Jeremias 26

Naligtas sa Kamatayan si Jeremias

1Noong simula ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Haring Josias ng Juda, ipinarating ng Panginoon ang kanyang mensahe:

2“Ito ang sinabi ng Panginoon : Tumayo ka sa bulwagan ng aking templo at magsalita ka sa mga mamamayan ng mga bayan ng Juda na naroon upang sumamba. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko at huwag mong babawasan.

3Baka sakaling makinig sila sa iyo at tumalikod sa masama nilang pag-uugali. Kapag ginawa nila ito, hindi ko na itutuloy ang kaparusahang pinaplano ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila.

4Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon : Kung hindi kayo maniniwala sa akin at ayaw ninyong sundin ang mga utos na ibinigay ko sa inyo,

5at kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ng mga lingkod kong propeta na palagi kong sinusugo sa inyo,

6gigibain ko ang templong ito katulad ng ginawa ko sa Silo. At susumpain ang lungsod na ito ng lahat ng bansa sa buong mundo!’ ”

7Narinig ng mga pari, mga propeta, at ng lahat ng tao na nasa templo ng Panginoon ang sinabing ito ni Jeremias.

8Pagkatapos niya itong sabihin, pinalibutan siya ng mga pari, mga propeta at mga tao, at sinabihan, “Dapat kang mamatay!

9Bakit mo sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang templong itoʼy gigibain katulad ng Silo, at ang lungsod na itoʼy magiging tiwangwang at wala nang maninirahan?” Kaya dinakip nila si Jeremias sa Templo ng Panginoon .

10Nang marinig ito ng mga pinuno ng Juda, pumunta sila sa templo. Umupo sila sa dinadaanan sa Bagong Pintuan ng Templo ng Panginoon upang humatol.

11Sinabi ng mga pari at mga propeta sa mga pinuno at sa lahat ng naroroon, “Dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsalita siya laban sa lungsod na ito. Narinig mismo ninyo ang kanyang sinabi.”

12Sinabi naman ni Jeremias sa lahat ng pinuno at sa lahat ng tao na naroroon, “Isinugo ako ng Panginoon upang magsalita ng laban sa templo at sa lungsod na ito katulad ng narinig ninyo.

13Kaya baguhin nʼyo na ang inyong pag-uugali at pamumuhay, at sundin ninyo ang sinasabi ng Panginoon . Sapagkat kung ito ang gagawin ninyo, hindi na itutuloy ng Panginoon ang ipinahayag niyang kapahamakan laban sa inyo.

14At tungkol naman sa akin, wala akong magagawa. Gawin ninyo sa akin kung ano ang mabuti at matuwid sa inyong paningin.

15Ngunit tandaan ninyo ito: kung papatayin ninyo ako, mananagot kayo at ang mga mamamayan sa lungsod na ito dahil sa pagpatay nʼyo sa taong walang kasalanan. Sapagkat totoong sinugo ako ng Panginoon para sabihin sa inyo ang lahat ng narinig nʼyo ngayon.”

16Sinabi ng mga pinuno, at ng mga tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsasalita siya sa atin sa pangalan ng Panginoon na ating Diyos.”

17Pagkatapos, may ilang mga tagapamahala na tumayo sa harap at nagsalita sa mga taong nagtitipon doon,

18“Noong si Ezequias ang hari ng Juda, nagsalita si Micas na taga-Moreset tungkol sa ipinasasabi ng Panginoon sa lahat ng taga-Juda. Sinabi niya, ‘Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo na wawasakin niya ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem.

Itoʼy matutulad sa inararong bukirin,

tambakan ng mga nagibang gusali

at magiging kagubatan ang bundok na kinatatayuan ng Templo.’

19Pinatay ba siya ng hari ng Juda na si Ezequias o ng sinumang nasa Juda? Hindi! Sa halip, natakot si Ezequias sa Panginoon at nakiusap siya sa kanya. Kaya hindi itinuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa kanila. Kaya kung papatayin nʼyo si Jeremias, kayo na rin ang magdadala ng kaparusahan sa sarili ninyo.”

20Nang panahon ding iyon, may isa pang nagsalita tungkol sa ipinasasabi ng Panginoon . Siyaʼy si Urias na anak ni Semaias na taga-Kiriat-jearim. Nagsalita rin siya laban sa lungsod at sa bansang ito katulad ng sinabi ni Jeremias.

21Nang marinig ni Haring Jehoiakim at ng lahat ng pinuno at tagapamahala niya ang sinabi ni Urias, pinagsikapan nilang patayin ito. Ngunit nalaman ito ni Urias, kaya tumakas siya papuntang Ehipto dahil sa takot.

22Ngunit inutusan ni Haring Jehoiakim si Elnatan na anak ni Acbor at ang iba pang mga tao na pumunta sa Ehipto.

23Kinuha nila si Urias doon sa Ehipto at dinala kay Haring Jehoiakim, at ipinapatay nila ito sa pamamagitan ng espada, at ipinatapon ang bangkay niya sa libingan para sa mga pangkaraniwang tao.

24Ngunit si Jeremias ay tinulungan ni Ahikam na anak ni Safan, kaya hindi siya napatay ng mga tao.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.