The chat will start when you send the first message.
1“Ang buhay ng tao ay maikli lamang
at puno ng kahirapan.
2Ang katulad nito ay isang bulaklak,
namumukadkad ngunit agad nalalanta.
Katulad din ito ng aninong biglang nawawala.
3Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan
nang ganito ang tao?
Gusto nʼyo pa ba siyang hatulan
sa inyong hukuman?
4Mayroon bang dalisay
na sa marumi magmumula?
Wala!
5Sa simula paʼy itinakda nʼyo na
kung gaano kahaba ang itatagal
ng buhay ng isang tao.
At hindi siya lalampas
sa itinakda nʼyong oras sa kanya.
6Kaya hayaan nʼyo na lamang siya
upang makapagpahinga naman siya
katulad ng isang manggagawa
pagkatapos magtrabaho.
7“Kapag pinutol ang isang puno,
may pag-asa pa itong mabuhay
at tumubong muli.
8Kahit na matanda na ang ugat nito
at patay na ang tuod,
9itoʼy uusbong kapag nadiligan,
at magkakasibol tulad ng bagong halaman.
10Ngunit kapag ang taoʼy namatay,
mawawala na ang lakas niya.
Pagkalagot ng hininga niya,
iyon na ang katapusan niya.
11Kung papaanong bumababa
ang tubig sa dagat
at natutuyo ang mga ilog,
12gayon din naman, ang taoʼy namamatay
at hindi na makakabangon pa
o magigising sa kanyang pagkakatulog
hanggang sa maglaho ang langit.
13“Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako
sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala
ang galit nʼyo sa akin,
at saka nʼyo ako alalahanin
sa inyong itinakdang panahon.
14Kung mamatay ang tao,
mabubuhay pa kaya ito?
Kung ganoon, titiisin ko
ang lahat ng paghihirap na ito
hanggang sa dumating ang oras
na matapos ito.
15At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon ,
sasagot ako,
at kasasabikan nʼyo ako
na inyong nilikha.
16Sa mga araw na iyon,
babantayan nʼyo pa rin
ang aking mga ginagawa,
ngunit hindi nʼyo na aalalahanin pa
ang aking mga kasalanan.
17Ang aking mga kasalanaʼy
ipinasok sa sisidlan
ang masasama kong gawaʼy
inyong tinakpan.
18“Ngunit kung papaanong
gumuguho ang mga bundok
at nahuhulog ang mga bato
mula sa kanilang kinalalagyan,
19at kung paanong nagiging manipis ang bato
sa patuloy na pag-agos ng tubig,
at gumuguho ang lupa
dahil sa malakas na ulan,
ganyan nʼyo rin sinisira
ang pag-asa ng tao.
20Nilulupig nʼyo siyang lagi
at namamatay siya,
at binabago nʼyo ang mukha niya
kapag patay na siya.
21Hindi na niya malalaman
kung ang mga anak niyaʼy nagtamo
ng karangalan o kahihiyan.
22Ang tanging madarama na lamang niya
ay ang sarili niyang paghihirap
at kalungkutan.”