Jeremias 9

1“Kung balon sana ng tubig ang aking ulo,

at ang aking mga mata ay bukal ng luha,

iiyak ako araw at gabi

para sa mga kababayan kong pinaslang.

2Kung mayroon lang sana akong matitirhan sa ilang

upang makalayo ako

sa aking mga kababayan,

sapagkat silang lahat

ay nagtaksil na katulad ng

mga babaeng nangangalunya.”

3“Lagi silang handang magsinungaling

na parang pana na handa nang itudla.

Kasinungalingan ang namamayani sa lupaing ito

at hindi ang katotohanan.

Malala na ang paggawa nila ng kasalanan

at hindi nila ako kinikilala,”

wika ng Panginoon .

4“Mag-ingat kayo sa kapwa ninyo

at huwag kayong magtiwala sa mga kamag-anak nʼyo,

sapagkat ang bawat isa ay mandaraya

at naninira ng kapwa.

5Dinadaya ng bawat isa ang kapwa niya

at wala ni isa ang nagsasalita ng katotohanan.

Sanay na sa pagsisinungaling

ang kanilang mga dila

at pinapagod nila ang sarili nila

sa paggawa ng kasalanan.

6Puro na lang pandaraya ang kanilang ginagawa,

at dahil sa pandaraya ay ayaw na nila akong kilalanin,” sabi ng Panginoon .

7Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo:

“Dadalisayin ko sila na parang metal

at susubukin ko sila.

Ano pa ang maaari kong gawin sa kanila?

8Ang kanilang mga dila

ay parang panang nakamamatay.

Puro na lang pandaraya

ang kanilang sinasabi.

Nakikipag-usap sila nang mabuti sa kapwa nila

ngunit sa puso nilaʼy masama ang binabalak nila.

9Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan?

Hindi ba dapat na paghigantihan ko

ang bansang katulad nito?”

wika ng Panginoon .

10Sinabi ni Jeremias:

Iiyak ako nang malakas para sa mga kabundukan

at mananaghoy ako

para sa mga pastulan.

Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan.

Hindi na marinig ang ungal ng mga baka,

at nag-alisan na ang mga ibon

at mga hayop.

11Dahil sinabi ng Panginoon ,

“Wawasakin ko ang Jerusalem,

at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat.

Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda

upang wala nang manirahan doon.”

12Nagtanong ako sa Panginoon , “Sino pong marunong na tao ang makakaunawa sa mga pangyayaring ito? Kanino nʼyo po ipinaliwanag ang tungkol dito upang maipaliwanag ito sa mga tao? Bakit po nawasak ang lupaing ito at naging parang ilang na hindi na dinadaanan?”

13Sumagot ang Panginoon , “Nangyari ito dahil hindi nila sinunod ang mga utos na ibinigay ko sa kanila. Hindi sila sumunod sa akin o sa mga utos ko.

14Sa halip, sinunod nila ang kapasyahan ng matigas nilang mga puso. Sumamba sila kay Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng mga ninuno nila.”

15Kaya sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, “Pakakainin ko ang mga taong ito ng mapait na pagkain at paiinumin ng tubig na may lason.

16Ikakalat ko sila sa mga bansang hindi nila kilala maging ng mga ninuno nila. Magpapadala ako ng hukbong sasalakay sa kanila upang lubusan silang malipol.”

17Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo:

“Isipin nʼyo kung ano ang mga nangyayari!

Tawagin nʼyo ang mga babaeng tagaiyak,

lalo na ang mga sanay sa pag-iyak.

18Pagmadaliin silang pumunta

upang iyakan ang mga mamamayan ko

hanggang sa dumaloy ang kanilang luha.

19Pakinggan ang mga pag-iyak

sa Jerusalem: ‘Nawasak tayo!

Nakakahiya ang nangyaring ito sa atin!

Kailangang iwan na natin ang ating lupain

dahil nawasak na ang ating mga tahanan!’ ”

20Ngayon, kayong mga babae, pakinggan ninyo

ang sinasabi ng Panginoon .

Pakinggan ninyong mabuti

ang kanyang mga salita.

Turuan ninyo

ang inyong mga anak na babae

at ang inyong kapwa na umiyak at managhoy.

21Dumating ang kamatayan

sa ating mga sambahayan

at sa matitibay na bahagi ng ating lungsod.

Pinatay ang mga batang naglalaro

sa mga lansangan

at ang mga kabataang lalaki

na nagkakatipon sa mga plasa.

22At sinabi ng Panginoon ,

“Kakalat ang mga bangkay

na parang mga dumi sa kabukiran,

at parang mga butil na naiwan

ng mga nag-aani,

at wala nang kukuha sa mga ito.”

23Ito ang sinasabi ng Panginoon :

“Hindi dapat ipagmalaki

ng marunong ang karunungan niya,

o ng malakas ang kalakasan niya,

o ng mayaman ang kayamanan niya.

24Kung gusto ng sinuman na magmalaki,

dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya ako

at nauunawaan niyang ako

ang Panginoong mapagmahal na gumagawa

ng tama at matuwid dito sa mundo,

dahil iyon ang kinalulugdan ko.

Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi nito.

25“Darating ang araw,” sabi ng Panginoon , “na parurusahan ko ang lahat ng tinuli, na ang kanilang pamumuhay ay hindi nabago,

26ang mga taga-Ehipto, Juda, Edom, Amon, Moab, at ang lahat ng nakatira sa malalayong ilang. Sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli at pati ang mga mamamayan ng Israel ay matitigas ang puso.”[#9:26 : Sa literal, silang mga nagpagupit ng kanilang patilya.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.