Jeremias 10

Ang Diyos at ang mga Diyos-diyosan

1Mamamayan ng Israel, pakinggan nʼyo ang sinasabi ng Panginoon .

2Ito ang sinasabi Panginoon :

“Huwag ninyong tutularan ang pag-uugali ng mga tao

sa ibang mga bansa

na naghahanap ng mga tanda sa kalawakan.

Huwag kayong matakot sa mga ganyang tanda

kahit na ang mga tao sa ibang bansa

ay takot sa mga tandang iyan.

3Walang kabuluhan ang kaugalian

ng mga taong iyon.

Pumuputol sila ng puno sa gubat

at pinapaukitan nila sa mahuhusay na mang-uukit.

4Pagkatapos, pinapalamutian nila ng pilak at ginto,

at pinapakuan ng mabuti

upang hindi matumba.

5Ang mga diyos-diyosang itoʼy

parang taong panakot ng ibon sa bukid

na hindi nakakapagsalita.

Kailangan pa itong buhatin

dahil hindi ito nakakalakad.

Huwag kayong matakot sa mga diyos-diyosang ito

dahil hindi sila makakagawa ng masama

at hindi rin makakagawa ng mabuti.”

6O Panginoon , kayoʼy walang katulad.

Kayo ay makapangyarihan

at dakila ang pangalan.

7Sino po ang hindi matatakot sa inyo,

O Hari ng mga bansa?

Karapat-dapat lang na kayo ay igalang.

Sa lahat ng matatalinong hari ng mga bansa,

at sa kanilang mga kaharian,

walang sinuman ang katulad ninyo.

8Silang lahat ay mga mangmang at mga hangal.

Ang katuruang mula sa mga diyos-diyosang

gawa sa kahoy ay walang kabuluhan.

9Ang pinanday na pilak na galing sa Tarsis

at ang gintong galing sa Upaz

ay ginawang diyos-diyosan

ng mga panday at mga platero,

pagkatapos ay binihisan

ng damit na asul at kulay ube;

lahat ay gawa ng

mga dalubhasang manggagawa.

10Ngunit ang Panginoon ang tunay na Diyos.

Siya ang Diyos na buháy

at walang hanggang Hari.

Kapag siyaʼy nagagalit, nayayanig ang daigdig,

at walang bansa na makatatagal

sa tindi ng kanyang galit.

11Sabihin ninyo sa mga sumasamba sa ibang mga diyos, “Ang inyong mga diyos na hindi lumikha ng langit at lupa ay mawawala sa mundo.”

12Ngunit ang Diyos ang lumikha ng lupa

sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,

itoʼy kanyang itinatag sa kanyang karunungan,

at kanyang inilatag ang kalangitan sa kanyang kaalaman.

13Sa kanyang utos ay lumalabas ang mga ulap

at mga kidlat sa kalawakan,

at bumubuhos ang malakas na ulan.

Pinapalabas niya ang hangin

mula sa pinanggagalingan nito.

14Lahat ng tao ay mga mangmang

at walang pang-unawa.

Mapapahiya ang bawat platerong

gumawa ng mga diyos-diyosan niya.

Kalokohan lamang ang mga ito

dahil wala naman silang hininga.

15Wala silang kabuluhan at dapat kamuhian.

Ang araw ay darating na silang lahat ay wawasakin.

16Ngunit ang Diyos ni Jacob[#10:16 : Sa literal, bahagi ni Jacob.]

ay hindi katulad ng mga iyon.

Siya ang lumikha ng lahat ng bagay

pati na ang Israel,

ang lahi ng mga taong kanyang hinirang,

Panginoon ng mga Hukbo

ang kanyang pangalan.

Ang Kapahamakang Darating

17Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo

ang mga kagamitan at lumisan,

dahil malapit nang sakupin ang inyong lungsod.

18Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon ,

“Makinig kayo!

Paaalisin ko kayo sa lupaing ito.

Pahihirapan ko kayo

hanggang sa madama ninyo ang aking galit.”

19Sinabi ng mga taga-Jerusalem,

“Kahabag-habag tayo

dahil sa ating kapahamakan.

Malubha ang kalagayan natin,

pero kailangan natin itong tiisin.

20Wasak na ang mga tolda natin;

nalagot na ang mga tali nito.

Iniwan na tayo ng mga anak natin.

Wala nang natira na muling magtatayo

ng mga toldang tinitirhan natin.”

21Nangyari ito sa atin

dahil mangmang ang ating mga pinuno.

Hindi sila lumapit sa Panginoon

upang sumangguni.

Kaya hindi sila nagtagumpay,

at kumalat ang kanilang kawan.

22Pakinggan ninyo ang malakas na ingay

ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga!

Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda

at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.

Ang Panalangin ni Jeremias

23Panginoon , alam ko pong

ang buhay ng tao ay hindi kanya.

Hindi siya ang may hawak

ng kanyang kinabukasan.

24Ituwid po ninyo kami Panginoon ,[#10:24 : Sa Hebreo, ako. Si Jeremias ay nagsasalita para sa mga kababayan niya.]

nang nararapat sa amin.

Huwag po ninyo itong gawin

nang dahil sa inyong galit,

baka wala nang matira sa amin.

25Ipadama po ninyo ang inyong galit

sa mga bansang hindi kumikilala sa inyo

at sa mga taong hindi dumudulog sa inyo.

Sapagkat inubos po nila

ang lahi ni Jacob

at winasak ang kanilang mga tahanan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.