The chat will start when you send the first message.
1“Bakit hindi pa itakda
ng Diyos na Makapangyarihan
ang kanyang paghatol?
Bakit hindi makita
ng mga nakakakilala sa kanya
ang panahong iyon ng paghatol?
2Nangangamkam ng lupain
ang masasamang tao
sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon.
Nagnanakaw sila ng mga hayop at
isinasama sa sarili nilang kawan.
3Ninanakaw nila ang mga asno ng mga ulila,
at kinukuha nila ang baka ng biyuda
bilang sangla sa utang.
4Inaapi nila ang mga dukha
kaya napipilitang magtago ang mga ito.
5Naghahanap sila
ng kanilang pagkain sa ilang
na parang mga asnong-gubat,
dahil wala silang ibang lugar
na mapagkukunan ng pagkain
para sa kanilang mga anak.
6Namumulot sila ng mga tirang bunga
sa mga bukid,
pati na sa ubasan ng taong masama.
7Sa gabiʼy natutulog silang giniginaw
dahil wala silang damit
o kumot man lamang.
8Nababasa sila ng ulan sa mga kabundukan,
at sumisiksik na lang sa mga siwang ng bato
dahil walang masilungan.
9Kinukuha ang anak ng biyuda
at babaeng dukha
bilang garantiya sa pagkakautang nila.
10Lumalakad na walang saplot
ang mga dukha;
tagapasan sila ng mga inaning trigo,
ngunit nagugutom pa rin sila.
11Silaʼy pumipiga ng mga olibo
sa loob ng mga pader.
Tinatapakan nila ang mga ubas sa pisaan
subalit nauuhaw pa rin sila.
12Naririnig sa lungsod ang daing
ng mga nag-aagaw-buhay
at mga sugatang humihingi ng tulong,
ngunit hindi ginagantihan ng Diyos
ang mga gumawa nito sa kanila.
13“May mga taong kumakalaban sa liwanag.
Hindi sila lumalakad sa liwanag
at hindi nila ito nauunawaan.
14Ang mga mamamatay-tao
ay bumabangon ng maaga
at pinapatay ang mga dukha,
at sa gabi namaʼy nagnanakaw.
15Ang mangangalunyaʼy
naghihintay na dumilim
upang walang makakita sa kanya.
Tinatakpan niya
ang kanyang mukha
upang walang makakilala sa kanya.
16Sa gabi, pinapasok
ng mga magnanakaw
ang mga bahay.
Sa araw, nagtatago sila
dahil umiiwas sila sa liwanag.
17Itinuturing nilang liwanag ang dilim,
dahil gusto nila ang nakakatakot
na kadiliman.”
18“Subalit ang masasama
ay hindi magtatagal,
gaya ng bula sa tubig.
Kahit na ang lupa na kanilang pag-aari
ay isinumpa ng Diyos.
Kaya walang pumaparoon
kahit sa kanilang ubasan.
19Kung paanong ang yelo
ay natutunaw at nawawala
dahil sa init,
ang makasalanan ay mawawala rin
sa daigdig.
20Lilimutin na sila
at hindi na maaalala
kahit ng kanilang ina.
Lilipulin silang tulad ng pinutol
na punongkahoy
at kakainin sila ng mga uod.
21Sapagkat hindi maganda
ang pakikitungo nila
sa mga babaeng baog
at hindi sila nahahabag
sa mga biyuda.
22Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos,
ibabagsak niya
ang mga taong makapangyarihan.
Kahit na malakas sila,
walang katiyakan ang buhay nila.
23Maaaring hayaan sila ng Diyos
na mamuhay nang panatag,
ngunit binabantayan niya
ang lahat ng kilos nila.
24Maaari rin silang magtagumpay,
subalit sandali lang iyon
dahil hindi magtatagal
ay mawawala sila
na parang bulaklak na nalalanta
o parang uhay na ginapas.
25“Kung hindi tama ang sinabi ko,
sinong makapagpapatunay
na sinungaling ako?
Sinoʼng makapagsasabing mali ako?”