Jeremias 23

Ang Pag-asang Darating

1“Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko na sana ay mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ngunit pinabayaan lang ninyong mamatay at magkahiwa-hiwalay ang aking kawan!” sabi ng Panginoon .

2Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel sa mga pastol na namumuno sa kanyang mamamayan: “Dahil sa ikinalat ninyo ang mga mamamayan ko na aking kawan at hindi ninyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo,” sabi ng Panginoon .

3“Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan, ang aking kawan, mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila ikinalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon.

4Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila,” sabi ng Panginoon .

5Sinabi pa ng Panginoon , “Darating ang araw

na paghahariin ko ang isang matuwid na hari

mula sa angkan ni David,

isang haring mamumuno nang may karunungan,

at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan

sa lupaing ito.

6Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.[#23:6 : O Kaligtasan o Tagumpay.]

7“Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buháy na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Ehipto!’

8Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buháy na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila ikinalat.’ At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.”

Mga Bulaang Propeta

9Nadudurog ang puso ko

dahil sa mga bulaang propeta.

Nanginginig pati ang aking mga buto

at para akong lasing

dahil sa banal na mensahe

ng Panginoon laban sa kanila.

10Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga diyos-diyosan,[#23:10 : Sa literal, nakikiapid sa mga babae o mga lalaki.]

dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta

at nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan.

At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain,

kaya natuyo at nalanta ang mga tanim.

11“Ang mga pari ay katulad din ng mga propeta.

Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan

maging sa aking templo,” sabi ng Panginoon .

12“Kaya magiging madilim

at madulas ang kanilang daan.

Matitisod at madadapa sila

dahil padadalhan ko sa kanila

ng kapahamakan

sa panahon na silaʼy aking parurusahan,”

sabi ng Panginoon .

13“Nakita kong napakasama

ng ginagawa ng mga propeta

ng Samaria,

dahil nagsisipanghula sila

sa pangalan ni Baal

at inililigaw nila ang aking

mga mamamayang Israelita.

14Ngunit nakita ko ring mas masama pa

ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem

dahil nangangalunya sila

at nagsisinungaling pa.

Pinapalakas nila ang loob

ng masasamang tao

upang gumawa pa ng kasamaan,

kaya hindi sila tumatalikod sa kanilang kasamaan.

Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama

ng mga taga-Sodoma at Gomora.

15“Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo tungkol sa mga propetang ito:

Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at

paiinumin ko sila ng inuming may lason

sapagkat dahil sa mga propeta ng Jerusalem

ay lumaganap ang kasamaan

sa buong lupain.”

16Ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo:

“Huwag kayong maniniwala

sa sinasabi ng mga bulaang

propetang ito.

Pinapaasa lang nila kayo

sa mga kasinungalingan.

Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain

kundi sa sarili nilang isipan.

17Palagi nilang sinasabi

sa mga humahamak sa aking salita:

‘Sabi ng Panginoon , Magiging mabuti

ang kalagayan ninyo.’

At sa mga sumusunod

sa nagmamatigas nilang puso,

sinasabi nila, ‘Walang masamang

mangyayari sa inyo.’

18Ngunit sino sa mga propetang iyon ang nakakaalam ng iniisip ng Panginoon ?

Ni hindi nga sila nakinig sa mga salita ko

o pinahalagahan man lang

ang mga sinabi ko.

19Makinig kayo!

Ang galit koʼy parang bagyo, sabi ng Panginoon

o buhawing hahampas sa ulo

ng masasamang taong ito.

20Hindi mawawala ang galit ng Panginoon

hanggaʼt hindi niya nagagawa

ang balak niyang gawin.

At sa huling araw,

lubos ninyong mauunawaan ito.

21Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan,

pero lumakad pa rin sila.

Wala akong sinabi sa kanila,

pero nagsalita pa rin sila.

22Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko,

sinabi sana nila ang mga salita ko

sa aking mga mamamayan,

upang talikuran ang masasama

nilang pag-uugali

at baluktot na gawain.

23“Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako,

at hindi sa iisang lugar lamang,”

sabi ng Panginoon .

24“Sino ang makapagtatago sa akin

sa lihim na lugar?

Hindi baʼt akoʼy nasa lahat

ng sulok ng langit at lupa?”

sabi ng Panginoon .

25“Narinig ko ang mga sinabi ng mga propetang nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nilang binigyan ko raw sila ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip.

26Hanggang kailan pa kaya magsasalita ng kasinungalingan ang mga propetang ito na may mapanlinlang na propesiyang gawa-gawa lamang ng kanilang isip?

27Sa pamamagitan ng mga panaginip nilang iyon na sinasabi nila sa mga tao, itinutulak nila ang mga mamamayan ko upang kalimutan nila ako, gaya ng paglimot sa akin ng mga ninuno nila sa pamamagitan ng pagsamba nila kay Baal.

28Hayaan ninyong magsalita ang mga propetang ito ng tungkol sa mga panaginip nila, ngunit ang mga propetang nakarinig ng aking mga salita ay dapat magpahayag nito nang buong katapatan. Sapagkat magkaiba ang mga panaginip nila kaysa sa mga salita ko, gaya ng pagkakaiba ng dayami sa trigo,” sabi ng Panginoon .

29“Hindi baʼt makapangyarihan ang aking mga salita?” sabi ng Panginoon . “Itoʼy katulad ng apoy na nakakasunog o ng martilyong nakakadurog ng bato.

30“Kaya laban ako sa mga propetang ginagaya lang ang mensahe ng kapwa nila propeta at sinasabi nila na galing daw ito sa akin.

31Laban din ako sa mga propetang gumagawa ng sariling mensahe,” sabi ng Panginoon , “at saka sasabihing ako raw ang nagsabi niyon.

32Nagpapahayag sila ng mga panaginip na hindi totoo, kaya inililigaw nila ang mga mamamayan ko sa mga kasinungalingan nila. Hindi ko sila isinugo o sinabihang magsalita, kaya wala silang kabutihang maibibigay sa mga tao,” sabi ng Panginoon .

Ang Bulaang Pahayag

33“Jeremias, kung may magtatanong sa iyo na isang mamamayan, o propeta, o pari sa iyo kung ano ang ipinasasabi ng Panginoon , sabihin mong ipinasasabi kong itatakwil sila ng Panginoon .

34Kapag may propeta, o pari, o sinumang magsasabi na siya raw ay may mensahe na galing daw sa Panginoon , parurusahan ko ang taong iyon pati ang sambahayan niya.

35Mas mabuti pang magtanong na lang siya sa mga kaibigan o mga kamag-anak niya kung ano ang ipinasasabi ng Panginoon ,

36kaysa sabihin niya, ‘May mensahe ako mula sa Panginoon .’ Dahil ginagamit ito ng iba upang mapaniwala nila ang kanilang kapwa, kaya binaluktot nila ang ipinasasabi ng buháy na Diyos, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo.

37“Jeremias, kapag nagtanong ka sa isang propeta kung may mensahe siya mula sa Panginoon

38at sasabihin niya, ‘Oo, may mensahe ako mula sa Panginoon .’ Kinakailangang sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ng Panginoon : ‘Sapagkat sinabi mong may mensahe ka mula sa akin, kahit pinagbawalan kitang magsabi ng ganoon,

39kakalimutan at palalayasin kita sa harapan ko. At pababayaan ko ang lungsod na ito na ibinigay ko sa mga ninuno mo.

40Ilalagay ko kayo sa walang hanggang kahihiyan na hindi nʼyo makakalimutan magpakailanman.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.