The chat will start when you send the first message.
1Isang araw, pumunta si Samson sa Gaza. May nakita siya roon na isang babaeng bayaran at nakipagsiping siya kanya.
2Nalaman ng mga taga-Gaza na naroon si Samson, kaya pinalibutan nila ang lungsod at magdamag na binantayan ang pintuan ng lungsod. Hindi sila lumusob nang gabing iyon. Nagpasya sila na papatayin nila si Samson nang madaling-araw.
3Ngunit hanggang hatinggabi lang na natulog si Samson doon. Bumangon siya at pumunta sa may pintuan ng lungsod. Hinawakan niya ang pintuan at binunot, at natanggal ito pati ang mga kandado at haligi nito. Pagkatapos, pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na nakaharap sa Hebron.
4Isang araw, nagkagusto si Samson sa isang dalaga na nakatira sa Lambak ng Sorek. Ang pangalan niyaʼy Delaila.
5Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo si Delaila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na ipagtapat sa iyo ang sekreto ng lakas niya at kung paano siya matatalo, upang maigapos at mabihag namin siya. Kung magagawa mo ito, ang bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pilak.”
6Kaya tinanong ni Delaila si Samson. Sinabi niya, “Ipagtapat mo sa akin ang sekreto ng lakas mo. Kung may gagapos o huhuli sa iyo, paano niya ito gagawin?”
7Sumagot si Samson, “Kung gagapusin ako ng pitong sariwang bagting ng pana, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
8Nang malaman ito ng mga pinuno ng Filisteo, binigyan nila si Delaila ng pitong sariwang bagting ng pana at iginapos niya si Samson.
9May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kuwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, nandito na ang mga Filisteo!” Ngunit nilagot ni Samson ang tali na parang lubid na nadarang sa apoy. Kaya hindi pa rin nila nalaman ang sekreto ng kanyang lakas.
10Sinabi ni Delaila kay Samson, “Niloko mo lang ako; nagsinungaling ka sa akin. Sige na, ipagtapat mo sa akin kung paano ka maigagapos.”
11Sinabi ni Samson, “Kapag naigapos ako ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
12Kaya kumuha si Delaila ng bagong lubid na hindi pa nagagamit at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kuwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, nandito na ang mga Filisteo!” Ngunit nilagot ni Samson ang tali sa kanyang braso na parang sinulid lang.
13Kaya sinabing muli ni Delaila kay Samson, “Hanggang ngayon, niloloko mo pa rin ako at nagsisinungaling ka. Sige na, ipagtapat mo na kung paano ka maigagapos.”
Sinabi ni Samson, “Kung itatali mo ang pitong tirintas ng buhok ko sa habihan at higpitan mo ng pang-ipit, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.” Kaya habang nakatulog si Samson, itinali ni Delaila ang pitong tirintas ng buhok niya sa habihan,
14at hinigpitan ito ng pang-ipit.
Saka siya sumigaw ulit, “Samson, nandito na ang mga Filisteo!” Nagising si Samson at agad niyang binunot ang pang-ipit kasama ang habihan.
15Kaya sinabi ni Delaila sa kanya, “Sabi mo mahal mo ako, pero hindi mo ako pinagkakatiwalaan. Tatlong beses mo na akong niloko. Hindi mo talaga ipinagtapat sa akin kung saan nanggagaling ang lakas mo.”
16Araw-araw niyang tinatanong si Samson hanggang sa bandang huli ay nakulitan din ito.
17Kaya ipinagtapat na lang ni Samson sa kanya ang totoo. Sinabi ni Samson, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Kaya kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
18Naramdaman ni Delaila na nagsasabi si Samson ng totoo. Kaya nagpautos siya na sabihin sa mga pinuno ng mga Filisteo na bumalik dahil nagtapat na sa kanya si Samson. Kaya bumalik ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delaila.
19Pinatulog ni Delaila si Samson sa hita niya, at nang makatulog na ito, tumawag siya ng isang tao upang gupitin ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Kaya nanghina si Samson, at ipinadakip siya ni Delaila.
20Sumigaw si Delaila, “Samson, nandito na ang mga Filisteo!”
Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Ngunit hindi niya alam na iniwan na siya ng Panginoon .
21Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo.
22Ngunit unti-unting tumubo ulit ang kanyang buhok.
23Muling nagkatipon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang magdiwang at mag-alay ng maraming handog sa kanilang diyos na si Dagon. Sa pagdiriwang nila ay nag-aawitan sila: “Pinagtagumpay tayo ng diyos natin laban sa kalaban nating si Samson.”
24Nang makita ng mga tao si Samson, pinuri nila ang kanilang diyos. Sinabi nila,
“Pinagtagumpay tayo ng diyos natin sa ating kalaban
na nangwasak sa lupain natin
at pumatay ng marami sa atin.”
25Labis ang kanilang kasiyahan at nagsigawan sila, “Dalhin dito si Samson upang magbigay aliw sa atin!” Kaya pinalabas nila si Samson sa bilangguan at ginawa siyang katatawanan.
At noong pinatayo siya sa gitna ng dalawang haligi,
26sinabi ni Samson sa utusan na nag-aakay sa kanya, “Pahawakin mo ako sa haligi ng templong ito upang makasandal ako.”[#16:26 : O binatilyo.]
27Siksikan ang mga tao sa templo. Naroon ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo. Sa bubungan ay may tatlong libong tao, lalaki at babae. Nagkakasayahan silang nanonood kay Samson.
28Nanalangin si Samson, “O Makapangyarihang Panginoon , alalahanin nʼyo po ako. Kung maaari, ibalik nʼyo po ang lakas ko kahit minsan pa upang makaganti po ako sa mga Filisteo sa pagdukot nila sa mga mata ko.”
29Kumapit si Samson sa dalawang haliging nasa gitna ng templo na nakatukod sa bubungan nito. Ang kanan niyang kamay ay nasa isang haligi at ang kaliwa naman ay nasa kabilang haligi.
30Pagkatapos, sumigaw siya, “Mamamatay akong kasama ng mga Filisteo!” At itinulak niya ang dalawang haligi nang buong lakas at gumuho ang templo at nabagsakan ang mga pinuno at ang lahat ng tao roon. Mas maraming tao ang napatay ni Samson sa panahong iyon kaysa noong nabubuhay pa siya.
31Ang bangkay ni Samson ay kinuha ng mga kapatid at kamag-anak niya at inilibing sa pinaglibingan ng ama niyang si Manoa, doon sa gitna ng Zora at Estaol. Pinamunuan ni Samson ang Israel sa loob ng dalawampung taon.