The chat will start when you send the first message.
1Pagkaraan nitoʼy pumunta si Hesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Hudyo.
2Malapit sa isang pintuan ng Jerusalem na tinatawag na Pintuan ng Tupa ay may paliguan na ang tawag sa wikang Arameo ay Betsata. Sa paligid nito ay may limang silungan,[#5:2 : Sa ibang tekstong Griyego, Betsaida.]
3kung saan nakahiga ang maraming maysakit; mga bulag, pilay, at mga paralitiko. [
4Naroon sila dahil paminsan-minsan, may isang anghel ng Diyos na bumababa at kinakalawkaw ang tubig. Ang unang makalusong sa tubig pagkatapos makalawkaw ay gumagaling, kahit ano pa ang kanyang sakit.][#5:4 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.]
5May isang lalaki roon na tatlumpuʼt walong taon nang may sakit.
6Nakita siya ni Hesus na nakahiga roon at napagtanto niyang matagal na itong may sakit. Kaya tinanong siya ni Hesus, “Gusto mo bang gumaling?”
7Sumagot ang may sakit, “Gusto ko po sana, ngunit walang tumutulong sa aking lumusong sa tubig kapag kinakalawkaw na ito. Sa tuwing papunta pa lang ako ay nauunahan na ako ng iba.”
8Sinabi ni Hesus sa kanya, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at lumakad!”
9Agad na gumaling ang lalaki. Binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad.
Nangyari ito sa Araw ng Pamamahinga,
10kaya sinabi ng mga pinuno ng mga Hudyo sa taong pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon kayaʼt labag sa Kautusan ang pagbubuhat mo ng iyong higaan!”
11Ngunit sumagot siya, “Ang taong nagpagaling sa akin ang nag-utos na buhatin ko ito at lumakad.”
12Tinanong nila siya, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?”
13Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil nawala na si Hesus sa dami ng tao.
14Hindi nagtagal, nakita ni Hesus sa Templo ang taong pinagaling niya, at sinabihan, “O, magaling ka na ngayon. Huwag ka nang magkasala pa, at baka mas masama pa ang mangyari sa iyo.”
15Umalis ang lalaki at pumunta sa mga pinuno ng mga Hudyo. Sinabi niya sa kanila na si Hesus ang nagpagaling sa kanya.
16Kaya mula noon, sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Hudyo si Hesus, dahil nagpapagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.
17Ngunit sinabihan sila ni Hesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain, at ganoon din ako.”
18Dahil sa sinabing ito ni Hesus, lalo nilang sinikap na patayin siya. Sapagkat hindi lang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, kundi tinawag pa niyang Ama ang Diyos, at sa gayoʼy ipinapantay niya ang kanyang sarili sa Diyos.
19Kaya sinabi rin ni Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang Anak ay walang magagawa kung sa sarili lamang niya. Ginagawa niya ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak.
20Minamahal ng Ama ang kanyang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. Sa katunayan, higit pang mga dakilang gawa kaysa sa nakikita ninyo ngayon ang mga ipapakita niya sa Anak upang mamangha kayo.
21Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito.
22Sa katunayan, hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ang kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol,
23upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya.
24“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan.
25Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang oras, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang makikinig sa kanya ay mabubuhay.
26Kung paanong ang Ama ang siyang pinagmumulan ng buhay, ganoon din ang Anak. Sapagkat ibinigay sa kanya ng Ama ang ganoong kapangyarihan.
27Ibinigay rin niya sa Anak ang kapangyarihang humatol dahil siya ang Anak ng Tao.
28“Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang oras na maririnig ng lahat ng patay ang aking tinig,
29at babangon sila mula sa kanilang mga libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay muling babangon upang mabuhay nang walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay babangon para maparusahan.
30Wala akong magagawa kung sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi ng aking Ama. Kaya makatarungan ang hatol ko dahil hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
31“Ngayon, kung ako lang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, kaduda-duda ang sinasabi ko.
32Ngunit may isang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong totoo ang kanyang sinasabi.
33“Sa katunayan, maging si Juan na Tagapagbautismo ay nagpatotoo tungkol sa akin, at sinabi niya sa inyo ang katotohanan nang magsugo kayo ng ilang tao para tanungin siya.
34Binanggit ko ang tungkol kay Juan, hindi dahil sa kailangan ko ang patotoo ng tao, kundi upang sa pamamagitan ng kanyang mga salita ay sumampalataya kayo at maligtas.
35Si Juan ay tulad ng isang ilaw na nagliliwanag, at lubos kayong nasiyahan sa liwanag niya sa inyo kahit panandalian lamang.”
36“Tulad nga ng sinabi ko, may higit pa kay Juan na nagpapatotoo tungkol sa akin. Itoʼy walang iba kundi ang mga ipinapagawa sa akin ng Ama na ginagampanan ko. Ang mga gawaing ito ang nagpapatunay na ang Ama ang nagsugo sa akin.
37At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanman ay hindi nʼyo narinig ang tinig niya o nakita ang anyo niya.
38At hindi nananatili sa inyo ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa akin na kanyang sinugo.
39Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan sa pag-aakalang sa pamamagitan nitoʼy magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kasulatan mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin,
40ngunit ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon ng buhay.”
41“Kumpara sa inyo, hindi ko hinahangad ang papuri mula sa tao,
42ngunit alam kong iba kayo. Wala sa puso ninyo ang pagmamahal sa Diyos.
43Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at hindi ninyo ako tinanggap. Ngunit kung may dumarating sa sarili niyang pangalan ay tinatanggap naman ninyo siya.
44Paano kayo mananalig sa akin kung ang papuri lang ng kapwa ang hangad ninyo, at hindi ang papuri ng nag-iisang Diyos?
45“Huwag ninyong isipin na ako ang mag-aakusa sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises na inaasahan ninyong mamamagitan para sa inyo, siya mismo ang mag-aakusa sa inyo.
46Sapagkat kung totoong naniniwala kayo kay Moises, maniniwala rin kayo sa akin dahil si Moises mismo ay sumulat tungkol sa akin.
47Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”