The chat will start when you send the first message.
1Ito ang sinabi ng Panginoon sa propetang si Jeremias tungkol sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
2“Ipahayag sa mga bansa ang balita
nang walang inililihim!
At itaas ang watawat na tanda
ng pagkawasak ng Babilonia!
Madudurog at mapapahiya
ang kanyang mga diyos-diyosan
pati na ang diyos-diyosang si Bel at Merodac.
3Sapagkat sasalakayin ang Babilonia
ng isang bansa mula sa hilaga,
at magiging tiwangwang
ang lugar na ito.
Wala nang maninirahan dito
dahil tatakas ang kanyang mga mamamayan
pati ang mga hayop.
4“Ako, ang Panginoon ,
ay nagsasabing sa panahong iyon,
ang mga mamamayan ng Israel at Juda
ay iiyak na lalapit sa akin,
ang Panginoon na kanilang Diyos.
5Magtatanong sila ng daan
papuntang Jerusalem
at pupunta sila roon.
Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa Panginoon
at hindi na nila ito kakalimutan.
6“Ang mga mamamayan ko
ay parang mga tupang naliligaw.
Pinabayaan sila ng kanilang mga pastol
doon sa kabundukan at kaburulan
at hindi na nila alam ang daan pauwi.
7Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila.
Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon
na siyang tunay nilang kapahingahan
at pag-asa ng mga ninuno nila
kaya wala tayong kasalanan
sa ating pagsalakay sa kanila.’
8“Tumakas kayo mula sa Babilonia!
Iwanan na ninyo ang bansang iyan!
Mauna na kayong tumakas
katulad ng mga kambing
na nangunguna sa mga kawan!
9Sapagkat ipapasalakay ko ang Babilonia
sa alyansa ng mga makapangyarihang
bansa mula sa hilaga.
Sasalakayin nila ang Babilonia
at masasakop nila ito.
Bihasa ang mga tagapana nila
at walang mintis ang kanilang pagpana.
10Sasamsamin nila ang mga ari-arian ng Babilonia
at talagang magsasawa sila,”
sabi ng Panginoon .
11“Mga taga-Babilonia, sinamsam ninyo
ang pag-aari ng mga mamamayan ko.
Tuwang-tuwa kayo at masaya
na parang dumalagang baka
sa pastulan
o kabayong humahalinghing.
12Ngunit ilalagay ko sa kahihiyan ang inyong bansa.[#50:12 : Sa literal, ina.]
Magiging pinakaaba ito sa lahat ng bansa,
at magiging isa itong tuyot
at nakatiwangwang na disyerto.
13Dahil sa galit ng Panginoon ,
wala nang maninirahan sa Babilonia
at itoʼy magiging tiwangwang.
Masisindak at mangingilabot
ang lahat ng dadaan dito
dahil sa lahat ng nangyari sa bansang ito.
14“Kayong mga tagapana,
humanay na kayo sa inyong puwesto
sa palibot ng Babilonia.
Panain ninyo siya
sapagkat nagkasala siya sa Panginoon .
15Sumigaw kayo laban sa kanya
sa lahat ng dako!
Tingnan nʼyo! Sumuko na ang Babilonia!
Nawawasak na ang mga tore niya
at gumuho na ang mga pader niya.
Ang Panginoon ang naghiganti
sa kanya.
Kaya paghigantihan ninyo siya
at gawin ninyo sa kanya
ang ginawa niya sa iba.
16Paalisin ninyo sa Babilonia
ang mga nagtatanim
at nag-aani gamit ang karit.
Iligtas ninyo ang mga bihag
sa espada ng mga kaaway
at patakasin ninyo sila
at pauwiin sa sarili nilang lupain.
17“Ang mga Israelita ay parang
mga tupang nagkalat
na hinahabol ng mga leon.
Una, sinakmal sila
ng hari ng Asiria,
pagkatapos ang pinakahuling
ngumatngat ng mga buto nila
ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.”
18Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel:
“Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar
at ang Babilonia
katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria.
19Ngunit pababalikin ko
ang mga Israelita sa kanilang bansa.
Magiging parang mga tupa silang
nanginginain sa kabundukan ng Carmel
at sa kapatagan ng Bashan,
at sa kaburulan ng Efraim at Gilead,
at silaʼy mabubusog.
20Sa mga araw na iyon,”
sabi ng Panginoon
“wala nang makikitang mga kasalanan
at pagsuway
sa mga natitirang mga mamamayan
ng Israel at Juda
sapagkat patatawarin ko na sila.
21“Salakayin ninyo ang Merataim
at ang mga nakatira sa Pekod.
Patayin ninyo sila at lipulin nang lubusan
bilang handog para sa akin,” sabi ng Panginoon .
“Gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo.
22Iparinig nʼyo ang sigawan ng labanan at ingay ng puspusang pangwawasak.
23Ang Babilonia ay parang martilyong
dumurog ng mga bansa,
subalit ngayon siya na ang nadurog.
Nakita ng mga bansa
kung paano nawasak ang Babilonia!
24O Babilonia, nahuli ka
sa bitag na inilagay ko para sa iyo.
