Jeremias 38

Inihulog si Jeremias sa Balon

1Nabalitaan nina Sefatias na anak ni Matan, Gedalias na anak ni Pashur, Jucal na anak ni Shelemia, at Pashur na anak ni Malquias ang sinabi ni Jeremias sa mga tao. Ito ang sinabi niya:

2“Sinasabi ng Panginoon na ang sinumang manatili rito sa lungsod ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Ngunit ang sinumang susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay. Makakaligtas siya at mabubuhay.

3Sinasabi rin ng Panginoon na tiyak na maaagaw at sasakupin ng hari ng Babilonia ang lungsod na ito.”

4Kaya sinabi ng mga pinunong iyon sa hari, “Kinakailangang patayin ang taong ito dahil pinahihina niya ang loob ng mga sundalong natitira sa lungsod, pati ang mga mamamayan dahil sa mga sinasabi niya sa kanila. Hindi ang kabutihan ng mga tao ang hangad niya kundi ang kapahamakan nila.”

5Sumagot si Haring Zedequias, “Ibibigay ko siya sa inyo. Gawin nʼyo sa kanya ang ibig ninyo.”

6Kaya kinuha nila si Jeremias sa kulungan at ibinaba nila sa balon na nasa himpilan ng mga guwardiya. Ang balon na ito ay pag-aari ni Malquias na anak ng hari. Walang tubig ang balon pero may putik, at halos lumubog doon si Jeremias.

7-8Ngunit nang nabalitaan ito ni Ebed-melec na taga-Etiopia na isa ring pinuno sa palasyo, pinuntahan niya ang hari sa palasyo. Nakaupo noon ang hari sa Pintuan ni Benjamin. Sinabi niya sa hari,

9“Mahal na Hari, masama po ang ginawa ng mga taong iyon sa propetang si Jeremias. Inihulog nila siya sa balon, at tiyak na mamamatay siya doon sa gutom, dahil halos mauubos na po ang tinapay sa buong lungsod.”

10Kaya sinabi ni Haring Zedequias kay Ebed-melec na taga-Cush, “Magsama ka ng tatlumpung lalaki mula sa mga tao ko at kunin ninyo ang propetang si Jeremias sa balon bago pa siya mamatay.”

11Kaya isinama ni Ebed-melec ang mga tao at pumunta sila sa bodega ng palasyo, at kumuha ng mga basahan, lumang damit, at lubid at ibinaba nila kay Jeremias ang mga ito roon sa balon.

12Sinabi ni Ebed-melec na taga-Cush kay Jeremias, “Isapin mo ang mga basahan at lumang damit sa kilikili mo upang hindi ka masaktan ng lubid.” At ito nga ang ginawa ni Jeremias.

13Pagkatapos, iniahon nila si Jeremias mula sa loob ng balon at ibinalik sa himpilan ng mga guwardiya ng palasyo.

Muling Ipinatawag ni Haring Zedequias si Jeremias

14Muling ipinatawag ni Haring Zedequias ang propetang si Jeremias doon sa pangatlong pintuan ng templo ng Panginoon . Sinabi ni Zedequias kay Jeremias, “May itatanong ako sa iyo, at nais kong sabihin mo sa akin ang totoo.”

15Sinabi ni Jeremias kay Zedequias, “Kapag sinabi ko po sa inyo ang katotohanan, ipapapatay nʼyo pa rin ako. At kahit na payuhan ko po kayo, hindi rin po kayo maniniwala sa akin.”

16Ngunit lihim na sumumpa si Haring Zedequias kay Jeremias. Sinabi niya, “Sumusumpa ako sa buháy na Panginoon , na siya ring nagbigay ng buhay sa atin, na hindi kita papatayin o ibibigay sa mga nais pumatay sa iyo.”

17Sinabi ni Jeremias kay Zedequias, “Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Kung susuko po kayo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas po ang buhay nʼyo at hindi po nila susunugin ang lungsod na ito. Kayo po at ang sambahayan nʼyo ay mabubuhay.

18Ngunit kung hindi po kayo susuko sa mga opisyal ng hari ng Babilonia, ibibigay ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia, at ito po ay kanilang susunugin at hindi po kayo makakatakas sa kanila.’ ”

19Sinabi ni Haring Zedequias kay Jeremias, “Natatakot ako sa mga Hudyong kumakampi sa mga taga-Babilonia, baka ibigay ako ng mga taga-Babilonia sa kanila at saktan nila ako.”

20Sinabi ni Jeremias, “Hindi po kayo ibibigay sa kanila kung susundin nʼyo lang ang Panginoon . Maliligtas po ang buhay nʼyo at walang anumang mangyayari sa inyo.

21Ngunit kung hindi po kayo susuko, ito naman ang sinabi sa akin ng Panginoon na mangyayari sa inyo:

22Ang lahat ng babaeng naiwan sa palasyo ng hari ng Juda ay dadalhin ng mga pinuno ng hari sa Babilonia. At sasabihin sa inyo ng mga babaeng ito,

‘Niloko po kayo ng mga matalik nʼyong kaibigan.

At ngayong nakalubog po sa putik ang inyong mga paa,

iniwan nila kayo.’

23“Dadalhin po nila ang lahat ng asawaʼt anak nʼyo sa Babilonia. Kayo po ay hindi rin makakatakas sa hari ng Babilonia. At ang lungsod na itoʼy susunugin nila.”

24Pagkatapos, sinabi ni Zedequias kay Jeremias, “Huwag mong sasabihin kaninuman ang napag-usapan natin upang hindi ka mamatay.

25Maaaring mabalitaan ng mga pinuno na nag-usap tayo. Baka puntahan ka nila at itanong sa iyo, ‘Ano ang pinag-usapan ninyo ng hari? Kung hindi mo sasabihin ay papatayin ka namin.’

26Kapag nangyari ito, sabihin mo sa kanila, ‘Nakiusap ako sa hari na huwag niya akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan, baka mamatay ako roon.’ ”

27Pumunta nga ang mga pinuno kay Jeremias at tinanong siya. At sinagot niya sila ayon sa sinabi ng hari sa kanya, kaya hindi na sila nag-usisa pa. Walang nakarinig ng usapan ni Jeremias at ng hari.

28At nanatiling nakakulong si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardiya ng palasyo hanggang sa masakop ang Jerusalem.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem

Sa ganitong paraan nasakop ang Jerusalem:

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.