Judas 1

Ang Kapahamakang Dulot ng mga Huwad na Guro

3Mga minamahal, nais ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang natanggap natin, ngunit naisip kong mas kailangan ko ngayong sumulat tungkol sa mga bagay na magpapalakas ng inyong loob upang panindigan ang pananampalatayang ipinagkatiwala nang minsanan sa mga hinirang ng Diyos.

4Sapagkat hindi ninyo namalayang may mga taong sumapi sa inyong grupo na hindi kumikilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang mga aral tungkol sa biyaya ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kahalayan nila. Noon pa man ay nakatakda na silang parusahan dahil ayaw nilang kilalanin ang Panginoong Hesu-Kristo na ating Pinuno at Panginoon.

5Bagamaʼt alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa lupain ng Ehipto, sa bandang huli ay pinuksa pa rin niya ang mga hindi nanalig sa kanya.[#1:5 Sa ibang mga naunang manuskrito, Hesus.]

6Ipinapaalala ko rin ang tungkol sa mga anghel na hindi nakuntento sa saklaw ng kanilang kapangyarihan at sa halip ay iniwan ang kanilang katayuan. Ikinulong sila ng Diyos sa napakadilim na lugar at ginapos ng mga kadenang hindi kailanman malalagot hanggang sa dakilang araw ng paghuhukom.

7Gayundin ang nangyari sa Sodoma at Gomora at sa mga karatig-bayan na nalulong sa lahat ng uri ng kalaswaan, pati na sa di-likas na pagnanasang seksuwal. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat.

8Ganyan din iyong mga taong sumapi sa grupo ninyo. May mga pangitain silang nag-uudyok sa kanila na mamuhay nang imoral. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa maykapangyarihan, at hinahamak nila ang mga makalangit na nilalang.

9Kahit si Miguel na pinuno ng mga anghel, noong nakipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas na humatol nang may panlalapastangan. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka nawa ng Panginoon!”

10Ngunit ang mga taong itoʼy lumalapastangan sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. Tulad ng mga hayop na hindi nag-iisip, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na hilig ng kanilang katawan na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan.

11Kahabag-habag sila! Sapagkat sinundan nila ang mga yapak ni Cain na pumatay sa kanyang kapatid. Wala silang pakundangan sa paggawa ng kamalian dahil sa salapi gaya ni Balaam. At silaʼy pupuksain dahil sa kanilang pagsuway sa Diyos tulad ni Kora na naghimagsik laban kay Moises.

12Ang mga taong itoʼy sumisira sa inyong pagsasalo-salo bilang magkakapatid sa Panginoon. Hindi sila nahihiyang kumain at uminom kasama ninyo dahil sarili lang nila ang kanilang iniintindi. Tulad sila ng mga ulap na walang dalang ulan na tinatangay ng hangin. Para din silang mga punong talagang patay na – wala na ngang bunga sa kapanahunan nito, binunot pa pati ugat.

13Tulad sila ng mababagsik na alon sa dagat; parang bulang lumilitaw ang kanilang mga kahiya-hiyang gawa. At tulad ng mga ligaw na bituin, itinakda na sila ng Diyos sa dakong napakadilim, kung saan silaʼy mananatili magpakailanman.

14Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo! Darating ang Panginoon kasama ang kanyang libo-libong banal na mga anghel

15upang hatulan ang lahat ng tao. Paparusahan niya ang mga taong walang Diyos dahil sa masasama nilang gawa. Paparusahan din niya ang mga makasalanang ito dahil sa kanilang malulupit na salita laban sa kanya.”

16Ang mga taong itoʼy mareklamo, mapamintas, at ang tanging sinusunod ay ang kanilang pagnanasa. Mayabang silang magsalita at mahusay mambola para makuha ang gusto nila.

Ang Panawagang Manatiling Tapat

17Ngunit, mga minamahal, alalahanin nʼyo ang sinabi noon ng mga apostol ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

18Sinabi nila, “Sa mga huling araw, magkakaroon ng mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang pagnanasa.”

19Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang magkawatak-watak ang inyong samahan. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Espiritu.

20Ngunit kayo, mga minamahal, lalo pa ninyong patatagin ang inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu,

21at manatili sa pag-ibig ng Diyos, habang hinihintay ang buhay na walang hanggan na ipagkakaloob ng ating Panginoong Hesu-Kristo dahil sa kanyang habag sa atin.

22Mahabag kayo sa mga nag-aalinlangan.

23Iligtas ninyo ang iba sa kaparusahan na para bang sinasagip ninyo sila mula sa apoy. Kahabagan ninyo ang iba nang may takot, kasuklaman ninyo maging ang damit na nabahiran ng kahalayan nila.

Papuri sa Diyos

24Sa kanya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagdala sa inyo sa kanyang harapan nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan,

25sa nag-iisang Diyos na ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo: sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, lakas at kapangyarihan mula pa noong simula, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.