Nahuli ka dahil lumaban ka
sa Panginoon .
25Binuksan ko ang taguan ng aking mga armas
at inilabas ko ang aking mga sandata
dahil sa aking galit.
Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon ,
ay may gagawin sa iyo, O Babilonia.
26Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malalayong lugar,
salakayin na ninyo ang Babilonia!
Buksan ninyo ang kanyang mga bodega.
Ipunin ninyo ang inyong
mga nasamsam katulad ng trigo.
Lipulin ninyong lubos
ang mga taga-Babilonia
at huwag kayong magtitira kahit isa.
27Patayin ninyo ang lahat ng kanilang batang toro.
Lipulin ninyo silang lahat.
Kahabag-habag sila
sapagkat dumating na ang panahon
na dapat silang parusahan.
28Pakinggan ninyo ang mga taong
nakatakas sa Babilonia
habang isinasalaysay nila sa Jerusalem
kung paano naghiganti ang Panginoon
na ating Diyos
dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia
sa ating Templo.
29“Ipatawag ninyo ang mga tagapana upang sumalakay sa Babilonia!
Palibutan ninyo upang walang makatakas.
Paghigantihan ninyo siya sa kanyang ginawa;
gawin ninyo sa kanya
kung ano ang ginawa niya sa iba
sapagkat kinalaban niya ang Panginoon ,
ang Banal na Diyos ng Israel.
30Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan
ang mga kabataan niyang lalaki
pati ang lahat ng kanyang kawal,”
sabi ng Panginoon .
31“Ako, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo,
ay nagsasabing kalaban kita,
Babiloniang mapagmataas!
Dumating na ang araw
na ikaw ay aking parurusahan.
32Ikaw na palalo ay mawawasak
at walang tutulong sa iyo
para ibangon ka.
Susunugin ko ang iyong mga bayan
at ang lahat ng nasa paligid nito.”
33Sinabi pa ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo:
“Inaalipusta ang mga mamamayan ng Israel
at ganoon din ang mga taga-Juda.
Binihag sila at binantayang mabuti
upang hindi sila makauwi sa bayan nila.
34Ngunit ako ang kanilang Manunubos,
Panginoong Diyos ng mga Hukbo,
ang aking pangalan.
Ipagtatanggol ko sila at bibigyan ng kapayapaan,
ngunit guguluhin ko ang
mga mamamayan ng Babilonia.
35“Ang espada ng kapahamakan
ay tatama sa mga taga-Babilonia,” sabi ng Panginoon
“laban sa mga nakatira sa Babilonia,
pati sa mga pinuno
at matatalinong tao nito.
36Tatama rin ito sa kanyang
mga bulaang propeta
at silaʼy magiging mga mangmang.
Tatama rin ang espada sa kanyang mga sundalo
at silaʼy maduduwag.
37Tatama ang espada sa kanyang mga kabayo, karwahe,
at sa lahat ng kumakampi sa kanya.
At silaʼy manghihina gaya ng mga babae!
Tatama rin ito sa kanyang mga kayamanan
at itong lahat ay sasamsamin.
38Matutuyo ang lahat
ng pinagkukunan niya ng tubig!
Sapagkat ang Babilonia
ay lugar na punong-puno ng napakaraming diyos-diyosan,
mga diyos-diyosang nagliligaw sa mga tao.
39“At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat,
mababangis na hayop,
mga asong-gubat, at mga kuwago.
At hindi na maninirahan ang tao
sa Babilonia magpakailanman.
40Kung paanong winasak
ng Diyos ang Sodoma at Gomora,
at ang mga bayan sa palibot nito,
ganoon din ang mangyayari sa Babilonia.
Wala nang taong maninirahan doon,”
sabi ng Panginoon .
41“Tingnan ninyo! May mga sundalong
dumarating mula sa hilaga.
Isang makapangyarihang bansa at ang mga hari
mula sa malayong lupain na lalaban sa Babilonia.
42Ang dala nilang mga sandata
ay mga pana at mga sibat.
Malulupit sila at walang habag.
Ang ingay nilaʼy parang malalakas na alon
habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo.
Darating sila na handang-handa
para salakayin kayong mga taga-Babilonia.
43Nabalitaan ito ng hari ng Babilonia
at siyaʼy nanlupaypay.
Nakaramdam siya ng takot at sakit
katulad ng babaeng manganganak na.
44Bigla kong sasalakayin ang Babilonia
katulad ng leon na galing
sa kagubatan malapit sa Ilog Jordan,
sasalakay patungo sa pastulan
ng maraming tupa.
Magsisitakas sila,
at pipili ako ng taong mamamahala
sa Babilonia.
Sino ang maitutulad sa akin?
Sino ang mangangahas na kalabanin ako?
Sino ang pinunong makakalaban sa akin?
45“Kaya pakinggan mo ang balak gawin ng Panginoon
laban sa Babilonia.
Kahit ang kanilang mga anak
ay bibihagin
at ang kanilang mga bahay ay gigibain.
46Sa pagbagsak ng Babilonia, yayanig ang lupa
at maririnig sa ibang bansa ang iyakan nila.”