The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,
2“Kailangang magsalita na ako
dahil hindi ako mapakali.
3Sinaway mo ako
nang may pangungutya
at may nag-uudyok sa isip kong
ikaw ay sagutin.
4“Tiyak na alam mo na mula pa
noong unang panahon,
simula nang likhain
ang tao sa mundo,
5ang ligaya ng masamang taoʼy
panandalian lang.
Totoong hindi nagtatagal
ang kasiyahan ng taong
hindi naniniwala sa Diyos.
6Kahit na kasintaas ng langit at ulap
ang tingin niya sa kanyang sarili,
7mawawala rin siya magpakailanman
katulad ng kanyang dumi.
Ang mga kakilala niyaʼy magtataka
kung nasaan na siya.
8Mawawala siya na parang
isang panaginip
o pangitain sa gabi
at hinding-hindi na matatagpuan.
9Hindi na siya makikita
ng mga nakakakilala sa kanya
at mawawala siya
sa dati niyang tirahan.
10Ang mga anak niya ang magbabayad
ng mga ninakaw niya sa mga dukha.
11Ang lakas ng kabataang kanyang taglay
sa alabok ay kasama niyang mahihimlay.
12“Ang paggawa niya ng masama
ay parang pagkaing matamis
sa kanyang bibig
13na nginunguyang mabuti
at ninanamnam.
14Ngunit pagdating sa tiyan,
ito ay nagiging maasim
at lalason sa kanya na parang
kamandag ng ahas.
15Isusuka niya ang kayamanang ninakaw niya.
Ipapasuka ito ng Diyos sa kanya
kahit itoʼy nasa tiyan na niya.
16Sisipsipin niya ang kamandag ng mga ahas
at ang pangil ng ahas
ang papatay sa kanya.
17Hindi na niya matitikman
ang saganang langis, gatas, at ang pulot
na dumadaloy na parang batis o ilog.
18Hindi siya gagantimpalaan
para sa kanyang pinaghirapan
o matutuwa man sa kanyang kayamanan.
19Sapagkat inapi niya
at pinabayaan ang mga dukha,
at inagaw ang mga bahay
na hindi sa kanya.
20“Hindi niya mapapakinabangan
ang kanyang pinaghirapan.
Lahat ng magugustuhan niya
ay hindi makakaligtas sa kanya.
21Wala nang matitira sa kanya
na makakain niya
dahil mawawala ang kanyang kayamanan.
22Sa kanyang kasaganaan,
darating sa kanya ang kahirapan.
Labis na paghihirap nga
ang darating sa kanya.
23Bubusugin siya ng Diyos
ng paghihirap.
Patitikimin siya ng Diyos
ng kanyang matinding galit,
at pauulanan ng parusa.
24Maaaring makatakas siya
sa sandatang bakal
ngunit tatamaan din siya
ng panang tanso.
25Tutusok ito sa kanyang apdo
at tatagos sa kanyang katawan.
At makakaramdam siya ng takot.
26Mawawala ang kanyang kayamanan
sa kadiliman.
Susunugin siya ng apoy
na hindi tao ang nagpaningas,
pati na ang lahat ng naiwan
sa kanyang tirahan.
27Ihahayag ng langit
ang mga kasalanan niya
at sasaksi naman ang lupa
laban sa kanya.
28Tatangayin ng baha ang bahay niya
sa araw na ibuhos ng Diyos
ang kanyang galit.
29Iyan ang kapalaran ng taong masama
ayon sa itinakda ng Diyos sa kanya.”