Jeremias 40

Pinalaya si Jeremias

1May sinabi ang Panginoon kay Jeremias pagkatapos siyang palayain ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardiya sa Rama. Nakakadena siya noon kasama ng mga bihag na mga taga-Jerusalem at taga-Juda na dadalhin sa Babilonia.

2Nang makita ni Nebuzaradan si Jeremias, sinabi niya sa kanya, “Ang Panginoon na iyong Diyos ay nagsabing wawasakin niya ang Jerusalem.

3At nangyari ito ngayon. Talagang ginawa ng Panginoon ang sinabi niya. Nangyari ito dahil gumawa ng kasalanan sa Panginoon ang mga kababayan mo at hindi sila sumunod sa kanya.

4Aalisin ko na ngayon ang kadena mo at palalayain na kita. Kung gusto mo, sumáma ka sa akin sa Babilonia at aalagaan kita roon. Ngunit kung ayaw mo, nasa sa iyo iyon. Tingnan mo ang buong lupain; malaya kang pumunta kahit saan.

5Kung gusto mo talagang magpaiwan dito, bumalik ka kay Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan. Ginawa siyang tagapangasiwa ng hari ng Babilonia sa mga bayan ng Juda. Maaari kang makapanirahang kasama niya at ng mga nasasakupan niya o kahit saan man na nais mong pumunta.”

Pagkatapos, binigyan siya ni Nebuzaradan ng mga pagkain at regalo, at pinalaya.

6Kaya umalis si Jeremias at pumunta kay Gedalias na anak ni Ahikam doon sa Mizpa at tumira roon kasama ng mga taong naiwan.

Ang Pamamahala ni Gedalias sa Juda

7May ilang mga opisyal at mga sundalo ng Juda na nasa bukirin na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nilang si Gedalias na anak ni Ahikam ay ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa buong lupain upang mamuno sa mga lalaki, babae at mga bata na siyang pinakamahirap ang kalagayan na naiwan at hindi dinalang bihag sa Babilonia.

8Kaya pumunta ang mga pinunong ito kay Gedalias na nasa Mizpa. Ang mga pinunong ito ay sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan at Jonatan na mga anak na lalaki nila Karea, Seraya na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Netofa, at Jezanias na anak ng taga-Maaca. Sumama sa kanila ang mga tauhan nila.

9Sumumpa sa kanila si Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan na hindi sila mapapahamak kung magpapasakop sila sa mga taga-Babilonia. Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot. Manirahan kayo rito sa lupaing ito at maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at mapapabuti kayo.

10Mananatili ako rito sa Mizpa upang humarap sa mga taga-Babilonia para sa inyo kapag dumating sila rito. Manirahan kayo sa kahit saang lugar na inyong gusto, at anihin ninyo ang mga ubas, mga olibo, at ang iba pang mga prutas, at iimbak ninyo sa mga lalagyan.”

11Nabalitaan din ng lahat ng Hudyo na nagsitakas sa Moab, Amon, Edom at sa iba pang mga bansa na may mga taong iniwan ang hari ng Babilonia na mga mamamayan ng Juda, at itinalaga niyang gobernador si Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan.

12Kaya bumalik sila sa Juda mula sa ibaʼt ibang lugar na pinangalatan nila at pumunta sila kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa. At nanguha sila ng mga ubas at iba pang mga prutas.

13Pumunta rin kay Gedalias sa Mizpa si Johanan na anak ni Karea at ang iba pang mga opisyal ng mga sundalo na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia.

14Sinabi nila, “Hindi mo ba alam na isinugo ni Haring Baalis ng Amon si Ismael na anak ni Netanias upang patayin ka?” Ngunit hindi naniwala si Gedalias na anak ni Ahikam sa kanila.

15Pagkatapos, nakipagkita si Johanan na anak ni Karea kay Gedalias sa Mizpa nang lihim at sinabi niya sa kanya, “Papatayin ko ang anak ni Netanias na si Ismael nang walang sinumang nakakaalam. Huwag natin siyang pabayaan na patayin ka. Kung sakaling mangyari ito, ito ang magiging dahilan upang mangalat at mawala ang mga Hudyong naiwan dito sa Juda na pinamumunuan mo.”

16Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Karea, “Huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.