Job 19

Sumagot si Job

1Muling sumagot si Job,

2“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan,

at sasaktan sa mga sinasabi ninyo?

3Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto.

Hindi na kayo nahiya

sa mga ginagawa ninyo

sa akin?

4Kung talagang nagkasala ako,

problema ko na iyon.

5Ang akala ninyoʼy mas magaling kayo

kaysa sa akin,

at ginagamit ninyo ang kahihiyan ko

bilang patunay na nagkasala ako.

6Dapat ninyong malaman,

ang Diyos ang humatol sa akin

nang hindi tama.

At nahuli ako ng kanyang lambat

na nakapalibot sa akin.

7“Tumawag ako

at humingi ng tulong

ngunit walang sumagot sa akin.

Humingi ako ng katarungan

ngunit walang nagbigay sa akin.

8Hinarangan ng Diyos

ang dinadaanan ko

upang hindi ako makadaan.

Tinakpan din niya ito ng kadiliman.

9Inalis niya ang aking karangalan

at sinira ang mabuti kong pangalan.

10Pinahirapan niya ako

saanman ako bumaling

na halos ikamatay ko na.

Inalis niya ang pag-asa ko

na parang punongkahoy na binunot.

11Labis ang galit niya sa akin

at itinuring niya akong kaaway.

12Pinadalhan niya ako ng mga sundalo

para salakayin at palibutan ang aking tolda.

13“Inilayo niya sa akin

ang aking mga kamag-anak;

at nilayuan na ako

ng aking mga kakilala.

14Wala na ang lahat ng taong malapít sa akin.

Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako.

15Hindi na ako kilala ng aking mga bisita

at mga babaeng alipin.

Itinuring na nila akong dayuhan.

16Kapag tinatawag ko ang aking alipin,

hindi na niya ako pinapansin,

kahit makiusap pa ako.

17Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko

at ang mga kapatid kong lalaki

ay nandidiri sa akin.

18Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit.

Kapag nakikita nila ako,

pinagtatawanan nila ako.

19Lahat ng matalik kong kaibigan

ay nasusuklam sa akin.

Pati mga mahal ko sa buhay

ay lumayo na rin.

20Butoʼt balat na lang ako

at halos mamamatay na.

21“Maawa kayo sa akin,

mga kaibigan ko,

dahil pinahihirapan ako ng Diyos.

22Bakit ninyo ako inuusig

tulad ng ginagawa ng Diyos sa akin?

Hindi pa ba sapat

ang pagpapahirap ninyo sa akin?

23“Mabuti sana kung isinulat sa aklat

ang mga sinabi ko,

24o di kayaʼy iniukit ito sa bato

upang hindi mabura magpakailanman.

25Alam kong buháy ang aking Tagapagligtas

at sa bandang huli

ay darating siya dito sa lupa.

26Pagkaalis ko sa katawang ito

at mabulok ang mga laman ko,

makikita ko na ang Diyos.

27Makikita ko siya nang harapan

at hindi na siya iba sa akin.

Labis na akong nananabik

na makita siya.

28“Kung sasabihin ninyo,

‘Patuloy natin siyang paratangan

dahil siya mismo ang ugat

ng mga kaguluhan.’

29Katakutan ninyo ang talim ng tabak,

sapagkat ito ay parusang nararapat

dulot ng kanyang matinding poot,

upang malaman ninyong may paghahatol.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.