Juan 4

Nakipag-usap si Hesus sa Isang Babaeng Samaritano

1Nalaman ni Hesus na nabalitaan na ng mga Pariseo na mas marami na siyang nahihikayat at nababautismuhan na mga alagad kaysa kay Juan,

2kahit na hindi naman mismong si Hesus ang nagbabautismo kundi ang mga alagad niya.

3Kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea.

4Ngunit kinailangan muna niyang dumaan sa Samaria.

5Dumating sila sa isang bayan na tinatawag na Sicar, malapit sa bukiring ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose.

6Matatagpuan doon ang balon na hinukay ni Jacob. Tanghaling-tapat na noon at dahil pagod na si Hesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon.

7-8Tumuloy naman ang mga alagad niya sa bayan para bumili ng pagkain. Dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Puwede bang makiinom?”

9Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Hudyo at ako namaʼy Samaritana. Bakit po kayo humihingi ng maiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikihalubilo ang mga Hudyo sa mga taga-Samaria.)

10Sinabi ni Hesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino ang humihingi ng maiinom saʼyo, baka ikaw pa ang manghingi sa kanya at bibigyan ka ng tubig na nagbibigay-buhay.”

11Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay?

12Nakahihigit po ba kayo sa aming ninunong si Jacob na nagbigay sa amin ng balong ito? Uminom siya dito pati ang mga anak niya, gayundin ang kanyang mga alagang hayop.”

13Sumagot si Hesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw,

14ngunit ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.”

15Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumunta rito para umigib.”

16Sinabi sa kanya ni Hesus, “Umuwi ka, tawagin mo ang iyong asawa at isama mo rito.”

17“Wala po akong asawa,” sagot ng babae.

Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tama ang sinabi mo na wala kang asawa,

18dahil lima na ang naging asawa mo, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Nagsasabi ka nga ng totoo.”

19Sumagot ang babae, “Sa tingin ko, isa po kayong propeta.

20Ang aming mga ninuno ay sumamba sa Diyos sa bundok na ito, ngunit kayong mga Hudyo ay nagsasabi na sa Jerusalem lang dapat sumamba ang mga tao.”

21Sinabi ni Hesus sa kanya, “Maniwala ka sa akin; darating ang panahon na hindi na kayo sasamba sa Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22Kayong mga Samaritano ay hindi nakakakilala sa sinasamba ninyo. Ngunit kaming mga Hudyo, kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa amin.

23Tandaan mo, darating ang oras, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa Espiritu at katotohanan. Ganyan ang mga taong hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya.

24Ang Diyos ay Espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat pinapangunahan ng Espiritu at naaayon sa katotohanan.”

25Sinabi ng babae, “Alam ko pong darating ang Mesias (na tinatawag ding Kristo). At pagdating niya, ipapaliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.”

26Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ako iyon, ako na kausap mo ngayon.”

Bumalik kay Hesus ang mga Alagad

27Nang sandaling iyon, dumating ang mga alagad ni Hesus. Nagtaka sila nang madatnan nilang nakikipag-usap siya sa isang babae. Ngunit wala ni isa man sa kanila ang nagtanong, “Ano ang kailangan nʼyo sa kanya?” o “Bakit kayo nakikipag-usap sa kanya?”

28Iniwan naman ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon,

29“Halikayo! Ipapakita ko sa inyo ang taong alam na alam ang lahat ng ginawa ko! Siya na nga kaya ang Mesias?”

30Kaya lumabas ang mga tao at pumunta sa kinaroroonan ni Hesus.

31Samantala, pinapakiusapan ng mga alagad si Hesus at sinabi, “Guro, kumain na po kayo.”

32Ngunit sumagot si Hesus, “May pagkain akong hindi ninyo alam.”

33Kaya nagtanungan ang mga alagad niya, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang pagkain ko ay ang pagsunod sa kalooban ng nagsugo sa akin at ang pagtupad sa kanyang ipinapagawa.

35Hindi baʼt may kasabihan kayo, ‘Apat na buwan pa bago ang anihan.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, anihan na! Tingnan ninyo ang mga taong dumarating; tulad sila ng mga trigo sa bukid na hinog na at maaari nang anihin!

36Ang mga tagapag-ani ay binabayaran na, at ang mga inaani nila ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. Kaya parehong matutuwa ang nagtanim at ang nag-ani.

37Totoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’

38Sinugo ko kayo para anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang nagpakahirap, at kayo ang umani ng kanilang pinaghirapan.”

Maraming mga Taga-Samaria ang Sumampalataya

39Maraming Samaritano sa bayang iyon ang sumampalataya kay Hesus dahil nagpatotoo ang babae at sinabi, “Sinabi niya saʼkin ang lahat ng ginawa ko.”

40Kaya pagdating ng mga Samaritano kay Hesus, hiniling nila na manatili muna siya roon sa kanila. At nanatili nga siya roon ng dalawang araw.

41Dahil sa pangangaral niya, marami pa sa kanila ang sumampalataya.

42Sinabi nila sa babae, “Sumasampalataya kami ngayon hindi lang dahil sa sinabi mo. Ngayoʼy narinig namin mismo sa kanya at alam naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Pinagaling ni Hesus ang Anak ng Isang Opisyal

43Pagkatapos ng dalawang araw na pamamalagi roon ni Hesus, umalis siya at nagtungo sa Galilea.

44(Si Hesus mismo ang nagsabi na ang isang propeta ay hindi iginagalang sa sarili niyang bayan.)

45Pagdating niya sa Galilea, malugod siyang tinanggap ng mga tao, dahil naroon sila sa Jerusalem noong Pista ng Paglampas ng Anghel at nakita nila ang lahat ng ginawa niya roon.

46At dooʼy bumisita siyang muli sa Cana na sakop ng Galilea, sa bayan kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa kalapit na bayang Capernaum ay may isang opisyal ng pamahalaan na mayroong anak na lalaking may sakit.

47Nang mabalitaan niyang bumalik si Hesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya si Hesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa Capernaum at pagalingin ang anak nitong nag-aagaw-buhay.

48Sinabi ni Hesus sa kanya, “Hanggaʼt hindi kayo nakakakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi kayo maniniwala sa akin.”

49Sumagot ang opisyal, “Panginoon, sumáma na po kayo sa akin bago mamatay ang anak ko.”

50Sinabi ni Hesus sa kanya, “Puwede ka nang umuwi. Mabubuhay ang iyong anak.”

Naniwala ang opisyal sa sinabi ni Hesus at umuwi siya.

51Sa daan pa lang ay sinalubong na siya ng mga alipin niya at sinabi sa kanya na magaling na ang kanyang anak.

52Kaya tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila, “Ala-una ng hapon po kahapon nang biglang mawala ang lagnat niya.”

53Naalala ng opisyal na sa oras ding iyon ay sinabi sa kanya ni Hesus, “Mabubuhay ang iyong anak.” Kaya siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Hesus.

54Ito ang ikalawang himala at tanda na ginawa ni Hesus sa Galilea pagkagaling niya sa Judea.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.