Jeremias 24

Ang Dalawang Basket ng Igos

1May ipinakitang pangitain sa akin ang Panginoon pagkatapos bihagin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoiakim. Si Jehoyakin ay dinala sa Babilonia pati ang mga pinuno niya at ang mahuhusay na panday at manggagawa ng Jerusalem. Sa pangitain ko, nakita ko ang dalawang basket na igos na nasa harap ng templo ng Panginoon .

2Ang mga igos sa isang basket ay sariwa at maganda, hinog, at bagong pitas. Ngunit ang mga igos naman sa isang basket ay mga bulok at hindi na makain.

3Pagkatapos, nagtanong sa akin ang Panginoon , “Jeremias, ano ang nakita mo?”

Sumagot ako, “Mga igos po. Ang ibaʼy maganda at sariwa, pero ang iba ay bulok at hindi na makain.”

4Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon :

5“Ito ang sinasabi Panginoon , ang Diyos ng Israel: ‘Ituturing kong parang magagandang igos ang mga taga-Juda na ipinabihag ko sa mga taga-Babilonia.[#24:5 : Sa literal, Caldeo.]

6Iingatan ko sila upang maging mabuti ang kalagayan nila at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Muli ko silang itatayo at hindi na lilipulin. Patatatagin ko sila at hindi na bubunutin.

7Bibigyan ko sila ng pusong kikilala sa akin na ako ang Panginoon . Magiging mamamayan ko sila, at akoʼy magiging kanilang Diyos, dahil magbabalik-loob na sila sa akin nang taos-puso.

8“ ‘Ngunit si Haring Zedequias ng Juda ay ituturing kong parang bulok na igos na hindi na makakain,’ sabi ng Panginoon , pati ang kanyang mga pinuno at ang lahat ng Israelitang natitirang buháy sa Jerusalem o sa Ehipto.

9Gagawin ko silang kasuklam-suklam sa lahat ng kaharian sa buong mundo. Kukutyain at susumpain sila sa lahat ng bansa kung saan ko sila ikakalat.

10Padadalhan ko sila ng digmaan, gutom at sakit hanggang sa maubos sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.