Jeremias 51

Dagdag na Parusa sa Babilonia

1Ito pa ang sinabi ng Panginoon :

“Udyukan ko ang mangwawasak na sumalakay

laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito.

2Magpapadala ako ng mga dayuhan

para salakayin at wasakin ang Babilonia

na tulad ng ipang tinatangay ng hangin.

Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako

sa araw ng kapahamakan nito.

3Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila.

Wala silang ititirang kabataang lalaki.

Lubusan nilang lilipulin

ang mga hukbo ng Babilonia.

4Hahandusay ang mga bangkay

sa lupain ng Babilonia,

ang mga nilaslas ay naroon sa mga daan.

5Sapagkat ang Panginoong Diyos

ng mga Hukbo

ay hindi itinakwil ang Israel at Juda

Siya pa rin ang kanilang Diyos

kahit labis ang kasalanan ng kanilang lupain

laban sa Nag-iisang Banal ng Israel.

6“Tumakas kayo mula sa Babilonia!

Iligtas ninyo ang inyong buhay!

Hindi kayo dapat mamatay

dahil sa kasalanan ng Babilonia.

Panahon na ng paghihiganti ng Panginoon

nang nararapat ayon sa mga ginawa niya.

7Ang Babilonia ay tulad ng tasang ginto

sa kamay ng Panginoon

na puno ng alak.

Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig,

at silaʼy nalasing at naging baliw.

8Biglang mawawasak ang Babilonia!

Ipagluksa ninyo siya!

Gamutin ninyo ang kanyang mga sugat

at baka sakaling gumaling siya.”

9“Sinabi ng mga dayuhang naninirahan doon,

‘Sinikap naming gamutin ang Babilonia

pero hindi na ito magagamot pa.

Pabayaan na lang natin siya

at umuwi na tayo sa mga lugar natin.

Sapagkat hanggang langit na

ang kanyang mga kasalanan

kaya parurusahan na siya

ng Panginoon .’

10“Sinabi ng aking mga mamamayan

na bihag doon,

‘Ipinaghiganti tayo ng Panginoon .

Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem

at sabihin natin doon ang ginawa

ng Panginoon na ating Diyos.’ ”

11“Patalasin ninyo ang inyong mga pana

at ihanda ang inyong mga pananggalang.

Inudyukan ng Panginoon ang mga hari ng Media

na wasakin ang Babilonia

dahil ito ang layunin niya.

Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia

dahil sa paggiba nito sa kanyang Templo.

12Itaas ninyo ang watawat

na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia.

Dagdagan ninyo ang mga guwardiya;

ipuwesto ang mga bantay.

Palibutan ninyo ang lungsod!

Panahon na upang gawin ng Panginoon

ang kanyang plano laban

sa mga taga-Babilonia.”

13O Babilonia, sagana ka sa tubig

at sagana ka rin sa kayamanan.

Ngunit dumating na ang katapusan mo,

ang araw ng iyong kapahamakan.

14Sumumpa ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo sa kanyang sarili,

“Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang,

at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”

Ang Pagpupuri sa Panginoon

15Nilikha niya ang mundo

sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,

at sa kanyang karunungan

ay inilatag niya ang kalawakan.

16Sa kanyang utos ay lumalabas

ang mga ulap

at mga kidlat sa kalawakan,

at bumubuhos ang malakas na ulan.

Pinapalabas niya ang hangin

mula sa pinanggagalingan nito.

17Mga mangmang at walang pang-unawa

ang bawat taong sumasamba sa mga diyos-diyosan.

Mapapahiya lang ang mga platerong

gumawa ng mga diyos-diyosan nila,

dahil hindi naman totoong diyos ang mga ito.

Wala silang buhay,

18wala silang kabuluhan at dapat kamuhian.

Darating ang araw na wawasakin

ang lahat ng ito.

19Ngunit ang Diyos ni Jacob ay hindi katulad ng mga iyon.[#51:19 : Sa literal, bahagi ni Jacob.]

