Job 13

1“Nakita koʼt napakinggan

ang lahat ng sinabi ninyo,

at itoʼy aking naunawaan.

2Ang alam ninyo ay alam ko rin.

Hindi kayo nakahihigit sa akin.

3Ngunit hindi na ako makikipagtalo sa inyo

tungkol sa kalagayan ko.

Sa aking Diyos na Makapangyarihan ko na lamang

ito idudulog.

4Sapagkat pinagsisikapan ninyong

gamutin ako ng kasinungalingan.

Lahat kayoʼy parang manggagamot

na walang silbi.

5Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo.

Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin.

6Pakiusap naman!

Pakinggan ninyo ang katuwiran ko.

7Ipagtatanggol nʼyo ba ang Diyos

sa pamamagitan ng pagsisinungaling?

8Kumakampi ba kayo sa kanya?

Ipagtatanggol ba ninyo siya

sa harap ng Diyos?

9Kung siyasatin kaya kayo ng Diyos,

may kabutihan kaya siyang

makikita sa inyo?

Huwag ninyong isipin

na madadaya ninyo siya

tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao.

10Tiyak na sasawayin kayo ng Diyos

kahit na kinakampihan ninyo siya.

11Hindi ba kayo natatakot

sa kapangyarihan niya?

12Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan

ay walang kabuluhan;

itoʼy parang abo.

Ang mga katuwiran nʼyo

ay marupok gaya ng palayok.

13“Tumahimik kayo habang nagsasalita ako,

at anuman ang mangyari sa akin,

bahala na.

14Nakahanda akong itaya ang lahat,

maging ang aking buhay.

15Kahit patayin pa ako ng Diyos.

Ano pa ba ang mawawala sa akin?

Ngunit ipagtatanggol ko pa rin

ang aking sarili sa kanya.

16Baka sakaling sa pamamagitan nito

ay maligtas ako,

dahil walang masamang tao

na makakalapit sa kanya.

17Makinig kayong mabuti

sa aking sasabihin;

at ang mga salita koʼy inyong dinggin.

18Ngayong handa na akong ipagtanggol

ang sarili ko;

alam kong mapapatunayang

wala akong kasalanan.

19Sino ang makakapagparatang

na nagkasala ako?

Kung mayroon nga,

mananahimik na lang ako

hanggang sa mamatay.

20“O Diyos, dalawang bagay lang

ang hinihiling ko sa inyo,

na kung ibibigay nʼyo sa akin

ay hindi na ako magtatago sa inyo:

21Tigilan nʼyo na ang pagpaparusa sa akin

at huwag nʼyo na akong takutin

ng mga nakakatakot na parusa ninyo.

22Kausapin nʼyo ako

at sasagot ako,

o kayaʼy ako ang magsasalita sa iyo

at sagutin nʼyo ako.

23Anu-ano po ba ang mga nagawa kong

pagkakamali at kasalanan?

Sabihin nʼyo po sa akin

ang aking pagkakamali

at mga kasalanan.

24Bakit nʼyo ako tinatalikuran

at itinuturing na kaaway?

25Bakit nʼyo ako tinatakot at hinahabol?

Para lang akong dahon o tuyong ipa

na tinatangay ng hangin.

26Inililista nʼyo ang mapapait

na paratang laban sa akin

at isinasama nʼyo pa ang lahat

ng kasalanan ko

noong bata pa ako.

27Para nʼyong ikinadena

ang aking mga paa.

Bawat hakbang koʼy

inyong binabantayan,

at pati bakas ng paa koʼy

inyong sinusundan.

28“Kaya para na akong

isang bagay na nabubulok

o isang damit na sinisira

ng gamo-gamo.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.