Job 37

1“Dahil ditoʼy kumakabog ang dibdib ko

at tumatalon-talon ang puso ko.

2Pakinggan ninyo ang dagundong

ng tinig ng Diyos,

ang ugong na nagmumula

sa kanyang bibig.

3Pinapakawalan niya ang kidlat

sa buong kalawakan,

at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo.

4Pagkatapos ay maririnig

ang dagundong ng kanyang tinig

na parang isang kulog.

Hindi niya ito pinipigilan.

5Kagila-gilalas ang dumadagundong

na tinig ng Diyos.

Gumagawa siya

ng mga kahanga-hangang bagay,

mga bagay na hindi natin kayang unawain.

6Inuutusan niya ang yelo

na pumatak sa lupa,

ganoon din ang ulan

na bumuhos nang malakas,

7upang ang taoʼy makapagpahinga

sa kanilang mga ginagawa

at makapagbulay-bulay

sa mga ginawa ng Diyos.

8Nagtatago ang mga hayop

sa kanilang mga taguan

at nananatili roon kapag may bagyo.

9Dumadating ang bagyo

at ang hanging malamig

mula sa kanilang taguan.

10Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos

nabubuo ang yelo,

at nagiging yelo ang malalawak

na bahagi ng tubig.

11Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap

at pinakikidlat ito.

12Sa kanyang utos,

nagpapaikot-ikot ang mga ulap

sa ibabaw ng mundo.

At ang kanyang nais

ay kanilang ginagawa.

13Ginagamit niya ang mga ito

upang ituwid ang tao,

o ipadama ang kanyang pag-ibig.

14“Job, pakinggan mo ito,

at pagbulay-bulayan

ang mga kahanga-hangang bagay

na ginagawa ng Diyos.

15Alam mo ba kung paano

inuutusan ng Diyos ang ulap,

at kung paano siya

nagpapakidlat mula rito?

16Alam mo ba kung paano lumulutang

ang mga ulap?

Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Diyos

na ang dunong ay walang hangganan.

17Ikaʼy pagpapawisan

dahil sa mainit na hangin mula sa timog,

18matutulungan mo ba ang Diyos

na ilatag ang kalawakan

at patigasin na parang tansong salamin?

19“Kaya sabihin mo sa amin

kung ano ang dapat naming sabihin sa Diyos.

Hindi namin alam kung paano

kami mangangatwiran

dahil kulang ang aming kaalaman.

20Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Diyos,

dahil baka akoʼy kanyang ipahamak.

21Walang sinumang makakatitig sa araw

na nagliliwanag sa himpapawid,

pagkatapos mahawi ng hangin

ang mga ulap.

22Mula sa hilaga, darating ang Diyos

na nagniningning na parang ginto

at ang kanyang liwanag

ay kagila-gilalas.

23Hindi natin lubos na maunawaan

ang Diyos na Makapangyarihan na napakadakila.

Lubos siyang makatarungan,

matuwid at hindi nang-aapi,

24kaya iginagalang siya ng mga tao.

Hindi niya pinapansin

ang mga taong nagsasabing

sila ay marunong.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.