The chat will start when you send the first message.
1Habang nakakulong si Jeremias sa himpilan ng mga guwardiya ng palasyo, nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pangalawang beses:
2“Ito ang sinasabi ng Panginoong lumikha ng mundo at naghugis nito, Panginoon ang pangalan niya:
3‘Tumawag ka sa akin at sasagutin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga kahanga-hanga at mahihiwagang bagay na hindi mo pa alam.’
4Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel tungkol sa mga ginibang bahay sa lungsod ng Jerusalem at sa palasyo ng hari ng Juda upang gawing mga pampatibay ng pader para hindi ito mapasok ng mga kaaway sa digmaan
5laban sa mga taga-Babilonia: ‘Maraming tao ang mamamatay sa lungsod na ito dahil wawasakin ko ito sa tindi ng galit ko sa inyo. Itatakwil ko ang lungsod na ito dahil sa kasamaan nito.
6“ ‘Ngunit darating ang araw na pagagalingin ko ang lungsod na ito at ang mga mamamayan nito. At mamumuhay silang may kaunlaran at kapayapaan.
7Pababalikin ko ang mga taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkakabihag, at itatayo ko ulit ang lungsod nila katulad noon.
8Lilinisin at patatawarin ko sila sa lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin.
9At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.’
10“Sinabi pa ng Panginoon , ‘Sinasabi ninyong malungkot, walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Ngunit darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan.
11Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon . Sasabihin nila,
“Magpasalamat tayo sa Panginoon ng mga Hukbo
sapagkat napakabuti niya.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”
Talagang magsasaya ang mga tao sapagkat ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una,’ sabi ng Panginoon .
12“Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ‘Kahit nakatiwangwang ang lupaing ito ngayon at walang tao at hayop, darating ang araw na magkakaroon ng mga pastulan sa lahat ng bayan na pagdadalhan ng mga pastol ng kanilang mga kawan.
13Muling dadami ang kawan nila sa mga bayan sa kabundukan, sa mga kaburulan sa kanluran, sa Negeb, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar na nakapalibot sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda,’ sabi ng Panginoon .
14“ ‘Darating ang araw,’ sabi ng Panginoon , ‘na tutuparin ko ang mga kabutihang ipinangako ko sa mga mamamayan ng Israel at Juda.
15Sa panahong iyon,
pamamahalain ko ang haring matuwid
na mula sa angkan ni David.
Paiiralin niya ang katarungan
at katuwiran sa buong lupain.
16At sa panahon ding iyon
maliligtas ang mga taga-Juda
at mamumuhay nang payapa
ang mga taga-Jerusalem.
Ang Jerusalem ay tatawaging:
Ang Panginoon
ang Ating Katuwiran.’
17Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon : ‘Si David ay laging magkakaroon ng angkang maghahari sa mga mamamayan ng Israel.
18At palagi ring magkakaroon ng mga pari na mga Levita na maglilingkod sa akin at mag-aalay ng mga handog na sinusunog, handog na pagpaparangal, at iba pang mga handog.’ ”
19At sinabi ng Panginoon kay Jeremias,
20“Ito ang sinasabi ng Panginoon : ‘Kung paanong hindi na mababago ang kasunduan ko sa araw at sa gabi na lalabas sila sa takdang oras,
21ganyan din ang kasunduan ko kay David na lingkod ko, na palaging magkakaroon ng hari na manggagaling sa angkan niya. At ganoon din sa mga paring Levita, maglilingkod pa rin sila sa akin.
22Pararamihin ko ang mga angkan ni David at mga Levita katulad ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.’ ”
23Sinabi pa ng Panginoon kay Jeremias,
24“Hindi mo ba narinig na kinukutya ng mga tao ang mga mamamayan ko? Sinasabi nila, ‘Itinakwil ng Panginoon ang dalawang kaharian na hinirang niya.’ Kaya hinahamak nila ang mga mamamayan ko at hindi na nila ito itinuturing na bansa.
25Ngunit ito ang sinasabi ng Panginoon : Hindi na mauulit ang aking kasunduan sa araw at sa gabi, at ang aking mga tuntunin na naghahari sa langit at lupa,
26mananatili rin ang aking kasunduan sa mga lahi ni Jacob at kay David na lingkod ko. Hihirang ako mula sa angkan ni David na maghahari sa mga lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Kahahabagan ko sila at pababalikin sa kanilang sariling lupain mula sa pagkabihag.”