Jeremias 41

Pinatay si Gedalias

1Si Ismael ay anak ni Netanias at apo ni Elishama. Kabilang siya sa sambahayan ng hari at isa sa mga pinuno ng hari noon. Nang ikapitong buwan ng taong iyon, pumunta si Ismael kasama ang sampung tauhan niya kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa. At habang kumakain sila,

2tumayo si Ismael na anak ni Netanias at ang sampung kasama niya at pinatay nila si Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan sa pamamagitan ng espada. Kaya napatay ang pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain.

3Pinatay din ni Ismael at ng mga tauhan niya ang lahat ng pinuno ng mga Hudyo na nakasama ni Gedalias doon sa Mizpa, pati ang mga sundalo na taga-Babilonia.

4Kinaumagahan, bago pa malaman ng sinuman na si Gedalias ay pinatay,

5may walumpung lalaking papunta sa Mizpa mula sa Shekem, Silo, at Samaria. Inahit nila ang mga balbas nila, pinunit ang kanilang mga damit at sinugatan ang mga katawan nila bilang tanda na silaʼy nagluluksa. May mga dala silang handog upang parangalan ang Panginoon at mga insenso upang ihandog sa templo ng Panginoon .

6Sinalubong sila ni Ismael na anak ni Netanias na umiiyak mula sa Mizpa. Sinabi niya, “Tingnan ninyo ang nangyari kay Gedalias na anak ni Ahikam.”

7Pagdating nila sa lungsod, ang pitumpu sa kanila ay pinatay ni Ismael na anak ni Netanias at ng mga kasamahan niya. At pagkatapos, inihulog nila ang bangkay ng mga ito sa balon.

8Ang sampu naman ay hindi nila pinatay dahil sinabi nila kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin! Ibibigay namin sa iyo ang mga trigo, sebada, langis at pulot namin na nakatago sa bukid.”

9Ang balon na pinaghulugan ni Ismael ng mga bangkay ng mga taong pinatay niya, pati na ang bangkay ni Gedalias ay pag-aari ni Haring Asa. Ipinahukay niya ito noong sinalakay sila ni Haring Baasa ng Israel. Ang balon na itoʼy napuno ni Ismael na anak ni Netanias ng mga bangkay.

10Pagkatapos, binihag ni Ismael na anak ni Netanias ang mga taong natitira sa Mizpa, ang mga anak na babae ng hari at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan kay Gedalias na anak ni Ahikam upang alagaan. Pagkatapos, bumalik si Ismael sa Amon na dala ang mga bihag.

11Nabalitaan ni Johanan na anak ni Karea at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang masamang ginawa ni Ismael na anak ni Netanias.

12Kaya tinipon nila ang mga tauhan nila at hinabol ang anak ni Netanias na si Ismael na anak ni Netanias upang labanan. Inabutan nila ito sa malawak na imbakan ng tubig sa Gibeon.

13Nang makita ng mga bihag ni Ismael si Johanan na anak ni Karea at ang mga kasama niyang opisyal, tuwang-tuwa sila.

14Silang lahat na bihag ni Ismael mula sa Mizpa ay nagtakbuhan patungo kay Johanan na anak ni Karea.

15Samantala tumakas mula kay Johanan papunta sa Amon ang anak ni Netanias na si Ismael at ang walo niyang kasama.

Ang Pagtakas Papunta sa Ehipto

16Tinipon ni Johanan na anak ni Karea at ng mga pinunong kasama niya ang lahat ng bihag ni Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa, kabilang ang mga kawal, babae, bata at ang mga pinuno sa palasyo na mula sa Gibeon. Ginawa ito pagkatapos na mapatay ni Ismael si Gedalias.

17At mula sa Gibeon, pumunta sila sa Gerut Kimham malapit sa Bethlehem at tumuloy sa Ehipto.

18Sapagkat natatakot sila sa mga taga-Babilonia dahil pinatay ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahikam na pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.