Job 41

1“Mabibingwit mo kaya ang Leviatan?[#41:1 : Isang uri ng halimaw sa karagatan.]

Matatalian mo kaya ang nguso niya ng lubid?

2Matatalian mo ba ng lubid

ang ilong niya

o mailalagay mo kaya ang kawit

sa kanyang panga?

3Makikiusap kaya itong lagi sa iyo

na siyaʼy iyong pakawalan,

o di kayaʼy humiling

na iyong kahabagan?

4Makikipagkasundo kaya siya sa iyo

na magpaalipin habambuhay?

5Kaya mo ba siyang gawing alagang ibon,

o di kayaʼy itali

para sa iyong mga anak na babae?

6May negosyante kayang bibili sa kanya

at hihiwa-hiwain siya upang ipagbili?

7Kaya mo bang punuin ng matutulis

na sibat ang kanyang balat,

o ʼdi kayaʼy bingwitin ang kanyang ulo

ng pamingwit ng isda?

8Kapag hinawakan mo siya,

maaalala mo kung gaano ito

kahirap hulihin

at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit.

9Walang saysay ang mga pagsisikap

na hulihin siya,

dahil makita mo pa lang siyaʼy

maduduwag ka na.

10Kung sa kanya ngaʼy

walang mangangahas gumambala,

sino pa kayang mangangahas

na lumaban sa akin?

11Sino ang makapagsasabing

may utang na loob ako sa kanya?

Ang lahat dito sa mundo ay akin.

12“Sasabihin ko pa sa iyo

ang tungkol sa katawan ng Leviatan

at kung gaano siya kalakas

at kamakapangyarihan.

13Sinong makakatuklap ng kanyang balat

o makakatusok nito?

14Sino ang makakapagpabuka

ng kanyang bunganga?

Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot.

15Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis

na parang kalasag na nakasalansan.

16Masinsin ang pagkakadikit-dikit ng mga ito

na kahit hangin ay hindi makakalusot.

17Mahigpit ang pagkakadugtong nila sa isaʼt isa,

Magkakadikit ang mga ito at hindi matutuklap.

18Kapag bumabahing siya,

may lumalabas na parang kidlat

at ang kanyang mga mata

ay mapula na parang bukang-liwayway.

19Apoy ang dumadaloy

mula sa kanyang bibig

at sumisiklab ang apoy na lumalabas

20at umuusok ang ilong

na parang nagmumula sa kumukulong palayok

na may nagliliyab na panggatong.

21Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling

dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bibig.

22Nasa leeg ang kanyang lakas,

at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan.

23Kahit ang kanyang mga laman

ay siksik at matitigas.

24Ang puso niyaʼy kasintigas ng bato,

marahas at walang takot.

25Kapag siyaʼy tumayo,

takot na takot pati

ang mga makapangyarihang tao;

binabalot sila ng kilabot.

26Walang espada, sibat, pana,

o palasong makakapanakit sa kanya.

27Ang turing niya sa bakal ay dayami,

at sa tanso ay bulok na kahoy.

28Hindi niya iniilagan

ang mga pana.

Ang mga batong

tumatama sa kanyaʼy

nagiging parang mga ipa lang.

29Ang mga kahoy na ipinapalo

ay parang mga dayami lang sa kanya.

At pinagtatawanan lang niya

ang mga humahagibis na sibat

na inihahagis sa kanya.

30Ang kanyang tiyan

ay may matatalim na kaliskis,

na parang mga basag na bote.

Kaya kapag gumagapang siya sa putik,

nag-iiwan siya ng mga bakas sa giikan.

31Kinakalawkaw niya ang dagat

hanggang bumula na

parang kumukulong tubig sa palayok

o kumukulong langis sa kaldero.

32Ang tubig na kanyang dinadaanan

ay bumubula,

parang puting buhok kung tingnan.

33Wala siyang katulad dito sa mundo.

Isa siyang nilalang

na walang kinatatakutan.

34Minamaliit niya ang lahat

ng mayayabang na hayop.

Siya ang hari ng lahat

ng mababangis na hayop sa gubat.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.