Jeremias 18

1Ito ang mensaheng sinabi ng Panginoon kay Jeremias,

2“Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok at doon ko sasabihin sa iyo ang nais kong sabihin.”

3Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok at nakita ko na gumagawa siya ng palayok.

4Kapag hindi maganda ang hugis ng palayok na ginagawa niya, inuulit niya ito hanggang sa magustuhan niya ang hugis.

5Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon ,

6“O mga mamamayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na ito?” sabi ng Panginoon . “Kung papaanong ang luwad ay nasa kamay ng magpapalayok, kayo rin ay nasa mga kamay ko.

7Kapag sinabi ko na ang isang bansa o kaharian ay babagsak at mawawasak,

8at ang bansa o kahariang iyon ay tumigil sa paggawa ng masama, hindi ko na itutuloy ang balak kong pagwasak sa kanila.

9At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian,

10at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.

11“Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ng Panginoon : ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’

12Ngunit sasagot ang mga tao, ‘Hindi maaari! Ipagpapatuloy pa rin namin ang aming gusto; susundin namin ang nais ng matitigas at masasama naming puso.’ ”[#18:12 : O sumagot.]

13Kaya ito ang sinabi ng Panginoon ,

“Tanungin ninyo sa ibang mga bansa

kung may narinig na silang

ganitong pangyayari?

Ang mga mamamayan ng Israel

ay nanatili sanang isang birhen,

ngunit kasuklam-suklam

ang mga bagay na ginawa nila!

14Natutunaw ba ang yelo

sa mababatong bundok ng Lebanon?

Natutuyo ba ang malalamig

na batis doon? Hindi!

15Ngunit ang aking mga mamamayan

ay nakalimot na sa akin.

Nagsusunog sila ng insenso

sa mga walang kuwentang diyos-diyosan.

Iniwan nila ang tama at dating daan,

at doon sila dumaan sa daang

hindi mabuti kung saan silaʼy nadapa.

16Kaya magiging malungkot

ang kanilang lupain

at hahamakin magpakailanman.

Ang lahat ng dumadaan

ay mapapailing at mangingilabot.

17Ikakalat ko sila sa harap ng kanilang mga kaaway

na parang alikabok na tinatangay

ng hangin mula sa silangan.

Tatalikuran ko sila

at hindi ko sila tutulungan

sa araw na lilipulin na sila.”

18Pagkatapos, sinabi ng mga tao, “Halikayo, gumawa tayo ng paraan upang mapatigil natin si Jeremias! May mga pari rin tayong magtuturo sa atin ng kautusan, at may mga pantas din tayong magpapayo sa atin, at mga propetang magpapahayag sa atin ng mensahe ng Diyos. Kaya gumawa tayo ng mga kuwento laban sa kanya at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”

19Kaya nanalangin ako: “O Panginoon ,

tulungan po ninyo ako!

Pakinggan po ninyo

ang paratang ng aking mga kaaway.

20Mabuti po ang aking ginagawa sa kanila

pero masama ang iginaganti nila sa akin.

Humukay po sila upang akoʼy mahulog

sa hukay na iyon,

kahit na dumulog ako sa inyo at nanalangin

na huwag nʼyo silang parusahan

dahil sa galit nʼyo sa kanila.

21Ngunit ngayon, pabayaan po ninyong mamatay

sa gutom at digmaan ang kanilang mga anak.

Pabayaan ninyong mabiyuda ang mga babae

at mawala ang kanilang mga anak.

Pabayaan ninyo pong mamatay

sa sakit ang mga lalaki sa kanila

at ang mga kabataang lalaki

sa digmaan.

22Hayaan ninyo silang mapasigaw sa takot

kapag ipinasalakay ninyo sa mga kaaway

ang kanilang mga bahay.

Sapagkat naghanda po sila ng hukay

upang akoʼy mahulog doon,

at naglagay sila ng bitag

upang akoʼy mahuli.

23Ngunit alam nʼyo po Panginoon ang lahat ng plano nilang pagpatay sa akin.

Kaya huwag ninyo silang patawarin

sa kanilang mga kasalanan

at kasamaan.

Hayaan ninyo silang matalo ng kanilang mga kaaway

habang kayoʼy nakatingin.

Iparanas ninyo sa kanila ang inyong galit.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.