The chat will start when you send the first message.
1-2Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel:
“Pumunta ka kay Haring Zedequias ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon , ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’
3Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya upang hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia.
4Ngunit ikaw, Zedequias na hari ng Juda, pakinggan mo ang pangako ng Panginoon sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan,
5kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso upang parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.”
6Pagkatapos, pumunta ang propetang si Jeremias sa Jerusalem, at sinabi ang lahat ng ito kay Zedequias na hari ng Juda.
7Sumasalakay na ng panahong iyon ang hukbo ng hari ng Babilonia sa Jerusalem, sa Laquis at sa Azeka. Ito na lang ang mga lungsod ng Juda na may mga pader.
8May sinabi pa ang Panginoon kay Jeremias nang panahong gumawa ng kasunduan si Haring Zedequias sa lahat ng taga-Jerusalem na palalayain niya ang mga alipin.
9Nag-utos si Zedequias na ang sinumang may mga aliping Hebreo, maging babae o lalaki ay kinakailangan nilang palayain. Walang kapwa Hudyo na mananatiling alipin.
10At ang lahat ng mamamayan, pati ang mga namumuno ay pumayag sa kasunduang ito, at pinalaya nila ang mga alipin nila – lalaki man o babae.
11Ngunit sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.
12-13Kaya sinabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Ehipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila,
14‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Ngunit hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo.
15Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang Pangalan ko.
16Ngunit nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit ninyo silang maging alipin muli.
17“Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig.
18-19Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya, at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Ngunit hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati.[#34:18‑19 : Sa Ingles, “calf.”]
20Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila na nagnanais pumatay sa kanila. At magiging pagkain ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay nila.
21“Ibibigay ko si Haring Zedequias ng Juda at ang mga pinuno niya sa mga kaaway nila na mga sundalo ng hari ng Babilonia na gustong pumatay sa kanila. Bagamaʼt tumigil na sila sa pagsalakay sa inyo,
22uutusan ko sila na muli kayong salakayin, sakupin at sunugin, sabi ng Panginoon . Gagawin kong tiwangwang ang mga bayan ng Juda at wala nang maninirahan dito.”