Siya ang lumikha ng lahat ng bagay

pati na ang Israel, ang lahi na kanyang hinirang,

Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan.

Ang Martilyo ng Panginoon

20Sinabi ng Panginoon , “Ikaw ang panghampas ko,[#51:20 : Maaaring si Ciro, ang ginamit ng upang magtagumpay sa Babilonia.]

ang sandata ko sa digmaan.

Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa

at sisirain ang mga kaharian,

21dudurugin ko ang mga kabayo, karwahe

at ang mga nakasakay dito.

22Sa pamamagitan mo, lilipulin ko

ang mga lalaki at babae,

ang mga matatanda at bata,

at ang mga binata at dalaga.

23Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo

ang mga kawan at mga pastol,

ang mga magbubukid at mga baka,

ang mga pinuno at iba pang

mga namamahala.

24“Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem,” sinabi ng Panginoon .

25“Kalaban kita, O Babilonia,

ikaw na tinaguriang

Bundok na Mapangwasak!

Winasak mo ang buong mundo,” sabi ng Panginoon .

“Gagamitin ko ang kapangyarihan ko

upang wasakin at sunugin ka.

26Walang anumang batong makukuha sa iyo

para gamitin sa pagtatayo ng bahay.

Magiging malungkot ang iyong kahihinatnan

sa habang panahon,”

sabi ng Panginoon .

27“Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay!

Patunugin ang trumpeta sa mga bansa!

Ihanda sila para salakayin ang Babilonia.

Utusang sumalakay ang mga sundalo

ng Ararat, Mini at Asquenaz.

Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia.

Magpadala kayo ng mga kabayong

kasindami ng mga balang.

28Paghandain mo ang mga hari ng Media,

pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila,

at ang lahat ng bansang

nasasakupan nila

para salakayin ang Babilonia.

29Nayayanig ang lupa at namimilipit,

sapagkat isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano

laban sa Babilonia,

na gawing tiwangwang ang dakong ito,

at wala nang maninirahan dito.

30Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban

at mananatili na lang sila sa kanilang tanggulan.

Mauubos ang kanilang lakas

at manghihina sila na parang

mga babae.

Masusunog ang mga bahay nila

at masisira ang tarangkahan

ng kanilang mga pintuan.

31Sunod-sunod na darating

ang mga tagapagbalita

para sabihin sa hari ng Babilonia

na ang buong lungsod ay nasakop na.

32Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog.

Sinunog ang mga kampo

at nasisindak ang mga sundalo.”

33Ito ang sinabi Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel:

“Ang Babilonia ay tulad ng trigo

na malapit nang anihin at giikin.”

34Sinabi ng mga taga-Jerusalem,

“Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia

ay parang dragong lumamon sa amin.

Binusog niya ang kanyang tiyan

ng aming mga kayamanan.

Wala siyang itinira sa aming lungsod

na parang banga na walang laman.

Itinaboy niya kami at hindi namin alam

kung ano ang aming gagawin.

35Gawin din sana sa Babilonia

ang ginawa niya sa amin

at sa mga anak namin.

Pagbayaran sana ng mga mamamayan

ng Babilonia

ang mga pagpatay nila,”

sabi ng mga taga-Jerusalem.

36Kaya sinabi ng Panginoon :

“Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo

at maghihiganti ako para sa inyo.

Patutuyuin ko ang dagat

at ang mga bukal sa Babilonia.

37Wawasakin ko ang bansang Babilonia!

Magiging katawa-tawa

at kasumpa-sumpa ang bansang ito,

at wala nang maninirahan dito

maliban sa mga asong-gubat.

38Ang mga taga-Babilonia

ay aatungal na parang leon.

Sila ay uungol katulad

ng mga batang leon.

39At dahil silaʼy gutom,

ipaghahanda ko sila ng piging.

Lalasingin ko sila, pasasayahin

at patutulugin nang mahimbing

habang panahon,

at hindi na magigising,” sabi ng Panginoon .

