Juan 15

Ang Puno ng Ubas at ang mga Sanga

1Sinabi pa niya, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga.

2Pinuputol niya ang aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga.

3Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo.

4Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Sapagkat hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

5“Ako ang puno ng ubas, at kayo ang aking mga sanga. Ang taong nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin.

6Ang hindi nananatili sa akin ay tulad ng mga sangang itinatapon at natutuyo, at pagkatapos ay tinitipon at inihahagis sa apoy para sunugin.

7Kung mananatili kayo sa akin at ang mga salita koʼy mananatili sa inyo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin ninyo.

8Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga alagad ko kayo.

9“Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayundin namang iniibig ko kayo. Manatili kayo sa aking pag-ibig.

10At kayoʼy mananatili sa aking pag-ibig, kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, katulad ko na nananatili sa pag-ibig ng aking Ama sapagkat sinusunod ko ang mga utos niya.

11Sinabi ko sa inyo ang bagay na ito upang magalak din kayong katulad ko at maging lubos ang inyong kagalakan.

12Ito ang aking utos: Magmahalan kayo katulad ng pagmamahal ko sa inyo.

13Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.

14Mga kaibigan ko kayo kung sinusunod nʼyo ang aking mga utos.

15Hindi ko na kayo itinuturing na alipin, dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang amo. Sa halip, itinuturing ko na kayong mga kaibigan, dahil sinasabi ko sa inyo ang lahat ng sinabi ng Ama sa akin.

16Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, upang humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.

17Ito nga ang utos ko sa inyo: Magmahalan kayo.

Galit ang Mundo sa mga Alagad ni Hesus

18“Kung napopoot sa inyo ang mundo, alalahanin ninyo na ako ang una nilang kinapootan.

19Kung kabilang kayo sa mundo, mamahalin nila kayo bilang kasama nila. Ngunit hindi kayo kabilang sa mundo, kundi pinili ko kayo mula sa kanila. Dahil dito, napopoot sila sa inyo.

20Tandaan nʼyo ang sinabi ko sa inyo na walang aliping higit sa kanyang amo. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. At kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang inyong salita.[#15:20 : Juan 13:16]

21Uusigin nila kayo dahil sumasampalataya kayo sa akin at dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.

22Kung hindi ako naparito sa mundo at nangaral sa kanila, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan sa mga kasalanan nila.

23Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.

24Kung hindi ako gumawa sa harap nila ng mga himalang kailanmaʼy hindi nagawa ninuman, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit kahit nakita na nila ang mga himalang ginawa ko, napopoot pa rin sila sa akin at sa aking Ama.

25Sa ginawa nilang ito, natupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napopoot sila sa akin nang walang dahilan.’[#15:25 Salmo 35:19; 69:4.]

26“Ipapadala ko sa inyo ang Patnubay mula sa Ama. Siya ang Espiritu ng katotohan na magpapatotoo kung sino talaga ako.

27Kayo rin ay dapat na magpatotoo tungkol sa akin, dahil kasama ko na kayo mula pa noong una.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.