Mga Hukom 7

Tinalo ni Gideon ang mga Midianita

1Nang araw na iyon, maagang gumising si Jerubaal (na siya ring tawag kay Gideon) kasama ng mga tauhan niya. Nagkampo sila sa may bukal ng Harod. Nagkampo ang mga Midianita sa hilaga nila sa lambak malapit sa Bundok ng Moreh.

2Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami mong kasama. Baka isipin nila na natalo nila ang mga Midianita dahil sa sarili nilang kakayahan at hindi dahil sa akin.

3Kaya sabihan mo sila na kung sino man ang natatakot ay maaari nang umalis dito sa Bundok ng Gilead at umuwi na.” Nang sinabi ito ni Gideon, umuwi ang dalawampuʼt dalawang libo, at sampung libo na lang ang natira.

4Ngunit sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami pa rin ng mga naiwan. Dalhin mo sila sa ilog at susubukin ko sila. Kung sino ang sasabihin kong makakasama ay isama mo, at ang sasabihin ko na huwag isama ay huwag mong isama.”

5Kaya dinala sila ni Gideon sa ilog. At dooʼy sinabi ng Panginoon , “Ibukod mo ang lahat ng uminom ng tubig sa kanilang kamay na parang umiinom na aso, at ibukod mo rin ang uminom nang nakaluhod.”

6May tatlong daang katao ang uminom sa kanilang mga kamay, at ang iba naman ay uminom na nakaluhod.

7Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang taong ito ay ililigtas ko kayo at pagtatagumpayin sa mga Midianita. Ang iba naman ay pauwiin mo na sa kani-kanilang lugar.”

8Kaya pinauwi nga sila ni Gideon matapos ipaiwan ang mga dala nilang baon at mga trumpeta; pinaiwan din niya ang tatlong daang taong napili.

Ang kampo ng mga Midianita ay nasa ibaba lang ng bundok, kung saan sa itaas nito ay naroon sila Gideon.

9Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Maghanda ka na! Lusubin nʼyo na ang kampo ng mga Midianita, dahil ipapatalo ko sila sa inyo.

10Kung natatakot kang lumusob, isama mo ang lingkod mong si Pura at pumunta kayo sa kampo ng mga Midianita,

11at pakinggan nʼyo kung ano ang sinasabi nila. Tiyak na lalakas ang loob mong lumusob dahil sa maririnig mo.” Kaya pumunta silang dalawa sa hangganan ng kampo ng mga Midianita, kung saan may mga sundalong nagbabantay.

12Nagkampo sa lambak ang mga Midianita, Amalekita at ang iba pang mga tao sa silangan na parang balang sa dami. Ang mga kamelyo nila ay parang buhangin sa dagat na hindi mabilang.

13Nang makarating na sina Gideon, may narinig silang dalawang tao na nag-uusap. Sinabi ng isa, “Nanaginip ako na may isang pirasong tinapay na sebada na gumulong papunta sa kampo natin at tumama ito nang malakas sa isang tolda. Pagkatapos, natumba ang tolda at nawasak.”

14Sumagot ang isa, “Ang panaginip moʼy walang iba kundi ang espada ni Gideon, ang Israelitang anak ni Joas. Pagtatagumpayin siya ng Diyos laban sa mga Midianita at sa ating lahat.”

15Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa Panginoon . At bumalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi niya sa kanyang mga kasamahan, “Magsipaghanda kayo dahil pagtatagumpayin tayo ng Panginoon laban sa mga Midianita.”

16Hinati niya sa tatlong grupo ang tatlong daan niyang tauhan, at binigyan ang bawat isa ng trumpeta at mga banga na may ilaw sa loob nito.

17At sinabi niya sa kanila, “Tingnan nʼyo ako at gayahin nʼyo ang gagawin ko. Kapag malapit na ako sa kampo, kung anong gagawin ko, gawin din ninyo.

18Kapag pinatunog ko at ng mga kasama ko ang mga trumpeta namin, ganoon din ang gawin nʼyo sa palibot ng kampo, at isigaw nʼyo nang malakas, ‘Para sa Panginoon at kay Gideon!’ ”

19Maghahatinggabi na nang dumating si Gideon at ang isang daan niyang kasama sa hangganan ng kampo ng kalaban, kapapalit lang ng guwardiya noon. Pinatunog nina Gideon ang mga trumpeta nila at pinagbabasag ang kanilang mga banga.

20Ganoon din ang ginawa ng ibang grupo. At habang hawak nila ang ilaw sa kaliwang kamay at ang trumpeta sa kanang kamay, sumisigaw sila, “Lumaban tayo gamit ang ating espada para sa Panginoon at kay Gideon.”

21Ang bawat isa ay pumuwesto sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, ngunit ang mga kalaban nila ay nagsisisigaw na nagsitakas.

22Habang tumutunog ang trumpeta ng tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Midianita sa loob ng kampo. Ang iba ay tumakas papunta sa Bet-sita malapit sa Zerera hanggang sa Abel-mehola malapit sa Tabata.

23Ipinatawag ni Gideon ang mga Israelita mula sa lahi nina Neftali, Asher at sa buong lahi ni Manases, at ipinahabol sa kanila ang mga Midianita.

24Nagsugo rin si Gideon ng mga mensahero para sabihin sa mga naninirahan sa kaburulan ng Efraim na magbantay sila sa Ilog Jordan hanggang sa sapa ng Bet-bara upang hindi makatawid ang mga Midianita roon.

Sinunod ito ng lahat ng lalaki sa Efraim, at binantayan nila ang Ilog Jordan hanggang sa sapa ng Bet-bara.

25Nabihag nila ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa bato na tinawag na Bato ni Oreb, at si Zeeb ay pinatay nila sa pisaan ng ubas na tinawag na Pisaan ng Ubas ni Zeeb. Patuloy nilang hinabol ang mga Midianita. Pagkatapos, dinala nila ang ulo ni Oreb at ni Zeeb kay Gideon na naroon sa kabila ng Ilog Jordan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.