Jeremias 5

Walang Sinumang Matuwid

1Sinabi ng Panginoon , “Mga taga-Jerusalem,

pumunta kayo sa inyong mga lansangan!

Tingnan ninyo ang inyong mga plasa!

Kung may makikita kayong matuwid at tapat,

patatawarin ko ang lungsod ninyo.

2Kahit ginagamit ninyo ang pangalan

ng Panginoon sa pagsumpa nʼyo,

nagsisinungaling pa rin kayo.”

3Panginoon , naghahanap po kayo ng taong tapat.

Sinaktan po ninyo ang inyong mga mamamayan

ngunit balewala ito sa kanila.

Pinarusahan nʼyo sila

ngunit ayaw nilang magpaturo.

Pinatigas nila ang kanilang mga puso

at ayaw nilang magsisi.

4Akala ko poʼy mga dukha sila

at mga walang pinag-aralan,

ngunit mga hangal pala sila.

Sapagkat hindi nila alam ang pamamaraan

na ipinapagawa sa kanila

ng Panginoon na kanilang Diyos.

5Kaya pupuntahan ko po ang kanilang mga pinuno

at kakausapin ko sila.

Tiyak na mauunawaan nila ang pamamaraang

ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Diyos.

Ngunit tumanggi rin silang sumunod

sa mga ipinapagawa ng Diyos.

6Kaya sasalakayin sila ng mga kaaway nila

na parang leon na nanggaling sa kagubatan,

o katulad ng isang asong lobo na galing sa ilang,

o parang leopardong nagbabantay malapit sa bayan upang lapain ang sinumang lumabas.

Mangyayari ito sa kanila

dahil naghihimagsik sila sa Diyos

at maraming beses nang tumalikod sa kanya.

7“Bakit ko kayo patatawarin?

Pati ang mga anak ninyo ay itinakwil ako

at sumumpa sa pangalan ng hindi tunay na diyos.

Ibinigay ko ang mga pangangailangan nila,

pero nagawa pa rin nila akong pagtaksilan

at nagsisiksikan pa sila

sa bahay ng mga babaeng bayaran.

8Para silang mga lalaking kabayo na alagang-alaga.

Ang bawat isa sa kanila

ay may matinding pagnanasa

sa asawa ng iba.

9Hindi ba nararapat lang na parusahan ko sila dahil dito?”

wika ng Panginoon .

“Hindi ba nararapat lang

na paghigantihan ko ang mga bansang ganito?

10“Kayong mga kaaway ng mga taga-Israel,

sirain ninyo ang kanilang mga ubasan,

pero huwag ninyong sirain nang lubusan.

Tabasin ninyo ang mga sanga,

sapagkat ang mga taong ito

ay hindi na sa Panginoon .

11Ang mga mamamayan ng Israel at Juda

ay hindi na tapat sa akin,”

wika ng Panginoon .

12“Hindi sila nagsasalita ng totoo tungkol sa akin;

sinabi nila, ‘Hindi tayo sasaktan

ng Panginoon !

Walang panganib na darating sa atin.

Walang digmaan o gutom man na darating.’

13Walang kabuluhan ang mga propeta at hindi galing sa akin ang mga ipinapahayag nila.

Mangyari nawa sa kanila

ang kapahamakan na kanilang inihula.”

14Kaya ito ang sinabi sa akin ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo,

“Dahil ganyan ang sinabi ng mga taong iyon,

bibigyan kita ng mensaheng

katulad ng apoy na susunog sa kanila

at silaʼy masusunog na parang kahoy.”

15Sinabi ng Panginoon , “Mga mamamayan ng Israel,

magpapadala ako ng mga tao

mula sa malayong bansa para salakayin kayo.

Itoʼy isang sinaunang bansa

na ang wika ay hindi ninyo nauunawaan.

16Matatapang ang sundalo nila

at nakakamatay ang mga gamit nilang pandigma.

17Uubusin nila ang inyong mga ani,

pagkain, hayop, ubas, at mga igos ninyo.

Papatayin nila ang iyong mga hayop

at ang inyong mga anak.

Wawasakin nila ang inyong mga napapaderang lungsod,

na siyang inaasahan ninyo.

18“Ngunit kahit sa mga araw na iyon,” sabi ng Panginoon . “Hindi ko kayo lilipulin nang lubusan.

19At kung may magtatanong, ‘Bakit ginawa ng Panginoon na ating Diyos ang lahat ng ito sa atin?’ sabihin mo sa kanila, ‘Dahil itinakwil ninyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang mga diyos sa sarili ninyong lupain. Kaya ngayon, maglilingkod kayo sa mga dayuhan sa lupaing hindi inyo.’

20Sabihin ninyo ito

sa mga mamamayan ng Israel at Juda.

21Pakinggan nʼyo ito, kayong mga hangal

at matitigas ang ulo.

May mga mata kayo pero hindi makakita,

may mga tainga pero hindi makarinig:

22Wala ba kayong takot sa akin?”

wika ng Panginoon .

“Bakit hindi kayo nanginginig sa aking harapan?

Ako ang gumawa ng buhangin sa tabing-dagat

upang maging hangganan ng dagat.

Itoʼy hangganan na hindi malalagpasan.

Hahampasin ito ng mga alon

pero hindi nila maaapawan.

23Ngunit matitigas ang ulo

at rebelde ang mga taong ito.

Kinalimutan at nilayuan nila ako.

24Hindi sila nagsasalita ng mula sa puso na,

‘Parangalan natin ang Panginoon na ating Diyos

na nagbibigay ng ulan sa tamang panahon

at nagbibigay sa atin ng ani

sa panahon ng anihan.’

25Ang kasamaan nʼyo ang naglayo

ng mga bagay na iyon sa inyo.

Ang mga kasalanan ninyo ang naging hadlang

sa pagtanggap ninyo ng mga pagpapalang ito.

26“May masasamang tao na kabilang

sa mga mamamayan ko

at nag-aabang ng mabibiktima.

Para silang mga taong bumibitag ng mga ibon.

Naglalagay sila ng mga bitag

para sa ibang mga tao.

27Katulad ng hawlang puno ng mga ibon,

ang bahay ng masasamang taong ito

ay puno ng mga kayamanang nanggaling sa pandaraya.

Kaya yumaman sila

at naging makapangyarihan.

28Tumaba sila at lumakas ang kanilang mga katawan.

Sukdulan ang paggawa nila ng kasamaan.

Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ulila

at hindi nila ipinaglalaban

ang karapatan ng mga dukha.

29Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan dahil dito?”

wika ng Panginoon .

“Hindi baʼt nararapat na paghigantihan ko

ang mga bansang katulad nito?

30“Nakakasindak at nakakapangilabot

ang mga bagay

na nangyayari sa lupaing ito.

31Ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan.

Ang mga pari ay namamahala

ayon sa sarili nilang kapangyarihan.

At ito ang gusto ng mga mamamayan ko.

Ngunit ano ang gagawin nila

kapag dumating na ang katapusan?”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.