Jeremias 6

Ang Huling Babala para sa Jerusalem

1“Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago!

Umalis kayo sa Jerusalem!

Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa

at hudyatan nʼyo ang Bet-hakerem,

sapagkat darating na ang kapahamakan

mula sa hilaga.

2Wawasakin ko ang magandang

lungsod ng Jerusalem.

3Papalibutan ito ng mga pinuno

at ng kanilang mga sundalo.

Magtatayo sila ng kanilang mga tolda

sa paligid nito

at doon sila magkakampo.”

4“Humanda kayo!

Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila.

Ngunit pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno,

‘Kahabag-habag tayo,

lumulubog na ang araw at medyo dumidilim na.’

5Ngayong gabi na lang tayo sasalakay

at wawasakin natin ang mga matitibay

na bahagi ng lungsod na ito.”

6Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo,

“Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak

sa mga pader ng Jerusalem,

at magtambak kayo ng lupa

sa gilid ng pader at doon kayo dumaan.

Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito

dahil laganap na rito ang mga pang-aapi.

7Katulad ng bukal na patuloy

ang pag-agos ng tubig,

patuloy ang paggawa nito ng kasamaan.

Palaging nababalitaan sa lungsod na ito

ang mga karahasan at panggigiba.

Palagi kong nakikita

ang mga karamdaman at sugat nito.

8Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo

at kung ayaw pa ninyong makinig,

lalayo ako sa inyo,

at magiging tiwangwang ang lupain nʼyo

at wala nang maninirahan dito.”

9Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo:

“Ang mga matitirang buhay sa Israel

ay ipapaubos ko sa mga kaaway,

katulad ng huling pamimitas

ng mga natitirang ubas.

Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga

at kukunin ang mga natitirang bunga.”

10Ngunit Panginoon , sino po

ang bibigyan ko ng babala?

Sino po kaya ang makikinig sa akin?

Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga

upang hindi sila makarinig.

Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon ,

kaya ayaw nilang makinig.

11Nararamdaman ko rin ang galit

ng Panginoon sa kanila

at hindi ko ito mapigilan.

Sinabi ng Panginoon,

“Ibuhos mo ito sa mga batang

naglalaro sa lansangan,

sa mga kabataang lalaki na nagkakatipon,

sa mga mag-asawa at pati na sa matatanda.

12Ibibigay sa iba ang mga bahay nila,

pati ang mga bukid at mga asawa nila.

Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na

ang mga nakatira sa lupaing ito,”

sabi ng Panginoon .

13“Mula sa pinakahamak

hanggang sa pinakadakila,

pare-pareho silang sakim sa pera.

Kahit ang mga propeta at mga pari

ay mga mandaraya rin.

14Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito.

Sinasabi rin nilang payapa ang lahat,

kahit hindi naman.

15Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam?

Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan!

Ni hindi nga namumula

ang kanilang mukha sa kahihiyan.

Kaya mapapahamak sila katulad ng iba.

Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila,”

sabi ng Panginoon .

16Ito pa ang sinabi ng Panginoon :

“Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti.

Magtanong kayo kung alin ang dati

at mabuting daan, at doon kayo dumaan.

At makakamtan ninyo ang kapayapaan.

Ngunit sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’

17Naglagay ako ng mga tagapagbantay

at sinabi nila sa inyo,

‘Pakinggan ninyo ang tunog

ng trumpeta bilang babala.’

Ngunit sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’

18Kaya kayong mga bansa, makinig kayo.

Masdan ninyong mabuti

kung ano ang mangyayari sa kanila.

19Buong mundo, makinig kayo!

Magpapadala ako ng kapahamakan

sa mga taong ito

upang parusahan sila

sa kanilang masasamang balak.

Sapagkat ayaw nilang pakinggan

ang mga salita ko

at itinakwil nila ang mga kautusan ko.

20Walang halaga sa akin

ang inihahandog nilang insenso

kahit na galing pa ito sa Sheba,

o ang mga pabangong mula pa

sa malayong lugar.

Hindi katanggap-tanggap

ang kanilang mga handog na sinusunog.

Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin.”

21Kaya ito ang sinabi ng Panginoon :

“Ako ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito.

At dahil dito, babagsak ang mga ama

at mga batang lalaki,

pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”

22Ito pa ang sinasabi ng Panginoon ,

“Tingnan ninyo, may mga sundalong

dumarating galing sa lupain sa hilaga,

isang makapangyarihang bansa

na galing sa malayong lupain

na handang sumalakay.

23Ang dala nilang sandata ay mga pana at mga sibat.

Malulupit sila at walang habag.

Ang ingay nila ay parang malalakas na alon

habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo.

Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Zion.”

24Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila

at kami ay nanlupaypay.

Takot at hirap ang naramdaman namin

katulad ng paghihirap

ng babaeng manganganak na.

25Huwag na kayong lalabas

upang pumunta sa mga bukid

o lumakad sa mga daan,

sapagkat may mga kaaway kahit saan

na handang pumatay.

Nakakatakot sa ating paligid.

26Mga kababayan, magsuot kayo ng sakong damit

at gumulong kayo sa abo

upang ipakita ang inyong pagluluksa.

Umiyak kayo na parang namatay

ang kaisa-isa ninyong anak.

Sapagkat ang mangwawasak

ay sasalakay nang biglaan.

27“Ginawa kitang ng tagasuri ng mga metal,

at ang aking mamamayan ang bato

upang masuri mo ang pag-uugali

ng aking mga mamamayan.

28Silang lahat ay rebelde

at matitigas ang ulo,

kasintigas ng tanso at bakal.

Nanlalait at nanloloko sila ng kanilang kapwa.

29Ang mga pugon ay patuloy na pinapainit

upang sunugin ang tinggang

nakahalo sa pilak.

Subalit ang pagdalisay ay walang kabuluhan

dahil ang masama ay hindi

natatanggal nang lubusan.

30Tatawagin silang, ‘Itinakwil na Pilak’

dahil itinakwil sila ng Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.