40“Dadalhin ko sila upang katayin

na parang mga tupa at mga kambing.

41“Papaanong bumagsak ang Babilonia?[#51:41 : Sa Hebreo, Sheshac.]

Ang bansang hinahangaan ng buong mundo!

Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya!

42Matatabunan ng malalakas na alon

ang Babilonia.

43Magiging malungkot ang kanyang mga bayan

na parang disyerto na walang taong nakatira

o dumadaan man lang.

44Parurusahan ko si Bel na diyos-diyosan ng Babilonia.

Ipapasuka ko sa kanya ang kanyang mga nilamon.

Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin.

Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.

45“Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia!

Iligtas ninyo ang inyong buhay

bago ibuhos ng Panginoon

ang kanyang galit.

46Ngunit huwag kayong matatakot o manlulupaypay

kung dumating na ang balita

tungkol sa digmaan.

Sapagkat ang balita

tungkol sa digmaan ng mga hari

ay darating sa bawat taon.

47Darating ang panahon na parurusahan ko

ang mga diyos-diyosan ng Babilonia.

Mapapahiya ang buong Babilonia,

at bubulagta sa daan

ang lahat ng mga bangkay ng kanyang mamamayan.

48At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan

ang langit at ang lupa,

at ang lahat ng nandito

dahil sa pagkawasak ng Babilonia.

Sapagkat sasalakayin ito

ng mga mangwawasak mula sa hilaga,”

sabi ng Panginoon .

49“Kinakailangang wasakin ang Babilonia

dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita

at sa iba pang mga tao sa buong mundo.

50Kayong mga natitirang buháy mula sa digmaan,

tumakas na kayo mula sa Babilonia

at huwag kayong tumigil!

Alalahanin ninyo ang Panginoon

at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar.

51“Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami.

Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan

dahil ang Templo ng Panginoon

ay dinungisan ng mga dayuhan.’

52“Ngunit darating ang araw

na parurusahan ko

ang mga diyos-diyosan ng Babilonia.

At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia

ay maririnig sa kanilang buong lupain,”

sabi ng Panginoon .

53“Kahit na umabot pa sa langit

ang mga pader ng Babilonia

at kahit tibayan pa nila ito nang husto,

magpapadala pa rin ako

ng wawasak dito,” sabi ng Panginoon .

54“Maririnig ang mga iyakan sa buong Babilonia

dahil sa pagkawasak nito.

55Wawasakin ng Panginoon ang Babilonia

at matatahimik ang malakas na boses nito.

Sasalakay sa kanya ang mga kaaway

na parang umuugong na alon.

Maririnig ang kanilang sigawan

sa kanilang pagsalakay.

56Darating ang mga wawasak ng Babilonia

at bibihagin ang kanyang mga kawal,

at mababali ang kanilang mga pana.

Sapagkat ako, ang Panginoon ,

ang Diyos na nagpaparusa sa masasama.

At parurusahan ko ang Babilonia

ayon sa nararapat sa kanya.

57Lalasingin ko ang kanyang

mga tagapamahala, mga marurunong,

mga pinuno, mga punong sundalo

at ang kanyang buong hukbo.

Mahihimbing sila at hindi na

magigising habang panahon,”

sabi ng Hari na ang pangalan

ay Panginoong Diyos ng mga Hukbo.

58Sinabi pa ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo:

“Gigibain ang makakapal na pader ng Babilonia

at susunugin ang matataas niyang pintuan.

Magiging walang kabuluhan

ang lahat ng pinaghirapan ng kanyang mga mamamayan

dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”

59Ito ang sinabi ng propetang si Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedequias. Si Seraya ay anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedequias. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedequias sa Juda.

60Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia.

61Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya: “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito.

62Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon , sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito upang walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging tiwangwang magpakailanman.’

63Pagkabasa mo sa kasulatan, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog Eufrates.

64At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ”

Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.