The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , palaging makatarungan ang inyong tugon,
sa tuwing akoʼy dumaraing.
Ngunit ngayon, ako ay may tanong
tungkol sa inyong katarungan:
Bakit po umuunlad ang masasamang tao?
Bakit po mapayapa ang buhay
ng mga taong taksil sa inyo?
2Pinagpapala ninyo sila
tulad ng punongkahoy na nag-uugat, lumalago, at namumunga.
Pinupuri nila kayo sa kanilang mga bibig
ngunit hindi ito galing sa kanilang puso.
3Ngunit kilala ninyo ako Panginoon .
Nakikita ninyo ang aking mga ginagawa
at alam ninyo kung ano
ang nasa puso ko.
Kaladkarin ninyo ang mga taong ito
na tulad ng mga tupa
patungo sa katayan.
Ibukod po ninyo sila upang katayin.
4Hanggang kailan po kaya
ang pagkatuyo ng lupa
at ang pagkalanta ng mga damo?
Namamatay na po ang mga hayop
at mga ibon
dahil sa kasamaan ng mga tao sa lupaing ito.
Sapagkat sinasabi pa nila,
“Walang pakialam ang Diyos
sa sasapitin natin.”
5Sinabi ng Panginoon ,
“Jeremias, kung napapagod ka
sa pakikipaghabulan sa mga tao,
di lalo na sa mga kabayo?
Kung nadadapa ka sa lugar na patag,
di lalo na sa kagubatang
malapit sa Ilog Jordan?
6Kahit na ang iyong mga kapatid
at kamag-anak ay nagtaksil sa iyo.
Nagbalak sila ng masama laban sa iyo.
Huwag kang magtiwala sa kanila
kahit na mabuti ang sinasabi nila.
7“Itatakwil ko ang mga mamamayan ko, ang bansang pag-aari ko.
Ibibigay ko ang minamahal ko,
ang aking mga mamamayan,
sa kanilang mga kaaway.
8Lumaban sila sa akin
na parang leon
na umaatungal sa kagubatan,
kaya akoʼy nagalit sa kanila.
9Naging kasuklam-suklam sila sa akin
na parang ibong mandaragit.
At sila mismoʼy napapalibutan
ng mga ibong mandaragit.
Titipunin ko ang mababangis na hayop
upang kainin sila nito.
10Wawasakin ng maraming pinuno ang Juda
na itinuturing kong aking ubasan.
Tatapak-tapakan nila itong
magandang lupain at gagawing ilang.
11Gagawin nila itong malungkot na lugar
at magiging walang kabuluhan sa akin.
Magiging ilang ang lupaing ito,
dahil wala nang magmamalasakit dito.
12Darating ang mga mangwawasak
sa lugar na ilang.
Gagamitin sila Panginoon
bilang espada
na wawasak sa buong lupain,
at walang makakatakas.
13Magtatanim ng trigo ang mga mamamayan ko,
ngunit aani sila ng tinik.
Magtatrabaho sila nang husto
pero wala silang pakikinabangan.
Mag-aani sila ng kahihiyan
dahil sa matinding galit
ng Panginoon .”
14Sinabi pa ng Panginoon , “Ito ang gagawin ko sa lahat ng masasamang bansa sa palibot ng Israel na sumira ng lupaing ibinigay ko sa mga mamamayan ko: Palalayasin ko sila sa lupain nila katulad ng pagpapalayas ko sa mga taga-Juda sa lupain nito.
15Ngunit sa bandang huli, kahahabagan ko ulit ang mga bansang ito at ibabalik ko sila sa sarili nilang lupain.
16At kung tatanggapin nila nang buong puso ang pananampalataya ng mga mamamayan ko at kung susumpa sila sa pangalan ko, na nagsasabing, ‘Habang buháy ang Panginoon ,’ gaya ng itinuro nila sa mga mamamayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal, magiging kabilang din sila sa mga mamamayan ko.
17Ngunit ang alinmang bansa na hindi susunod sa akin ay palalayasin ko sa kanilang lupain at lilipulin,” sabi ng Panginoon .