The chat will start when you send the first message.
1Ito ang mga pahayag ni Jeremias na anak ni Hilkias. Si Hilkias ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin.
2Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ikalabintatlong taon ng paghahari sa Juda ni Josias, ang anak ni Haring Amon.
3Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Josias na hari ng Juda at hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedequias na anak rin ni Josias. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.
4Sinabi sa akin ng Panginoon ,
5“Jeremias, bago kita nilikha sa tiyan ng iyong ina,
pinili na kita.
At bago ka isinilang, hinirang kita
at itinalaga upang maging propeta
sa mga bansa.”
6Sumagot ako, “Makapangyarihang Panginoon , hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.”
7Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo.
8Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita,” sabi ng Panginoon .
9Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang aking bibig at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo.
10Sa araw na ito itinatalaga ko sa iyo ang kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”
11Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon , “Jeremias, ano ang nakikita mo?”
Sumagot ako, “Sanga po ng almendra.”
12Sinabi ng Panginoon , “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay ako upang tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.”[#1:12 : Ang Hebreo nito ay katunog ng salitang almendra.]
13Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?”
Sumagot ako, “Isa pong palayok na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.”
14Sinabi ng Panginoon sa akin, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito.
15Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem.
Ilalagay ng kanilang mga hari
ang kanilang mga trono
sa mga pintuan ng Jerusalem.
Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito
at ang iba pang mga bayan ng Juda.
16Parurusahan ko ang aking mga mamamayan
dahil sa kanilang kasamaan.
Itinakwil nila ako
sa pamamagitan ng paghahandog nila
ng insenso sa mga diyos-diyosan.
At sinamba nila ang mga diyos-diyosan
na sila lang din ang gumawa.
17“Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinasasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila.
18Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda.
19Kakalabanin ka nila, ngunit hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita,” sabi ng Panginoon .