Job 11

Nagsalita si Zofar

1Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,

2“Hindi dapat palampasin

itong mga sinabi mo.

Hindi mapapatunayan ng isang tao

na wala siyang kasalanan

sa pamamagitan lang

ng kanyang mga salita.

3Sa tingin mo baʼy mapapatahimik kami

ng mga sinasabi mong walang saysay?

Akala mo baʼy hindi ka namin sasawayin

sa iyong panunuya?

4Sinasabi mong tama

ang iyong paniniwala

at matuwid ka sa paningin ng Diyos.

5Buksan sana ng Diyos ang kanyang bibig

at magsalita siya laban sa iyo,

6at ilahad sa iyo ang mga lihim

ng karunungan,

sapagkat ang totoong karunungan

ay may dalawang panig.

Alamin mo ito: Kinalimutan na ng Diyos

ang ilan sa iyong mga kasalanan.

7“Kaya mo bang unawain

ang lahat-lahat tungkol sa Diyos?

8-9Mas mataas pa ito kaysa sa langit

at mas malalim pa kaysa sa lugar

ng mga patay.

Mas malawak pa ito kaysa sa mundo

at mas maluwang pa kaysa sa dagat.

Maihahambing mo kaya

ang karunungan mo sa kanya?

10“Halimbawang dakpin ka ng Diyos,

iharap sa hukuman at ipakulong,

may makakapigil ba sa kanya?

11Alam niya kung sino

ang mga mandaraya

at hindi lingid sa kanya

ang kanilang kasamaan.

12Ang mangmang ay imposibleng maging marunong

gaya ng asnong-gubat

na imposibleng manganak ng tao.

13“Job, kung magsisisi ka

at lalapit sa Diyos,

14at tatalikuran ang iyong mga kasalanan,

at kung pati ang sambahayan mo

ay magsisisi sa kanilang kasalanan,

15tiyak na hindi ka na mapapahiya,

tatatag ang iyong pamumuhay

at wala ka nang katatakutan.

16Makakalimutan mo na rin

ang iyong paghihirap

na parang tubig na umagos lang at nawala.

17At ang buhay moʼy magiging

mas maliwanag pa kaysa

sa sikat ng araw

sa katanghaliang tapat.

At ang dati mong buhay na madilim

ay magiging maliwanag

katulad ng umaga.

18Mapapanatag ang buhay mo

dahil may bago kang pag-asa.

Iingatan ka ng Diyos at

makapagpapahinga ka

nang walang kinatatakutan.

19Matutulog ka nang walang takot,

at marami ang hihingi ng tulong sa iyo.

20Ngunit ang masasama

ay mabibigo at walang patutunguhan.

At ang tanging pag-asa nila

ay kamatayan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.