakit nilulusob nʼyo kami?”

Sumagot sila, “Para dakpin si Samson at gantihan sa mga ginawa niya sa amin.”

11Kaya ang tatlong libong lalaki ng Juda ay pumunta sa kuweba, sa may bangin ng Etam, at sinabi nila kay Samson, “Hindi mo ba naisip na sakop tayo ng mga Filisteo? Ngayon pati kami ay nadamay sa ginawa mo.”

Sumagot si Samson, “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin.”

12Sinabi nila, “Pumunta kami rito upang dakpin ka at ibigay sa mga Filisteo.”

Sumagot si Samson, “Payag ako, basta mangako kayo sa akin na hindi nʼyo ako papatayin.”

13Sinabi nila, “Oo, hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya iginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at dinala palabas sa kuweba.

14Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng mga Filisteo na sumisigaw sa pagtatagumpay. Pinalakas ng kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon si Samson, at pinagputol-putol niya ang lubid na parang sinulid na gawa sa halamang ginagawang telang lino lang.

15Pagkatapos, may nakita siyang panga ng asnong kamamatay pa lang. Kinuha niya ito at ginamit sa pagpatay sa isang libong Filisteo.

16Sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng asno,

pinatay ko ang isang libong tao.

Sa pamamagitan ng panga ng asno,

nakabunton ang sanlibong tao.”

17Pagkatapos niyang magsalita, itinapon niya ang panga ng asno. Ang lugar na iyon ay tinawag na Ramat-lehi.[#15:17 : Ang ibig sabihin, Bundok ng Panga.]

18Labis ang pagkauhaw ni Samson, kaya tinawag niya ang Panginoon . Sinabi niya, “Pinagtagumpay nʼyo po ang inyong lingkod. Ngunit ngayon, mamamatay na lang ba ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito?”

19Kaya pinalabas ng Diyos ang tubig sa may butas ng lupa sa Lehi. Uminom si Samson at bumalik ang kanyang lakas. Ang bukal na itoʼy tinatawag na En-hakore. Naroon pa ito sa Lehi hanggang ngayon.[#15:19 : Ang ibig sabihin, Bukal ng Tumatawag.]

20Pinamunuan ni Samson ang mga Israelita sa loob ng dalawampung taon. Nang panahong iyon, sakop pa rin ng mga Filisteo ang kanilang lupain.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.