1Hipan ninyo ang trumpeta;
bigyang babala ang mga tao sa Zion,
ang banal na bundok ng Panginoon .
Lahat kayong nakatira sa Juda,
manginig kayo sa takot,
dahil malapit na ang araw
ng paghatol ng Panginoon .
2Magiging maulap at madilim ang araw na iyon.
Kakalat ang napakaraming balang
sa mga kabundukan na parang sinag ng araw
kapag nagbubukang-liwayway.
Wala pang nangyaring kagaya nito noon,
at hindi na mangyayari
ang katulad nito kahit kailan.
3Sunod-sunod na sumalakay
ang mga balang na parang apoy.
Bago sila dumating
ang lupain ay parang halamanan ng Eden.
Ngunit nang masalakay na nila,
para na itong disyerto.
Wala silang halamang itinira.
4Parang kabayo ang kanilang anyo,
at kasimbilis sila ng mga kabayong pandigma.
5Ang ingay ng kanilang paglukso
sa ibabaw ng mga bundok
ay parang mga karwaheng tumatakbo
at parang ingay ng nasusunog na dayami.
Tulad sila ng makapangyarihang hukbo
na handang makipagdigma.
6Ang mga taong makakakita sa kanila
ay mamumutla sa takot.
7Sumasalakay sila
at umaakyat sa mga pader
na parang mga sundalo.
Diretso ang kanilang paglakad
at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan.
8Hindi sila nagtutulakan,
at kahit makasalubong nila
ang mga sandata ng kaaway,
hindi sila naghihiwa-hiwalay.
9Sinasalakay nila ang lungsod
at inaakyat ang mga pader nito.
Inaakyat nila ang mga bahay
at pumapasok sa mga bintana
na parang magnanakaw.
10Nayayanig ang lupa
at ang langit sa kanilang pagdating.
At nagdidilim ang araw at ang buwan,
at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.
11Dumadagundong ang sigaw
ng Panginoon
habang pinamumunuan
ang kanyang hukbo;
lubhang napakarami
ng kanyang mga sundalo,
at makapangyarihan ang
mga sumusunod sa kanyang utos.
Dakila ang araw ng paghatol
ng Panginoon ;
itoʼy sadyang kakila-kilabot.
Sino ang makakatiis nito?
12Sinabi ng Panginoon ,
“Gayunman, magbalik-loob kayo sa akin
nang buong puso,
may pag-aayuno,
pananangis at pagdadalamhati.”
13Magsisi kayo nang buong puso
at hindi pakitang-tao lamang
tulad ng pagpunit ninyo
ng inyong mga damit.
Magbalik-loob kayo sa Panginoon
na inyong Diyos,
sapagkat siyaʼy mahabagin
at mapagmalasakit,
hindi madaling magalit
at wagas ang pag-ibig.
Naghuhunos-dili siya
at hindi itinutuloy ang kanyang parusa.
14Baka sakaling magbago ang isip
ng Panginoon na inyong Diyos
at pagpalain kayo ng masaganang ani,
upang makapaghandog kayo sa kanya
ng mga butil at inumin.
15Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion
at ipaalam sa mga tao
na magtipon sila at mag-ayuno.
16Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis
at magtipon kayong lahat,
bata at matanda,
pati mga sanggol
at maging ang mga bagong kasal.
17Hayaan ang mga pari na naglilingkod
sa harapan ng Panginoon
na umiyak sa pagitan ng altar
at balkonahe ng templo.
Manalangin sila ng ganito:
“Panginoon , mahabag po kayo
sa inyong bayan.
Huwag ninyong payagan na silaʼy hiyain
at sakupin ng ibang bansa na nagsasabi,
‘Nasaan ang kanilang Diyos?’ ”
18Nagmamalasakit ang Panginoon
sa kanyang bayan
at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan.
19Sumagot ang Panginoon sa kanila,
“Bibigyan ko kayo ng mga butil,
bagong alak, at langis,
at mabubusog kayo.
Hindi ko papayagang hiyain kayo
ng ibang bansa.
20“Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo
mula sa hilaga at itataboy ko sila
sa disyerto.
Itataboy ko ang unang pulutong nila
sa Dagat na Patay
at ang huling pulutong ay itataboy ko
sa Dagat ng Mediteraneo.
At aalingasaw
ang kanilang mga bangkay.”
Tunay na kamangha-mangha
ang ginawa ng Panginoon .
21Hindi dapat matakot
ang lupain ng Juda,
sa halip dapat itong magalak
dahil sa kamangha-manghang ginawa
ng Panginoon .
22Huwag matakot ang mga hayop,
dahil luntian na ang mga pastulan
at namumunga na ang mga punongkahoy,
pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.
23Magalak kayong mga taga-Zion,
sa ginawa sa inyo ng Panginoon
na inyong Diyos.
Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan
at nasundan pa ito gaya ng dati
upang ipakita na matuwid siya.
24Mapupuno ng butil ang mga giikan,
at aapaw ang bagong alak
at langis sa mga pisaan nito.
25Sapagkat sinasabi ng Panginoon ,
“Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
noong mga panahong sinalakay
ang inyong mga pananim
ng sunod-sunod na pulutong
ng mga balang na iyon.
Ako ang nagpadala sa inyo
ng napakalaking pulutong ng mga balang.
26Magkakaroon na kayo ngayon
ng saganang pagkain
at lubusang mabubusog.
At dahil dito, pupurihin ninyo ako,
ang Panginoon na inyong Diyos,
na gumawa ng mga kamangha-manghang
bagay na iyon.
At kayong aking mga mamamayan
ay hindi na mapapahiya kailanman.
27Malalaman ninyong akoʼy sumasainyo
na mga taga-Israel,
at ako lamang ang Panginoon
na inyong Diyos
at wala nang iba pa.
Kayong aking mga mamamayan
ay hindi na mapapahiya kailanman.
28“At pagkatapos, ibibigay ko
ang aking Espiritu sa lahat ng tao.
Ang inyong mga anak na lalaki at babae
ay magpapahayag ng mga propesiya.
Ang inyong matatandang lalaki
ay mananaginip,
at ang inyong mga binata
ay makakakita ng mga pangitain.
29Sa mga araw na iyon,
ibibigay ko rin ang aking Espiritu
sa mga utusang lalaki at babae.
30Magpapakita ako ng mga himala
sa langit at sa lupa:
May makikitang dugo, apoy,
at makapal na usok.
31Magdidilim ang araw
at magkukulay-dugo ang buwan.
Mangyayari ito bago dumating
ang kamangha-manghang araw
ng paghuhukom ng Panginoon .
32Ang sinumang hihingi
ng tulong sa Panginoon
ay maliligtas sa parusang darating.
Sapagkat ayon sa sinabi ng Panginoon ,
may matitirang mga Israelita
sa Bundok ng Zion, ang Jerusalem.
Sila ang mga pinili ng Panginoon
na maliligtas.