Job 1

Ang Matuwid na Pamumuhay ni Job

1May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Walang kapintasan ang kanyang pamumuhay at siya ay matuwid; may takot siya sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.

2Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.

3Mayroon siyang 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka at 500 asnong babae. Marami din siyang alipin. Siya ang pinakamayaman sa buong silangan ng Israel.

4Nakaugalian na ng mga anak niyang lalaki na halinhinang maghanda sa kani-kanilang mga bahay at inaanyayahan nilang dumalo ang tatlo nilang kapatid na babae.

5Tuwing matatapos ang handaan, naghahandog si Job para sa kanyang mga anak. Maaga siyang gumigising at nag-aalay ng handog na sinusunog para sa bawat anak niya, dahil naisip niyang baka nagkasala ang mga ito at sinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso. Ito ang palaging ginagawa ni Job.

Ang Unang Pagsubok kay Job

6Isang araw, nagtipon ang mga anghel sa harapan ng Panginoon , at sumali sa kanila si Satanas.[#1:6 : Sa literal, mga anak ng Diyos.]

7Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.”

8Sinabi sa kanya ng Panginoon , “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.”

9Sumagot si Satanas, “May takot ba si Job sa iyo kung wala siyang napapala?

10Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain.

11Ngunit subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.”

12Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, ngunit huwag mo siyang sasaktan.”

Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng Panginoon .

13Isang araw, habang kumakain at umiinom ng alak ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay,

14dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, “Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan,

15bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo!”

16Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, “Tinamaan po ng apoy ng Diyos ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo!”

17Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo!”

18Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid,

19bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo!”

20Nang marinig iyon ni Job, tumayo siya at pinunit ang kanyang damit. Pagkatapos, inahitan niya ang kanyang buhok sa ulo at nagpatirapa sa lupa upang sumamba sa Panginoon .

21Sinabi niya,

“Ipinanganak akong walang dala

at mamamatay din akong

walang dala.

Ang Panginoon ang nagbigay

ng lahat ng mayroon ako

at ang Panginoon din

ang kumuha ng mga ito.

Purihin ang pangalan ng Panginoon !”

22Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.