The chat will start when you send the first message.
1Ito ang mensaheng sinabi ng Panginoon kay Jeremias,
2“Ipaalala mo sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem ang mga dapat sundin sa kasunduan namin.
3Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoon , ang Diyos ng Israel, ay nagsasabing isusumpa ko ang taong ayaw sumunod sa mga sinasabi sa kasunduang ito.
4Ang mga utos kong ito ay ipinatupad ko sa inyong mga ninuno noong inilabas ko sila sa Ehipto, sa lugar na parang nagniningas na pugon na tunawan ng bakal. Sinabi ko sa kanila, ‘Kung susundin ninyo ako at ang lahat ng utos ko, magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Diyos ninyo.
5Nang sa ganoon, tutuparin ko ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno na bibigyan ko sila ng maganda at masaganang lupain – ang lupaing tinitirhan ninyo ngayon.’ ”[#11:5 : Sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.]
At sinabi ko, “Siya nawa, Panginoon .”
6Pagkatapos, muling sinabi sa akin ng Panginoon , “Pumunta ka sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem at sabihin mo ito: ‘Alalahanin ninyo ang kasunduan ninyo at sundin ninyo ang isinasaad sa kasunduang ito.
7Mula nang inilabas ko ang mga ninuno ninyo sa Ehipto hanggang ngayon, paulit-ulit ko silang pinagsasabihan na dapat nila akong sundin.
8Ngunit hindi sila nakinig at hindi nila pinansin ang sinabi ko. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. Sinabi ko sa kanila na sundin nila ang kasunduang ito, pero hindi nila ito sinunod. Kaya ipinadala ko sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasaad sa kasunduan.’ ”
9Muling sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang mga taga-Juda at taga-Jerusalem ay may balak na masama laban sa akin.
10Tinularan nila ang mga kasalanan ng mga ninuno nilang hindi naniwala sa mga salita ko. Sumamba rin sila sa mga diyos-diyosan. Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay parehong sumuway sa kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila.
11Kaya ako, ang Panginoon , ay nagsasabi na magpapadala ako sa kanila ng kaparusahan na hindi nila matatakasan. At kahit na humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.
12Kaya ang mga bayan ng Juda at ang mga tao sa Jerusalem ay hihingi na lang ng tulong sa mga diyos-diyosang pinaghahandugan nila ng insenso, pero hindi naman sila matutulungan ng mga diyos-diyosang ito kapag dumating na ang kaparusahan.
13Kayong mga taga-Juda, kay dami nʼyong diyos-diyosan, kasindami ng mga bayan ninyo. At kung gaano karami ang lansangan sa Jerusalem, ganoon din karami ang altar na itinayo nʼyo upang pagsunugan ng insenso para sa kasuklam-suklam na diyos-diyosang si Baal.
14“Kaya, huwag ka nang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag ka nang magmakaawa sa akin para sa kanila dahil hindi ko sila sasagutin kung tatawag sila sa akin sa oras ng paghihirap nila.
15Nagbalak ng maraming kasamaan
ang mga mamamayan na minamahal ko.
Wala silang karapatang
pumunta sa aking Templo.
Hindi mapipigilan ng mga handog nila
ang kaparusahang darating sa kanila.
Tuwang-tuwa pa sila sa paggawa ng masama.”
16Noong una ay inihambing sila ng Panginoon
sa isang malagong puno ng olibo
na hitik sa bunga.
Ngunit sa biglang pagdaan ng naglalagablab na apoy
ay mawawasak sila na parang sinunog na mga sanga
at hindi na mapapakinabangan pa.
17Ang Panginoon ng mga Hukbo ang nagtayo sa Juda at Israel, pero ngayon ay iniutos niyang wasakin ang mga ito, dahil masama ang ginagawa nila. Ginalit nila ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog ng mga sinusunog na insenso kay Baal.
18Sinabi sa akin ng Panginoon ang tungkol sa balak ng mga kaaway laban sa akin.
19Tulad ako ng isang tupang dinadala sa katayan nang hindi ko nalalaman. Hindi ko alam na may balak pala silang patayin ako. Sinabi nila,
“Patayin natin siya
katulad ng pagputol sa isang puno
na may mga bunga,
upang mawala siya sa mundo
at hindi na maalala.”
20Ngunit kayo, O Panginoon ng mga Hukbo,
matuwid po ang inyong paghatol.
Nalalaman po ninyo ang isip at puso ng tao.
Ipakita po ninyo sa akin
ang paghihiganti ninyo sa kanila,
sapagkat ipinaubaya ko
sa inyo ang usaping ito!
21Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga taga-Anatot na gustong mamatay ako. Sinabi nila, “Papatayin ka namin kapag hindi ka tumigil sa pagpropesiya sa pangalan ng Panginoon.”
22Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “Parurusahan ko sila. Mamamatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki at mamamatay sa gutom ang kanilang mga anak.
23Walang matitirang buhay sa mga taga-Anatot, dahil malilipol sila sa oras na parusahan ko na sila.”