Job 33

1“Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti

ang sasabihin ko sa iyo.

2Handang-handa na akong magsalita,

at ang mga sasabihin koʼy

nasa dulo na ng aking dila.

3Ang sasabihin koʼy

mula sa tapat kong puso

at tuwiran kong sasabihin

ang aking nalalaman.

4Ang espiritu ng Diyos na Makapangyarihan

ang gumawa sa akin at nagbigay buhay.

5Sagutin mo ako,

kung kaya mo.

Ihanda mo ang iyong katuwiran

at harapin ako.

6Pareho lang tayo sa harapan ng Diyos.

Tulad mo rin akong nagmula sa lupa.

7Kaya huwag kang matakot sa akin

at huwag mong isipin na aapihin kita.

8“Ito ang mga narinig

kong sinabi mo:

9‘Wala akong kasalanan.

Malinis ako at walang ginawang masama.

10Ngunit naghahanap ang Diyos ng dahilan

upang akoʼy pahirapan.

Itinuturing niya

akong kaaway.

11Kinadenahan niya

ang aking mga paa

at binabantayan ang lahat ng aking kilos.’

12“Ngunit Job, mali ka

sa mga sinabi mo.

Hindi baʼt ang Diyos

ay higit kaysa sa tao?

13Bakit mo siya pinararatangan

na hindi niya sinasagot

ang daing ng tao?

14Ang totoo, palaging nagsasalita ang Diyos,[#33:14 : O iba-ibang pamamaraan.]

kaya lang hindi nakikinig ang mga tao.

15Sa panaginip o sa pangitain,

habang ang mga taoʼy natutulog

nang mahimbing,

habang silaʼy nagpapahinga

sa kanilang mga higaan,

16bumubulong siya sa kanilang mga tainga

upang magbigay ng babala,

at ito ang nakapagpatakot sa kanila.

17Ginagawa niya ito upang pigilan ang mga tao

sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas,

18at upang mailigtas sila sa libingan

at hindi mamatay sa talim ng tabak.

19“Kung minsan naman,

itinutuwid ng Diyos ang tao

sa pamamagitan ng sakit

tulad ng walang tigil na pananakit ng buto,

20kaya nandidiri siya sa pagkain,

at kahit ang pinakamasasarap na handa

ay kinasusuklaman niya.

21Kaya pumapayat siya,

at nagiging butoʼt balat na lamang.

22Malapit na siyang mamatay

at mapunta sa lugar ng mga patay.

23Ngunit kung may anghel sa tabi niya,

isang tagapamagitan, isa sa isang libo

upang sabihin sa tao

kung paano maging matuwid,

24kahahabagan siya ng Diyos.[#33:24 : O anghel.]

At sasabihin niya

‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan.

Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’

25Muli siyang magiging malusog.

Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan.

26At kapag nanalangin siya sa Diyos,

sasagutin siya ng Diyos

at masayang tatanggapin,

ibabalik ng Diyos

ang matuwid niyang pamumuhay.

27Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao,

‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama,

ngunit hindi ko natanggap

ang parusang nararapat sa akin.

28Iniligtas niya ako sa kamatayan

at patuloy akong nabubuhay.’

29“Oo, ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito

nang paulit-ulit para sa tao.

30Inililigtas niya ang tao sa kamatayan

upang mabuhay ito.

31“Job, pakinggan mo akong mabuti.

Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita.

32Kung may gusto kang sabihin,

sabihin mo, sapagkat nais kong malaman

kung wala ka talagang kasalanan.

33Ngunit kung wala ka namang sasabihin,

tumahimik ka na lang

at makinig sa aking karunungan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.