Mga Hukom 4

Si Debora

1Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon .

2Dahil dito, hinayaan ng Panginoon na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroset-hagoyim.

3Mayroon siyang siyam na raang karwaheng yari sa bakal at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng dalawampung taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon .

4Nang panahong iyon, si Debora na isang propeta at asawa ni Lapidot ang nagsisilbing hukom ng Israel.

5Nakaugalian niyang umupo sa ilalim ng puno ng Palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Betel sa kaburulan ng Efraim. Doon siya pinupuntahan ng mga Israelita para pagpasyahan niya ang kanilang mga di-pagkakaunawaan.

6Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedes na sakop ng lahi ni Neftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon , ang Diyos ng Israel, na kumuha ng sampung libong lalaki sa lahi ni Neftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor.

7Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kison, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanya.”

8Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasáma ka sa akin, ngunit kung hindi ka sasáma, hindi ako pupunta.”

9Sumagot si Debora, “Sige, sasáma ako saʼyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ibibigay ng Panginoon si Sisera sa kamay ng isang babae.” Kaya sumáma si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedes.

10Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Neftali at ni Zebulun, at sampung libong katao ang sumáma sa kanya. Sumáma rin sa kanya si Debora.

11Samantala, si Heber na Cineo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedes. Humiwalay siya sa ibang mga Cineo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw ni Moises.[#4:11 : O biyenan.]

12Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor.

13Kaya tinipon ni Sisera ang siyam na raang karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroset-hagoyim papunta sa Ilog Kison.

14Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng Panginoon .” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng sampung libo niyang sundalo.

15Nang lumusob na sina Barak, nilito ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe at sundalo. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at patakbong tumakas.

16Hinabol nila Barak ang mga sundalo at ang mga mangangarwahe ni Sisera hanggang sa Haroset-hagoyim at nilipol ang mga ito. Wala ni isang natira sa kanila.

17Si Sisera naman ay tumakas papunta sa tolda ni Jael na asawa ni Heber, dahil magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang pamilya ni Heber na Cineo.

18Sinalubong ni Jael si Sisera at sinabi, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Kaya pumasok si Sisera sa tolda, at tinakluban siya ni Jael ng kumot.[#4:18 : O tinago siya ni Jael sa likod ng kurtina.]

19Sinabi ni Sisera kay Jael, “Pahingi ng tubig. Uhaw na uhaw na ako.” Kaya binuksan ni Jael ang balat na sisidlan ng gatas at pinainom si Sisera, at pagkatapos ay tinakluban siyang muli.

20Sinabi ni Sisera, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda. Kapag may dumating at magtanong kung may ibang tao rito sabihin mong wala.”

21Dahil sa sobrang pagod ni Sisera, mahimbing siyang nakatulog. Nang makita ni Jael na nakatulog na ito, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at dahan-dahang lumapit kay Sisera. Pagkatapos, ibinaon niya ang tulos sa sentido nito, gamit ang martilyo, hanggang sa bumaon ang tulos sa lupa, at namatay si Sisera.

22Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinalubong siya ni Jael, at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang taong hinahanap mo.” Pagpasok ni Barak sa tolda kasama ni Jael, nakita niya roon si Sisera na nakahandusay at patay na, at may tulos na nakabaon sa kanyang ulo.

23Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang mga Israelita laban kay Haring Jabin na Cananeo.

24Habang tumatagal ay lalo silang lumalakas sa pakikipaglaban kay Haring Jabin hanggang sa tuluyang mapuksa nila siya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.