Jeremias 8

1At sinabi pa ng Panginoon , “Sa mga panahong iyon, kukunin sa mga libingan ang mga buto ng mga hari, ng mga pinuno ng Juda, pati na ng mga pari, mga propeta, at mga mamamayan ng Jerusalem.

2Pagkatapos, ikakalat ito sa lupain na nakabilad sa init ng araw, sa liwanag ng buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Hindi na muling titipunin ang mga buto nila ni ililibing, kundi ikakalat sa lupa na parang dumi.

3Ang natitirang buháy sa masamang bansang ito ay ikakalat ko sa ibang mga bansa, at doon ay gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sa mabuhay, sabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.”

Ang Kasalanan at ang Kaparusahan

4Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko ito sa mga tao:

“Kapag nadapa ang tao,

hindi baʼt muli siyang bumabangon?

Kapag naligaw siya,

hindi baʼt muli siyang bumabalik?

5Ngunit kayong mga taga-Jerusalem,

bakit patuloy kayong lumalayo sa akin?

Bakit kayo kumakapit sa kahibangang

dala ng inyong mga diyos-diyosan

at ayaw ninyong magbalik-loob sa akin?

6Pinakinggan kong mabuti ang inyong mga sinabi

pero hindi tama ang mga ito.

Walang sinuman sa inyo ang nagsisi sa inyong kasamaan.

Wala man lang nagsabing,

‘Ano ba itong ginawa ko?’

Sa halip, ang bawat isa sa inyo ay naging mabilis

sa paggawa ng kasalanan na parang kabayong

papunta sa digmaan.

7Nalalaman ng tagak, ng kalapati

at ng langay-langayan

kung kailan sila lilipad patungo sa ibang lugar

at kung kailan sila babalik,

pero kayong mga hinirang ko

ay hindi alam ang mga tuntunin Panginoon .

8“Paano ninyo nasasabing marunong kayo,

dahil ba alam ninyo

ang mga kautusan ng Panginoon ?

Ang totoo, binago iyon

ng kasulatan ng inyong mga guro.

9Mapapahiya ang mga nagsasabing

sila ay marurunong.

Matatakot sila dahil bibihagin sila.

Itinakwil nila ang salita ng Panginoon .

Gagawin ba nila ito

kung talagang silaʼy marunong?

10Kaya ibibigay ko sa iba

ang mga asawa at mga bukirin nila.

Sapagkat maging mga dakila man o mga dukha

ay pare-parehong naging sakim sa pera,

pati na ang mga propeta at mga pari.

11Hindi nila siniseryoso ang paggamot sa sugat

ng mga mamamayan ko,

kahit malubha na ito.

Sinasabi nilang mabuti ang lahat

kahit na hindi ito mabuti.

12Ikinakahiya ba nila ang mga ugali nilang kasuklam-suklam?

Hindi! Sapagkat wala na silang kahihiyan!

Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan.

Kaya ako, ang Panginoon ,

ay nagsasabing mapapahamak sila

katulad ng iba.

Ibabagsak sila pagdating ng araw

na parurusahan sila.

13“Lubos ko silang lilipulin,”

sabi ng Panginoon .

“Sisirain ko ang mga bunga ng kanilang mga ubas at igos;

pati ang mga dahon nitoʼy malalanta.

Ang mga ibinigay ko sa kanila ay mawawala.”

14Pagkatapos, sasabihin nila,

Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo,

tumakas na tayo papunta

sa mga napapaderang lungsod

at doon na tayo mamatay.

Sapagkat hinatulan na tayong mamatay

ng Panginoon na ating Diyos.

Parang binigyan niya tayo ng tubig

na may lason para inumin,

dahil nagkasala tayo sa kanya.

15Naghintay tayo ng kapayapaan,

pero walang dumating na kapayapaan.

Naghintay tayo ng kabutihan,

pero takot ang dumating.

16Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway

ay naririnig mula sa Dan.

Sa halinghing pa lang ng kanilang mga kabayo,

nanginginig na ang buong lupain.

Dumating sila upang wasakin ang lupaing ito

at ang lahat ng naririto;

ang mga lungsod at ang lahat

ng mamamayan nito.

17“Makinig kayo! Magpapadala ako

ng mga kaaway

na parang mga makamandag na ahas

na hindi napapaamo ng kahit sino,

at tutuklawin nila kayo at kayoʼy mamamatay,”

sabi ng Panginoon .

18Pagkatapos, sinabi ni Jeremias:

Hindi mapapawi ang aking kalungkutan.

Ang aking pusoʼy nagdaramdam.

19Pakinggan nʼyo ang iyakan

ng aking mga kababayan

na naririnig sa buong lupain.

Sinabi nila, “Wala na ba

ang Panginoon sa Jerusalem?

Wala na ba roon ang Diyos

na Hari ng Jerusalem?”

Sumagot ang Panginoon .

“Bakit ninyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba

sa mga diyos-diyosang walang kabuluhan?”

20Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan,

tapos na rin ang tag-araw,

pero hindi pa kami naililigtas!”

21Akoʼy nagdaramdam

dahil sa hirap na nararanasan ng aking mga kababayan.

Nagluluksa ako at natitigilan.

22Wala na bang gamot sa Gilead?

Wala na bang manggagamot doon?

Bakit hindi gumagaling ang sugat

ng aking mga kababayan?

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.