Jeremias 46

Ang Mensahe tungkol sa mga Bansa

1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay propeta Jeremias tungkol sa mga bansa:

2Ito ang mensahe laban sa mga sundalo ni Faraon Neco na hari ng Ehipto:

Tinalo sila ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia roon sa Carquemis malapit sa Ilog ng Eufrates, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Haring Josias ng Juda:

3“Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag

at pumunta kayo sa digmaan!

4Ihanda rin ninyo ang inyong

mga kabayong pandigma.

Isuot ang inyong mga helmet,

hasain ang inyong mga sibat,

at isukbit ang inyong mga sandata.

5Ngunit ano itong nakita ko?

Natatakot kayo at umuurong.

Natalo kayo at mabilis na tumakas

na hindi man lang lumilingon

dahil sa takot,” sabi ng Panginoon .

6Malakas kayo at mabilis tumakbo

pero hindi pa rin kayo makakatakas.

Mabubuwal kayo at mamamatay

malapit sa Ilog ng Eufrates.

7“Ano itong bansang

naging makapangyarihan,

na katulad ng Ilog ng Nilo

na tumataas ang tubig

at umaapaw hanggang sa pampang?

8Ito ay ang bansang Ehipto,

na naging makapangyarihan

katulad ng Ilog ng Nilo

na tumataas ang tubig

at umaapaw hanggang sa pampang.

Sinabi ng Ehipto, ‘Naging

makapangyarihan ako

gaya ng baha na umapaw

sa buong mundo.

Wawasakin ko ang mga lungsod

at ang mga mamamayan nito.’

9Lumusob kayo, mga kabayo!

Tumakbo kayo, mga karwahe!

Sumalakay na kayo, mga sundalong bayani,

kayong mga kakampi mula sa Etiopia at Put

na bihasa sa kalasag

at kayong mga kakampi

mula sa Lydia na bihasa sa pana.

10Ngunit mananalo ang Makapangyarihang Panginoon na Makapangyarihan sa digmaang ito.

Maghihiganti siya sa mga kaaway niya

sa araw na ito.

Ang espada niyaʼy parang gutom

na hayop na lalamon sa kanila

at iinom ng dugo nila

hanggang sa mabusog.

Ang mga bangkay nilaʼy

parang mga handog sa Makapangyarihang Panginoon

na Makapangyarihan doon sa lupain

sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.

11“O mga taga-Ehipto, kahit na

pumunta pa kayo sa Gilead

upang maghanap ng panlunas

na gamot,

ang lahat ng gamot ay wala nang bisa

at hindi na makapagpapagaling sa inyo.

12Mababalitaan ng mga bansa

sa buong daigdig

ang kahihiyan at pagtangis ninyo.

Sama-samang mabubuwal

ang inyong mga sundalo.”

13Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa pagsalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa Ehipto:

14“Jeremias ipahayag ito

sa Ehipto, Migdol, Memfis at Tapanhes:

‘Humanda na kayo

sapagkat nakahanda na

ang espada upang lipulin kayo.’

15Bakit nakadapa ang inyong mga kawal?[#46:15 : O makapangyarihang diyos na si Apis.]

Hindi sila makakatayo,

sapagkat itutumba sila ng Panginoon .

16Madadapa at mabubuwal sila

nang paulit-ulit.

Sasabihin nila, ‘Bumangon tayo

at bumalik

sa ating mga kababayan

at sa lupaing sinilangan natin,

upang makaiwas tayo

sa espada ng ating mga kaaway.’

17Doon ay sasabihin nila,

‘Ang Faraon na hari ng Ehipto

ay magaling lang sa salita,

at sinasayang lang niya

ang mga pagkakataon.’

18“Ako, ang buháy na Hari,” sabi ng Panginoon ,

ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo.

“Isinusumpa kong mayroong sasalakay sa Ehipto

na nakahihigit sa kanya,

katulad ng Bundok ng Tabor

sa gitna ng mga kabundukan

o ng Bundok ng Carmel

sa tabi ng dagat.

19Kayong mga mamamayan ng Ehipto,

ihanda na ninyo ang inyong mga dala-dalahan

sapagkat kayo ay bibihagin.

Mawawasak ang Memfis,

magiging tiwangwang ito

at wala nang maninirahan dito.

20“Ang Ehipto ay parang dumalagang baka,

pero may bangaw mula sa hilaga

na sasalakay sa kanya.

21Pati ang mga upahang sundalo niya

ay uurong at tatakas.

Para silang mga guyang pinataba

upang katayin.

Mangyayari ito sapagkat panahon na

upang parusahan at wasakin

ang mga taga-Ehipto.

22Tatakas ang mga taga-Ehipto

na parang ahas na mabilis na tumatalilis

habang sumasalakay ang mga kaaway.

Sasalakay ang mga kaaway

na may dalang mga palakol

na katulad ng taong namumutol

ng punongkahoy.

23Papatayin nila ang mga taga-Ehipto

na parang pumuputol lang ng mayayabong na mga punongkahoy,”

sabi ng Panginoon .

“Ang mga kaaway na itoʼy

mas marami kaysa sa balang

na hindi mabilang.

24Mapapahiya ang mga taga-Ehipto.

Ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”

25Patuloy pang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, “Parurusahan ko na si Amon, ang diyos-diyosan ng Tebes, at ang iba pang mga diyos-diyosan ng Ehipto. Parurusahan ko rin ang Faraon pati ang mga tagapamahala niya, at ang mga nagtitiwala sa kanya.

26Ibibigay ko sila sa kamay ng mga gustong pumatay sa kanila – kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Ngunit darating din ang araw na ang Ehipto ay tatahanan ng mga tao katulad noong una,” sabi ng Panginoon .

27“Kaya huwag kayong matatakot,

o manlulupaypay man,

kayong mga lahi ni Jacob

na aking lingkod.

Sasagipin ko kayo mula diyan

sa malayong lugar kung saan kayo binihag.

Sa pagbabalik ninyo,

mamumuhay na kayo nang payapa,

tahimik, at walang kinatatakutan.

28Kaya huwag kayong matakot,

kayong mga lahi ng lingkod kong si Jacob,

sapagkat akoʼy kasama ninyo,”

sabi ng Panginoon .

“Kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo.

Lubusan kong wawasakin ang mga bansa

kung saan ko kayo ikinalat

ngunit hindi ko ito gagawin sa inyo.

Ngunit hindi rin ito nangangahulugang

hindi ko kayo parurusahan.

Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.