Jeremias 4

1Sinabi ng Panginoon , “O Israel,

kung talagang gusto mong

magbalik sa akin,

manumbalik ka na.

Kung itatakwil mo ang mga kasuklam-suklam

mong diyos-diyosan

at hindi ka na lalayo sa akin,

2at kung susumpa ka

sa aking pangalan lamang

na nagsasabing,

‘Habang buháy ang Panginoong ,’

at mamumuhay nang tapat,

matuwid at tama,

magiging pagpapala ka sa mga bansa

at pararangalan nila ako.”

3Sinabi ng Panginoon sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem:

“Tulad ng pagbungkal sa matigas na lupa,

bungkalin ninyo ang matigas ninyong puso!

Tulad ng pagbunot sa dawag at tinik

upang hindi masayang ang binhi,

alisin ninyo ang kasalanang sumisira sa inyo.

At huwag sayangin ang mabuting binhi

sa mga dawag at tinik.

4Linisin nʼyo ang inyong mga puso

sa harapan ng Panginoon ,

kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem,

dahil kung hindi ay mararanasan ninyo

ang aking galit na katulad ng apoy

na hindi namamatay

dahil sa ginawa nʼyong kasamaan.

Ang Parusang Darating sa Juda

5“Sabihin mo sa Juda at ipahayag sa Jerusalem:

‘Patunugin ninyo ang trumpeta

sa buong lupain!’

Isigaw nang malinaw at sabihin:

‘Magsama-sama at magtipon!

Tumakas patungo

sa mga napapaderang lungsod!’

6Itaas mo ang bandila

at balaan mo ang mga taga-Zion

na tumakas agad sila

sapagkat magpapadala ako

ng kapahamakan mula sa hilaga.”

7Ang tagapagwasak na sasalakay sa mga bansa

ay parang leon na lumabas sa kanyang lungga.

Nakaalis na siya sa lugar niya

upang wasakin ang lupain ninyo.

Guguho ang mga bayan ninyo

at wala nang makakatira sa mga ito.

8Kaya isuot na ninyo ang damit na panluksa,[#4:8 : Sa literal, sakong damit.]

tumangis kayo at umiyak,

sapagkat matindi pa rin

ang galit ng Panginoon sa atin.

9Sinabi ng Panginoon ,

“Sa araw na iyon,

maduduwag ang hari

at ang kanyang mga pinuno,

masisindak ang mga pari,

at mangingilabot ang mga propeta.”

10Pagkatapos, sinabi ko, “Makapangyarihang Panginoon , nalinlang po ang mga tao sa sinabi nʼyo noon, dahil nangako po kayo na mananatiling payapa ang Jerusalem. Ngunit ang espada pala ay nakahanda nang pumatay sa amin.”

11Darating ang araw na sasabihin ng Panginoon sa mga taga-Jerusalem, “Iihip ang mainit na hangin mula sa ilang patungo sa mga mamamayan ko, pero hindi ito para mahanginan at masala ang kanilang mga trigo.

12Ang malakas na hangin na itoʼy galing sa akin. Sasabihin ko ngayon ang parusa ko sa kanila.”

13Tingnan nʼyo! Dumarating ang kaaway natin

na parang mga ulap.

Ang mga karwahe niyaʼy parang ipuipo

at ang mga kabayo niyaʼy

mas mabilis kaysa sa mga agila.

Nakakaawa tayo!

Ito na ang ating katapusan!

14“Mga taga-Jerusalem, linisin ninyo

ang kasamaan sa inyong puso

upang kayoʼy maligtas.

Hanggang kailan kayo mag-iisip ng masama?

15Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita

na ng mga mensahero mula sa Dan

at ipinahayag sa kabundukan ng Efraim.

16Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa

at ibalita tungkol sa Jerusalem

na may mga sundalong sumasalakay

mula sa malayong lugar

na humahamon ng digmaan

sa mga lungsod ng Juda.

17Pinaligiran nila ang Jerusalem

na parang mga taong nagbabantay ng bukid,

dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin,”

sabi ng Panginoon .

18“Ang inyong pag-uugali at mga gawa

ang nagdala ng parusang ito sa inyo.

Ito ang kaparusahan ninyo.

Masakit ito!

At tatagos ito sa inyong puso.”

19Ang puso ko, ang puso ko,

namimilipit sa sakit na nadarama!

Mabigat ang aking kalooban,

kumakabog ang aking dibdib

at hindi ako mapalagay.

Sapagkat aking narinig ang tunog ng trumpeta,

at ang hiyaw ng mga mandirigma.

20Sunod-sunod na dumating ang kapahamakan.

Ang buong lupain ay napinsala.

Pati ang tolda koʼy agad na nagiba

at napunit ang mga tabing.

21Hanggang kailan ko kaya makikita

ang watawat ng digmaan

at maririnig ang tunog ng trumpeta?

22“Hangal ang aking mga mamamayan ko;

hindi nila ako nakikilala.

Silaʼy mga mangmang na kabataan

at walang pang-unawa.

Sanay silang gumawa ng masama

ngunit hindi marunong gumawa ng mabuti.”

23Tiningnan ko ang lupain

at nakita kong itoʼy wala nang anyo

at wala nang laman.

At nakita ko ring ang langit

ay wala nang liwanag.

24Nakita ko ang mga bundok,

at ang mga ito ay yumayanig;

at ang mga burol ay parang may indayog.

25Nakita ko rin na walang tao

at lumilipad ang mga ibon papalayo.

26Nakita ko na ang masaganang bukirin

ay naging ilang.

Nawasak ang lahat ng bayan

dahil sa matinding galit ng Panginoon .

27Ito ang sinasabi ng Panginoon ,

“Ang buong lupain ay mawawasak,

pero hindi ko ito lubos na gigibain.

28Iiyak ang sanlibutan

at magdidilim ang langit,

dahil sinabi ko na ang kaparusahan

at hindi ko na ito babaguhin.

Nakapagpasya na ako

at hindi na magbabago ang isip ko.”

29Sa ingay ng mga nangangabayo at mamamana,

tumakas na sa takot ang mga

mamamayan ng bawat bayan.

Ang iba ay tumakas sa kagubatan

at ang iba ay umakyat sa batuhan.

Ang lahat ng bayan ay iniwanan

at walang natirang

naninirahan sa mga ito.

30Jerusalem malapit ka nang mawasak.

Ano ang ginagawa mo?

Bakit may suot ka pang magandang damit

at mga gintong alahas?

Bakit naglalagay ka pa

ng mga kolorete sa iyong mga mata?

Wala nang kabuluhan

ang iyong pagpapaganda.

Itinakwil ka na ng iyong mga

minamahal na kakamping bansa

at gusto ka na nilang patayin.

31Narinig ko ang pag-iyak at pagdaing,

na parang babaeng nanganganak

sa kanyang panganay.

Iyak ito ng mga mamamayan ng Jerusalem

na parang hinahabol ang kanilang hininga.

Itinataas nila ang kanilang

mga kamay at nagsasabing,

“Kawawa naman kami;

at parang kamiʼy hihimatayin na,

sapagkat nariyan na ang aming

mga kaaway na papatay sa amin.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.