Juan 8

2Kinabukasan, maaga pa lamang ay naroon na siya sa patyo ng Templo. At dooʼy maraming tao ang nagtipon sa palibot niya, kaya umupo siya at nangaral.

3Ngayon, may dumating na mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babae na nahuli sa pangangalunya. Pinatayo nila ang babae sa harap ng mga tao,

4at sinabi nila kay Hesus, “Guro, ang babaeng itoʼy nahuling nangangalunya.

5Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga babaeng tulad niyaʼy dapat batuhin hanggang sa mamatay. Anoʼng masasabi mo?”

6Itinanong nila ito upang hanapan ng maipaparatang laban sa kanya.

Ngunit yumuko lang si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri.

7Ngunit paulit-ulit silang nagtanong, kaya tumayo si Hesus at sinabi sa kanila, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya.”

8At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.

9Nang marinig nila iyon, isa-isa silang umalis mula sa pinakamatanda, hanggang si Hesus na lang at ang babae ang naiwan.

10Tumayo si Hesus at sinabi sa babae, “Nasaan na sila? May humatol ba saʼyo?”

11Sumagot ang babae, “Wala po.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Hindi rin kita hahatulan. Maaari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala.”][#8:11 Wala ang mga talatang Juan 7:53–8:11 sa mga naunang manuskrito, gayundin sa mga naunang salin nito.]

Si Hesus ang Ilaw ng Mundo

12Muling nagsalita si Hesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sinumang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, dahil nasa kanya na ang ilaw na gumagabay patungo sa buhay.”

13Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ʼyan katanggap-tanggap.”

14Sumagot si Hesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta.

15Humahatol kayo ayon sa pamantayan ng tao, ngunit ako ay hindi humahatol kaninuman.

16Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi kasama ko ang Amang nagsugo sa akin.

17Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi?

18Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.”

19Nagtanong ang mga Pariseo, “Nasaan ba ang iyong Ama?”

Sumagot si Hesus, “Hindi nʼyo ako kilala o ang aking Ama. Kung kilala sana nʼyo ako, makikilala nʼyo rin ang aking Ama.”

20Ang mga itoʼy sinabi ni Hesus habang nangangaral siya sa Templo, malapit sa lalagyan ng mga kaloob. Ngunit walang nagtangkang dumakip sa kanya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.

Si Hesus ay Hindi Taga-mundo

21Muling sinabi ni Hesus sa mga tao, “Aalis ako at hahanapin nʼyo ako, ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo sa inyong kasalanan.”

22Kaya nag-usap-usap ang mga tao, “Magpapakamatay kaya siya kaya sinabi niyang kaya sinabi niyang hindi tayo makakapunta sa pupuntahan niya?”

23Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kayoʼy mula rito sa ibaba, at ako namaʼy mula sa itaas. Tagarito kayo sa mundo, ngunit akoʼy hindi.

24Kaya sinasabi kong mamamatay kayo sa inyong kasalanan; sapagkat malibang maniwala kayo na Ako ang sinasabi kong Ako, tiyak na mamamatay kayo sa inyong kasalanan.”[#8:24 Tingnan sa Exo. 3:14.]

25“Bakit, sino ka ba talaga?” tanong nila.

Sumagot si Hesus, “Tulad ng sinabi ko na sa inyo noong simula pa lamang.

26Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo, ngunit hindi ko gagawin iyon. Sapagkat ang ipinapahayag ko lamang ay ang mga narinig ko mula sa nagsugo sa akin. At mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya.”

27Hindi nila naintindihan na ang sinasabi ni Hesus ay tungkol sa Ama.

28Kaya sinabi ni Hesus, “Kapag itinaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyo na Ako ang sinasabi kong Ako. At malalaman din ninyo na ang lahat ng bagay na ginagawa at sinasabi ko ay ayon sa itinuro sa akin ng aking Ama.

29Palagi kong kasama ang nagsugo sa akin, at hindi niya ako pinababayaang mag-isa, sapagkat palagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugod-lugod sa kanya.”

30Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Hesus, marami sa kanila ang sumampalataya sa kanya.

Ang Katotohanang Nagpapalaya sa Tao

31Sinabi ni Hesus sa mga Hudyong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga alagad ko kayo.

32Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”

33Sumagot sila kay Hesus, “Nagmula kami sa lahi ni Abraham, at kailanmaʼy hindi kami naging alipin ng kahit sino. Bakit sinabi mong palalayain kami?”

34Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan.

35Ang alipin ay hindi kabilang sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay kabilang magpakailanman.

36Kaya kung ang Anak ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo.

37Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, ngunit tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko.

38Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ang ginagawa ninyo ay ang mga narinig ninyo sa inyong ama.”

39Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!”

Sumagot si Hesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya.

40Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo.

41Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.”

Sumagot sila kay Hesus, “Hindi kami mga anak sa labas. Ang Diyos ang aming Ama.”

42Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Diyos. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Diyos.

43Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko.

44Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang ama ng kasinungalingan.

45Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala.

46Sino sa inyo ang makapagpapatunay na nakagawa ako ng kasalanan? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan?

47Ang mga anak ng Diyos ay nakikinig sa salita ng Diyos. Ngunit hindi kayo nakikinig dahil hindi kayo mga anak ng Diyos.”

Si Hesus at si Abraham

48Sinabi ng mga pinuno ng mga Hudyo kay Hesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasapian ng demonyo.”

49Sumagot si Hesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Ngunit ako, pinararangalan ko ang aking Ama. Kayo ang hindi nagpaparangal sa kanya dahil hindi ninyo ako pinararangalan.

50Hindi ko hangad na akoʼy parangalan; ngunit may naghahangad na parangalan ako at siya ang karapat-dapat humatol.

51Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay kailanman.”

52Sinabi ng mga pinuno ng mga Hudyo, “Sigurado na kaming sinasapian ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi kailanman mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo.

53Nakahihigit ka ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?”

54Sumagot si Hesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Diyos ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin.

55Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita.

56Nagalak ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.”

57Sinabi ng mga pinuno ng mga Hudyo sa kanya, “Wala ka pang limampung taon, ngayon sinasabi mong nakita mo na si Abraham!”

58Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako’.”

59Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Ngunit nakapagtago si Hesus at umalis sa Templo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.