Jeremias 19

Ang Basag na Banga

1Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon : “Bumili ka ng banga sa magpapalayok. Pagkatapos, magsama ka ng mga tagapamahala ng mga tao at tagapamahala ng mga pari,

2at pumunta kayo sa Lambak ng Ben-hinom malapit sa Pintuan na Pinagtatapunan ng mga Basag na Palayok. At doon mo sabihin ang sinabi ko sa iyo.

3Sabihin mo, ‘Mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel. Ito ang sinabi niya: Magpapadala ako ng malagim na kapahamakan sa lugar na ito at ang sinumang makakarinig tungkol dito ay talagang matatakot.

4Gagawin ko ito dahil itinakwil ako ng mga mamamayan ko at ginawa nilang handugan ng mga handog na sinusunog para sa mga diyos-diyosan ang kapatagang ito. Hindi naman nila kilala ang mga diyos-diyosang ito, at hindi rin kilala ng mga ninuno nila o ng mga hari sa Juda. Pumatay pa sila ng mga walang malay na bata sa lugar na ito.

5Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal, at sinunog nila roon ang mga anak nila bilang mga handog sa kanya. Hindi ko ito iniutos sa kanila, ni hindi man lang ito pumasok sa isip ko.

6Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing darating ang panahon na ang lugar na itoʼy hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben-hinom, kundi Lambak ng Patayan.

7“ ‘Sisirain ko sa lugar na ito ang binabalak ng Juda at Jerusalem. Ipapapatay ko sila sa mga kaaway nila sa pamamagitan ng digmaan, at ipapakain ko ang mga bangkay nila sa mga ibon at mga hayop sa gubat.

8Wawasakin ko ang lungsod na ito at hahamakin. Ang mga dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala dahil sa nangyari rito.

9Papalibutan ng mga kaaway ang lungsod na ito hanggang sa ang mga mamamayan dito ay maubusan ng pagkain. Kaya kakainin nila ang kapwa nila at pati na ang sarili nilang anak.’

10“Basagin mo ang banga sa harap ng mga taong sumáma sa iyo.

11Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoon ng mga Hukbo ay nagsasabing wawasakin ko ang bansa ng Juda at ang lungsod ng Jerusalem katulad ng pagbasag ko sa bangang ito na hindi na muling mabubuo. Ililibing nila ang maraming bangkay sa Tofet hanggang sa wala nang mapaglibingan.

12Ito ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga mamamayan nito, sabi ng Panginoon . Ituturing kong marumi ang lungsod na ito gaya ng Tofet.

13Ang lahat ng bahay sa Jerusalem, pati ang palasyo ng hari ng Juda ay ituturing na marumi katulad ng Tofet. Sapagkat sa bubungan ng mga bahay na ito ay nagsunog sila ng mga insenso para sa kanilang diyos na mga bituin, at nag-alay ng mga handog na inumin para sa mga diyos.”

14Nang masabi na ni Jeremias ang propesiya ng Panginoon , umalis siya sa Tofet at pumunta sa bulwagan ng templo ng Panginoon at sinabi sa mga tao,

15“Makinig kayo, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: Ipapadala ko sa lungsod na ito at sa mga baryo sa palibot ang sinabi kong parusa dahil matigas ang ulo nila at ayaw nilang makinig sa mga sinabi ko.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.