Jeremias 21

Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem

1Ngayon, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias nang sinugo ni Haring Zedequias si Pashur na anak ni Malquias at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya. Sinabi nila,

2“Ipakiusap mo sa Panginoon na tulungan kami, dahil sinasalakay na kami ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Baka sakaling gumawa ng himala ang Panginoon katulad ng ginawa niya noon, upang mapigilan ang pagsalakay ni Nebucadnezar.”

3Ngunit sinagot sila ni Jeremias,

4“Sabihin ninyo kay Zedequias na ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel, ‘Magiging walang kabuluhan ang mga sandata na inyong ginagamit sa pakikipagdigma ninyo sa hari ng Babilonia at sa mga kawal niya na nakapaligid na sa inyo. Titipunin ko sila sa gitna ng lungsod na ito.[#21:4 : Sa literal, mga Caldeo. Ganito rin sa talata 9|JER 21:9.; #21:4 : O ang mga sandata ninyo.]

5Ako mismo ang makikipaglaban sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ko dahil sa matindi kong galit.

6Papatayin ko ang lahat ng naninirahan sa lungsod na ito, tao man o hayop. Mamamatay sila sa matinding salot.

7At ikaw, Haring Zedequias ng Juda, ang mga tagapamahala mo, at ang mga mamamayang natitira sa lungsod na ito na hindi namatay sa salot, digmaan, o gutom ay ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na kaaway ninyo. At walang awa niya kayong papatayin,’ ” sabi ng Panginoon .

8“Sabihin din ninyo sa mga mamamayan ng Jerusalem na ito ang ipinasasabi ng Panginoon : ‘Makinig kayo! Pumili kayo, buhay o kamatayan.

9Ang sinumang mananatili sa lungsod na ito ay mamamatay sa digmaan, gutom o sakit. Ngunit ang mga susuko sa mga taga-Babilonia na nakapalibot sa lungsod ninyo ay mabubuhay.

10Nakapagpasya na akong padalhan ng kapahamakan ang lungsod na ito at hindi kabutihan. Ipapasakop ko ito sa hari ng Babilonia, at susunugin niya ito,’ ” sabi ng Panginoon .

11“Sabihin din ninyo sa sambahayan ng hari ng Juda na pakinggan ang mensahe ng Panginoon .

12Ito ang sinasabi ng Panginoon sa iyo, angkan ni David:

‘Pairalin ninyo palagi ang katarungan.

Tulungan ninyo ang mga ninakawan;

iligtas ninyo sila sa mga umaapi sa kanila.

Sapagkat kung hindi, magniningas ang aking galit

na parang apoy na hindi mapapatay

dahil sa masama ninyong ginawa.

13Kalaban ko kayo, mga taga-Jerusalem,

kayong nakatira sa ibabaw ng lambak,

sa mabatong talampas,

sabi ng Panginoon .

Sabi ninyo, “Walang makakasalakay sa atin.

Walang makakapasok sa kanlungan nating ito!”

14Ngunit parurusahan ko kayo

ayon sa mga ginagawa ninyo.

Susunugin ko ang inyong mga kagubatan

hanggang sa ang lahat ng nakapalibot sa inyo ay matupok,’ ” wika ng Panginoon .

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.