1Ang paring si Pashur na anak ni Imer, ang pinakamataas na opisyal sa templo ng Panginoon nang panahong iyon. Nang marinig niya ang propesiya ni Jeremias,
2pinabugbog niya ang propetang si Jeremias at ipinabilanggo sa may pintuan ng templo ng Panginoon na tinatawag na Pintuan ni Benjamin.
3Kinaumagahan, pinalabas ni Pashur si Jeremias. Sinabi ni Jeremias sa kanya, “Pashur, pinalitan na ng Panginoon ang pangalan mo. Tatawagin ka na ngayong Magor Misabib.[#20:3 : Ang ibig sabihin, nababalutan ng takot o puno ng takot.]
4Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon : Katatakutan mo ang kalagayan mo at ang kalagayan ng lahat ng kaibigan mo. Makikita mo silang papatayin ng mga kaaway nila sa digmaan. Ibibigay ko ang buong Juda sa hari ng Babilonia. Ang ibang mamamayan ay papatayin, at ang iba namaʼy bibihagin.
5Ipapasamsam ko sa mga kaaway ang lahat ng kayamanan ng lungsod ng Jerusalem – lahat ng pinaghirapan nila, lahat ng mamahaling bagay at ang lahat ng kayamanan ng hari ng Juda. Dadalhin nila ang lahat ng iyon sa Babilonia.
6Pati ikaw Pashur at ang buong sambahayan mo ay bibihagin at dadalhin sa Babilonia. At doon ka mamamatay at ililibing, pati ang lahat ng kaibigan mo na hinulaan mo ng kasinungalingan.”
7Panginoon , nilinlang ninyo ako
at nanaig kayo sa akin.
Naging katatawanan ako ng mga tao
at patuloy nila akong kinukutya.
8Kapag nagsasalita ako,
isinisigaw ko po
ang mensahe ninyo, Panginoon ,
na tungkol sa karahasan
at pagkawasak!
At dahil sa ipinasasabi ninyong ito,
pinagtatawanan po nila ako
at kinukutya.
9Kung minsan, naiisip kong huwag na lang magsalita
ng tungkol sa inyo
o sabihin ang ipinasasabi ninyo.
Ngunit hindi ko po mapigilan,
dahil ang mga salita ninyo
ay parang apoy
na nagniningas sa aking puso
at mga buto.
Pagod na ako sa kapipigil dito.
10Narinig ko ang pangungutya ng mga tao.
Inuulit nila ang mga sinasabi kong,
“Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!”
Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin
ang kanyang kasinungalingan!”
Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay
ng aking pagbagsak.
Sinasabi nila, “Baka sakaling
madaya natin siya.
Kung mangyayari iyon,
magtatagumpay tayo
at mapaghihigantihan natin siya.”
11Ngunit kasama ko po kayo, Panginoon .
Kayo ay tulad ng matapang
at makapangyarihang mandirigma,
kaya hindi magtatagumpay
ang mga umuusig sa akin.
Mapapahamak sila at mapapahiya,
at kahit kailan, hindi makakalimutan
ang kanilang kahihiyan.
12O Panginoon ng mga Hukbo,
nalalaman po ninyo kung sino ang matuwid
sapagkat alam ninyo ang nasa puso
at isip ng tao.
Ipakita po ninyo sa akin
ang inyong paghihiganti sa kanila
sapagkat ipinaubaya ko na po
sa inyo ang usaping ito.
13Panginoon , magpupuri
at aawit po ako sa inyo ngayon
sapagkat iniligtas ninyo
ang mga nangangailangan
mula sa kamay ng masasamang tao.
14Ngunit isinusumpa ko
ang araw na akoʼy isinilang!
Hindi ko ikinagagalak ang araw
na ipinanganak ako ng aking ina!
15Isinusumpa ko ang nagbalita sa aking ama na,
“Lalaki ang anak mo!”
na siyang ikinagalak ng aking ama.
16Nawa ang taong iyon
ay maging katulad ng mga bayang
winasak ng Panginoon
at hindi kinahabagan.
Nawaʼy maghapon niyang mapakinggan
ang sigaw at daing
ng mga tao sa digmaan.
17Sapagkat hindi niya ako pinatay
noong akoʼy nasa sinapupunan pa
ng aking ina.
Sanaʼy naging libingan ko na lang
ang tiyan ng aking ina,
o di kayaʼy ipinagbuntis
na lamang niya ako magpakailanman.
18Bakit pa ako isinilang?
Para lang ba makita ang kaguluhan
at kahirapan,
at mamatay sa kahihiyan?